0

Isang Pagbusisi sa Mundo ng Facebook

Posted on Sunday, 5 July 2015



Isang Pagbusisi sa Mundo ng Facebook
Ni Apolinario Villalobos

Ngayon, ang facebook na yata ang pinakatanyag na bahagi ng internet dahil marami na ang nakapagpatunay na talagang malaking tulong ito sa buhay ng tao.  Malamang na ang orihinal nitong gamit ay para lamang sa mga retrato, kaya dapat ay naka-frame ang mga ipo-post sa facebook, upang magmukha itong “photo album” , kaya nga “facebook” o “aklat ng mukha”. Dahil dito ay nagdalawang- isip ako noon sa paglagay ng mga ginawa kong sanaysay at tula. At, kung kailangan ko talagang maglagay, dapat ay i-frame ko rin sila. Sa payak kong kaisipan, pwede nga siguro, pero kailangan kong tadtarin at ilagay sa kung ilang frame dahil kung ang isang sanaysay ay mahaba, iisang buong page na ng facebook ang siguradong masasakop nito….at sigurado ding isusumpa ako ng nangangasiwa dahil sa pang-aabuso!

Maaaring magkaroon ng ilang “katauhan” gamit ang ilan ding facebook dahil hindi naman alam ng nangangasiwa kung sino talaga ang may-ari ng mga ito. Dahil sa nabanggit, dapat lang na bago mag-confirm ng “friend request” ay kailangang tsekin ang mga detalye sa facebook ng nagpadala. Ang siste lang, marami ang gumagawa ng facebook na ang tanging laman ay pangalan at hindi pa sigurado kung totoo. Lalo na ngayong panahon ng batikusan sa larangan ng pulitika na nagbigay- buhay sa maraming grupo na ang layunin ay mambatikos ng mga pulitiko. Kung papansinin, ang facebook ng ibang nambabatikos ay walang lamang detalye kundi nakakadudang pangalan. Okey lang sana kung makabuluhan ang mga pagbatikos, subali’t ang iba ay halata namang hindi pinag-isipan, kaya ang labas ng mga gumawa ay ang tinatawag sa social media na “bashers”. Sila ang mga mahilig lang mangantiyaw at makisakay sa mga isyu.

Ang problema sa kaso ng “bashing” ay mahirap i-trace kung sino ang mga kaibigan ng “bashers” at kung kaninong facebook sila nakakabit kaya nagawa nilang pumasok sa “loop” o samahan ng mga dapat sana ay magkakakilala. Problema din dito kung naka-“public” ang isang facebook kaya napapasok ng kahit sino.

Mayroon ring nanlilito ng mga viewers. Ito yong parang may iniiwasan. Ang payo ko lang, kapag dating kaibigan ang gumagawa nito at obvious na talagang namimili lang siya ng makakadaupang-palad sa facebook, huwang nang magpumilit na mag-reach out sa kanya. Pagbigyan siya sa kanyang kagustuhan dahil baka nagkaroon ng hindi magandang karanasan sa piling ng mga dating ka-fb, kaya dinelet niya ang dati at nagbukas ng bago, at pati katauhan niya para sa mundo ng internet ay binago na rin.

Hindi rin pala tinatanggal ng nangangasiwa ng facebook ang mga namamayapa na, kaya tuloy pa rin ang pagsulpot ng mga pangalan nila sa listahan ng mga suggested friends. Nagkakaroon tuloy ng tampo ang ibang palaging nagpapadala ng friend request na hindi naman daw inaaksiyunan, hanggang sa may magsabing patay na pala ang taong gusto nilang maka-friend!...nagsisi tuloy sila dahil sa pagtampo sa taong matagal na palang patay! …kaya nagkaroon pa ng obligasyon na taimtim na pagdasal upang humingi ng sorry sa namayapa!

Marami ring kuwentong “pagkikita” sa facebook pagkalipas ng kung ilang taon. May mga kabataan namang sa facebook naging magkaibigan, hanggang sa magligawan, na kung minsan ay nauuwi sa lokohan kaya may mga kaso ng panggagahasa. Mayroon ding kaso ng lokohan sa pera na idinaan sa pakikipagkaibigan sa facebook. Pero may mga sinusuwerte ding nakakita ng matinong asawa sa facebook.

Upang makaiwas sa kapahamakan, dapat na lang isaalang-alang ang lubusang pag-ingat sa paggamit ng facebook. At, huwag din abusuhin ang magandang layunin nito para lang makapangantiyaw ng kapwa upang hindi magantihan. Palaging alalahanin na hindi man tayo nakikita ng ating kapwa sa ating ginagawa, hindi bulag ang nasa itaas na 24/7 nakabantay sa atin…



Discussion

Leave a response