Palawan
Posted on Wednesday, 9 July 2014
Palawan
Ni Apolinario Villalobos
Kilala ang Palawan na probinsiyang “iniiwasan” daw ng bagyo,
kaya marami ang nahikayat noon na bumili ng lupang tirahan at sakahan dito.
Kapantay ng bansag na ito ang pagkilala bilang kinaroroonan ng Iwahig Penal
Colony na tinaguriang “biggest borderless reformatory institution” ng bansa.
Subali’t ang ayaw pa ring patalong mga bansag ay “isla ng mga exotic na hayop”,
at balwarte ng mga lamok na may malaria.
Isa sa mga kailangang gawin bago pumunta sa Palawan ay ang
magpabakuna ng anti-malaria. Napasyalan ko ang probinsiya noong panahon na late
‘70s. Ang airport ng Philippine Airlines ay nasa Puerto Princesa, ang kabisera
ng probinsiya. Lunsod na ito noong panahong pumasyal ako, subali’t
kapansin-pasin ang kawalan ng mga development na angkop sa nasabing kategorya.
Walang malalaking gusali at ang ginagamit na pampublikong sasakyan sa loob ng
lunsod ay traysikel…walang taksi. Sa kabila ng lahat, kapansin-pansin ang
kalinisan. Tahimik at mapayapa ang pamumuhay…at lalong walang problema sa
droga.
Sa kabuuhan, bilang islang probinsiya, ang Palawan ay hitik
sa mga pang-akit na likas na yaman na makikita sa labas ng lunsod ng Puerto
Princesa. Batay sa kasaysayan, pinangalanan ng mga Tsinong mangangalakal ang
isla bilang Pa-lao-yu (land of beautiful safe harbor). Nang dumating ang mga
Kastila, pinangalanan itong Paragua (umbrella) dahil ang hugis ng isla ay
kahalintulad sa isang nakatiklop na payong. Palawan ang ika-limang
pinakamalaking isla ng Pilipinas. Ang pinakamataas na bahagi ng isla ay ang Mt.
Matalingahan (6,839 ft. a.s.l) sa dulong katimugan.
Mas maraming hayop na kapareho ng mga nasa Borneo ang
matatagpuan, kesa ibang bahagi ng Pilipinas dahil pinaniwalaang noong
Pleistocene Period, pinagdugtong ang dalawang isla ng tinatawag na “land
bridge”. Maraming dapo (orchids) at pako
(ferns) ang matatagpuan sa isla na hindi makikita sa iba pang bahagi ng
Pilipinas. Sa bisa ng Presidential
Proclamation No. 219 na may petsang ika-2 ng Hulyo, 1967, ang kabuuan ng
Palawan ay idineklarang “game refuge and bird sanctuary” o kanlungan ng mga
maiilap na hayop at ibon. Kasama sa mga pinoprotektahan ang mouse deer, scaly
anteater, Palawan Bear,Palawan peackok pheasant, siete colores, mga kalapating
ligaw tulad ng balud o camaso, makukulay na loro, mynah, mga agila, at marami
pang iba.
Ang Palawan ay may 81 iba’t ibang grupo ng kultura at lahi.
Ayon sa kasaysayan, ang mga unang tumira
sa isla ay galing sa Borneo, na sinundan ng mga Muslim na galing sa Malaysia na
nagpasakop ng ilang bahagi nito sa Sultan ng Borneo. Sumunod ang mga Tsinong
mangangalakal, na sinundan ng mga Kastila.
Ang 8 cultural communities ng Palawan ay Tagbanua, Palawan,
Batac, Konoy o Ken-uy, Calamian, Molbog, Jama-Mapun, at Tausug. Ang mga Cuyunos
o mga taal na ipinanganak sa Palawan ang dominanteng grupo sa isla. Ang
mayamang kultura ng Palawenos sa kabuuhan ay makikita sa mga ritual at
pagdiriwang tulad ng ati-ati, comedia, tambura, sayaw, sinulog, erkay at
inocentes. Ang madalas na pasyalang komunidad ng mga natives ay ang matatagpuan
sa Aborlan na 69 kilometers ang layo mula sa lunsod ng Puerto Princesa.
Ang St. Paul Subterranean Park, na kalauna’y tinawag na
Puerto Princesa Underground River, ay mararating sa loob ng isa at kalahating
oras na biyahe mula sa lunsod hanggang sa Bahile, kung saan ay sasakay ng
“pumpboat” na bibiyahe naman ng dalawang oras. Ang Tabon Caves na tinaguriang
“Cradle of Philippine Civilization” ay matatagpuan sa Lipuon Point na sakop ng
Quezon, 149 kilometro mula sa lunsod. Dito natagpuan ang pinakamatandang bungo
ng unang Pilipino, mga banga at tapayan na ang kalumaan ay abot pa noong
nakaraang 890 B.C at 710 B.C.
Ang Ursula Island na tinaguriang paraiso ng mga ibon ay
kilala na sa buong mundo lalo na sa mga taga- Europe na birdwatchers. Isa itong
bahura na may manipis na gubat na kanlungan ng mga ibon galing sa ibang bansa
na nagpapalipas ng taglamig. Mararating ito sa pamamagitan ng “pumpboat” mula
sa Bataraza, sa loob ng dalawang oras. Ang Bataraza naman ay mararating sa loob
ng pitong oras mula sa lunsod kung gagamit ng uupahang sasakyan. Ang isa pang
isla ng mga ibon kung saan ay maaari ring mag-scuba dive ay ang Tubbataha Reef.
Nababanggit ito ngayon dahil sa sumadsad na barko ng US Navy na sumira ng isang
bahagi nito. Kailangan ang permiso bago pumunta sa Tubbataha Reef.
Ang iba pang nakakaakit na maaaring pasyalan sa Palawan ay
ang Bugsuk Island, na dalawang oras na sakay sa “pumpboat” ang layo mula sa
Balabac; Busuanga Island kung saan ay matatagpuan ang isang pearl farm at
rantso ng baka; Calawit Island na tinitirhan ng mga hayop mula sa Kenya,
Africa; Coron Island na tanyag sa mga handicraft na produkto, at kung saan ay
matatagpuan din ang Maquinit Hot Spring, Lake Cabugao, Siete Pecados, at
Cayangan lake.
Ang isa pang sikat sa buong mundo na ngayon at may resort na
ay El Nido. Ito ay may layong 147.6 nautical miles mula sa lunsod ng Puerto
Princesa, at dito matatagpuan ang mga kweba na pinamamahayan ng mga
balinsasayaw na gumagawa ng mga pugad nila sa pamamagitan ng laway. Ang mga
pugad na ito ay may mataas na halaga at binibili ng mga kainang tsino para
ilutong “bird’s nest”. Ang pangunguha ng pugad ay pinagbabawal ng batas,
subali’t may mga nakakalusot pa rin na nagsasabing wala silang maaaring
pagkitaang iba kundi ang pangunguha nito na lubha ring delikado dahil
kailangang mangunyapit sa mga nakausling maliliit na bato sa gilid ng kuwebang
madilim. Improvised “headlight” ang gamit ng mga nangunguha upang mailawan
maski bahagya ang gilid ng kuweba.
Ang isa sa mga makasaysayang kastilaing palatandaan naman ay
ang Taytay Spanish Fort na matatagpuan sa bayan ng Taytay, 117.2 nautical miles
mula sa lunsod. Ang iba pang pang-akit ng Taytay ay Malampaya Sound, Lake
Danao, Elephant Island at Manguoa Lake. Ang isa pang palatandaan ng nakaraang
kastilaing kultura ay ang Cuyo Spanish Church na meron ding daungan.
Matatagpuan ito sa isla ng Cuyo na 152 nautical miles mula sa lunsod.
Ang Palawan ay itinuturing na huling hangganan o last
frontier ng Pilipinas. Mabilis ang pag-unlad nito ngayon, subali’t sinasabayan
ng ilang bisyo na karaniwang nakikita sa mas malalaking lunsod tulad ng
Maynila. Nadagdagan ang popularity ng Palawan nang mahirang ang Puerto Princesa
Underground River na isa sa walong nakakamanghang tanawin sa buong mundo, at ilang
beses na ring nanalo bilang pinakamalinis na lunsod sa buong Pilipinas. Ang mga
pinakatanyag na mga pasalubong na maaaring mabili sa Palawan ay mga daing na
isda at kasoy.
Pinaalalahanan ang may balak pumunta sa Palawan na
magpabakuna muna ng anti-malaria. May mga maliliit na domestic airlines ang
maaaring sakyan papunta sa mga isla tulad ng Coron at El Nido. Ang iba namang
airlines ay sa airport ng Puerto Princesa lumalapag.
Discussion