Mahalagang i-angkop sa uri ng kausap ang mga bagay na pag-uusapan...mas mabuti kung magaling tayong tagapakinig
Posted on Wednesday, 8 July 2015
Mahalagang i-angkop
sa uri ng kausap ang
mga bagay na
pag-uusapan
…mas mabuti kung
magaling tayong tagapakinig
ni Apolinario Villalobos
May mga pagkakataon na sa kagustuhan nating makibahagi ng
ating nalalaman, nakakalimutan natin ang uri ng taong ating kausap, kapag
mamalasin, para tayong nakikipag-usap sa hangin dahil maaaring mangyari na wala
silang interes sa mga sinasabi natin.
Tulad halimbawa noong inimbita ako ng isa kong kaibigan sa
kanila. Akala ko dahil updated siya sa mga pangyayari lalo na ang tungkol sa
korapsyon, okey lang pag-usapan namin ang paksang ito. Nang ibahagi ko sa kanya
ang mga alam ko, tiningnan lamang niya ako at ang narinig ko ay, “ah, ganoon
ba?” Kalaunan ay nagsalita din siya upang mag-share, pero ang ibinahagi niya ay
tungkol sa mga taong nakita niya sa loob ng casino at kung paano siyang nanalo
ng ilang beses sa slot machine. Nag-react naman ako maski papaano sa pagsabing,
“eh, di ayos!”. Nang palagay ko ay mabuburyong lamang ako sa bahay niya,
nagdahilan akong may pupuntahan pa.
Mahalaga ang pag-angkop ng mga paksang pag-uusapan sa uri ng
ating mga kausap upang hindi magkasawaan sa paulit-ulit na pagsabi ng mga
one-liner na sagot bilang reaksyon. Hindi dapat ipilit na iparinig sa kanila
ang ating nalalaman dahil may mga taong walang pakialam maski genius man tayo.
Kung mahahalata nating gustong bumangka ng ating kausap, pagbigyan siya.
Makinig na lang na mabuti at baka may mapupulot tayong leksiyon.
Lapitin ng tao ang mga magaling makinig dahil lumalabas na
maunawain sila. Ganoon pa man, hindi naman nangangahulugang hanggang sa
pakikinig na lamang ang gagawin natin, dahil basta may pagkakataon, dapat din
tayong sumingit ng ating mai-aambag upang sumigla ang usapan.
Ang pinakamagandang sitwasyon ay kung katugma natin ang ating
mga kausap dahil kahit abutin ng maghapon, ay hindi nagkakaubusan ng paksa. At
ang pinakamahirap namang sitwasyon ay kung magkita ang magkakaibigang magkaiba
ang hilig, siguradong labo-labo ang resulta. Nangyayari ang huling nabanggit
kung minsan sa mga pagkikita-kita ng magkakaibigan sa isang tanghalian o
hapunan. Dahil sa magkakaibigang paksa, kadalasan ay hindi nagkakarinigan ang
mga nag-uusap, lalo pa at mayroong mga ayaw magpatalo.
Ang pinakamagandang gawin natin ay palaging maghanda ng mga
kwento na may iba’t ibang paksa, at kung maipit sa isang usapang labo-labo, ay
manahimik na lamang at mag-enjoy sa pakikinig.
Discussion