0

Pampitik lang ang Torre de Manila...marami pang dapat punahin at alalahanin sa Maynila

Posted on Thursday, 23 July 2015

Pampitik lang ang Torre de Manila
…marami pang dapat punahin at alalahanin sa Maynila
Ni Apolinario Villalobos

Ang isyu ng Torre de Manila ay isang ehemplo ng kawalang pakialam ng mga taong hindi gumagawa ng mga responsibilidad nila. Ipinapakita nila ang ugaling “reactive” o pag-aksyon lamang kung may nangyari nang pinsala, sa halip na umaksyon habang maaga pa upang maiwasan ang mga problema, na kung tawagin naman ay “preventive”.

Ang National Historical Institute ay ilang metro lang ang layo mula sa ginagawang Torre de Manila. Nasa tabi lamang ito ng National Library of the Philippines. Ang National Commission on Culture and the Arts ay nasa Intramuros lang na hindi kalayuan mula dito. Ang Manila City Hall ay ganoon din. Bulag ba ang mga taong inaasahan umaksiyon noon pa mang umabot na sa kwestiyonableng taas ang gusali kaya hindi pa man tapos ay nakita na ang epekto nito sa rebulto ni Rizal, kaya tinawag na “photo bummer”? Bingi ba sila upang hindi marinig ang mga nag-iingay nang mga taong nababahala? Hindi ba sila marunong magbasa upang hindi maintindihan ang mga balita sa mga diyaryo ang tungkol dito? Kung sasabihin nilang nakagapos ang mga kamay nila dahil sa mahihinang batas na nagpo-protekta sa mga bantayog o shrines, bakit hindi sila nagpanukala ng mga ito noon pa man?

Ngayon ay nagtuturuan sila kung sino ang may kasalanan. Napag-alaman din na miyembro pala ng Knights of Rizal ang mga “matitinik” na taga-Maynila tulad ng dating mayor na si Alfredo Lim at mismong nakaupong mayor na si Erap Estrada. Marami ang nagtataka kung bakit wala silang kibo. Ngayon pa lang ay may mga lumulutang na kuwento tungkol sa pagkasangkot ng ilang kagawad ng konseho ng Maynila, at kung sa anong bagay ay hindi na kailangang sabihin pa.

Dahil sa isyu ng Torre de Manila, naungkat tuloy ang mga kwestiyon din sa pagpa-privatize ng mga palengke, na siyempre ay bentahan ng mga public facilities na ito sa mga pribadong grupo. Bakit kailangang i-privatize ganoong pinagkikitaan din naman ng local government, at nasisiguro pa ang kapakanan ng mga nagtitinda dahil napapanatili ang upang kaya nila, kaya wala silang dahilan upang magtaas ng mga presyo? Kung ang maayos na pagmintina ang hinahabol, hindi ba ito kayang gawin ng City Hall?  

Noon, nagkaroon ng pagtatangka ang Manila City Halol na ilabas sa Maynila ang Manila Zoo at gawing basketball stadium ang mababakante nitong espasyo. Mabuti na lang at naagapang hindi matuloy dahil marami ang nagreklamo. Hindi malayong ang tangka ay mauulit dahil nagkakaroon na ng lakas ng loob ang mga taong nagpupursige nito. Marami na kasi ang mga naipalusot na iba pang proyekto na kung tawagin sa Ingles ay “precedent”.


Ang hindi ginagawa ng gobyernong lokal sa tulong ng MMDA ay ang paglinis ng mga maliliit na ilog at estero na ngayon ay namumuwalan ng basura at water lily. Hihintayin na naman nilang magkabahaan bago magkumahog sa pagkilos. At, kasunod ng pagkukumahog ay, tulad ng inaasahan pa rin…ang pagturuan at pagsisi na naman sa mga kawawang residente na burara daw kaya kung saan saan lang nagtatapon ng basura, ganoong hindi naman hinahakot ang basurang maayos nilang tinatapos sa mga nakatalagang lugar.

Discussion

Leave a response