Isang Paglalakbay sa Underworld ng Maynila
Posted on Tuesday, 1 July 2014
Isang
Paglalakbay sa Underworld
Ng
Maynila
Ni Apolinario Villalobos
(…itong salaysay ay batay sa mga pangyayari
noong later part ng dekada nobenta.)
Ang underworld ay daigdig ng mga taong ang
buhay ay lihis sa batas. Dahil sa ugali kong mapangahas, napadako ako sa
daigdig na ito nang hindi inaasahan. Nagsimula sa pakikipagkaibigan ko sa mga
taong natutulog sa bangketa, nakatira sa tabi ng Ilog-Pasig at depressed areas,
mga manggagantso at snatcher. Gusto ko lang linawin na hindi lahat ng mga taong
nakatira sa mga ganoong lugar ay lumilihis sa batas ang buhay….ilan lamang sa
kanila , na nagkataong naging kaibigan ko, at hindi ko ikinahihiya.
-0-0-0-0-0-
Isang “Dennis” ang nakita kong pilit na
nagbebenta ng isang nakabalot na bagay sa magkapatid na parehong binatilyo, sa
kalyeng malapit sa Sta. Cruz Church. Nakita ko silang nagtatalo kaya nakialam
na ako. Pinaalis ko ang magkapatid at kinausap ko si “Dennis”. Sa katatanong
ko, inamin niyang maliit lang daw naman ang kinikita niya ang nang malaman kong
kaya ko naman, nangako akong aabunuhan ko. Ang binebenta niya ay maliit na
estatwa ng Virgin Mary. Ganito ang raket na inamin niya: gagawa ng paraan upang makausap ang tinatarget na biktima, magsasabi siya ng
presyo at pilit pahawakan kunwari ang nakabalot na estatwa, kapag nahawakan na,
pipilitin niyang magbayad ang biktima, kapag pumalag, mag-eeskandalo siya at
lalapit ang mga kasama niya upang mapilitang magbayad ang biktima. Noon,
nakaabang na pala ang dalawa niyang kasama, subali’t naunahan ko silang lumapit
kay “Dennis” at mga bibiktimahin niya. Nang makita nilang maayos kaming
nag-uusap ni “Dennis” lumapit sila. Mabuti na lang at nagkapalagayan kami ng
loob. Niyaya ko silang kumain sa isang karinderya. Habang kumakain kami, inamin
ng dalawang kaibigan ni “Dennis” na snatcher sila. Medyo kinabahan ako pero
hindi ako nagpahalata. Parang walang anumang sinabi nila ito sa akin, sinabi ko
kasi sa kanila na hindi ako pulis, isang taong nagmalasakit lang.
Niyaya ako ng tatlo sa tinitirhan ng isa sa
kanila na nasa gilid ng isang bakanteng lote. Inabutan namin ang papaalis na
sana niyang asawa, kasama ang maliit na anak, magtitinda sa bangketa ng
Avenida. Inabutan niya ng pera ang asawa niya. Sunod na pinuntahan namin ay
tinitirhan naman ng isa pang kasama namin…nasa second floor ng lumang building
sa Recto. Isang maliit na kwarto ang inuupahan ng pamilya niya. Nagbigay siya
ng pera sa nanay niya. Huli naming pinuntahan ang tinitirhan ni “Dennis”, isang
maliit na kwarto ng boarding house sa likod ng Philippine Rabbit bus terminal
sa Avenida, mag-isa lang siyang nangungupahan sa kwarto. Maraming nakatambak na
t-shirts, sabi niya pambenta daw. Kung gusto ko raw makakita ng bentahan ng iba
pang kalakal, pumunta daw ako sa Arranque kinabukasan bandang mga ala-sais ng
umaga, habang paputok ang araw.
Kinabukasan, ala-singko pa lang ng madaling
araw, nasa Arranque na ako at nadatnan ko ang maraming tao, palakad-lakad, may
mga bitbit na kung anu-anong gamit – damit, relo, pantalon, kawali, sapatos,
etc. Maya-maya dumating si “Dennis”, may dalang plastic bag, puno ng mga
t-shirt at naglatag sa bangketa, katabi ng ibang nauna sa kanya. Yong ibang
nailatag na mga maong na pantalon, karamihan ay basa pa, may kumot, duster, bra
– puro basa. Sa isang tabi, may mga nagtitinda ng naka-plastic na ulam – mga
pagpag daw…mga tirang pagkain na nakuha sa basurahan ng mga restaurant,
pinagpagan ng mga butil ng kanin at niluto uli. Maraming relo ang
kapansin-pansing binebenta, hindi lang malinaw ang mga tatak dahil mahina ang
streetlight na nag-iilaw sa lugar.
Bago magliwanag, halos sabay na nag-alisan
ang mga nagbebenta, ganon din kami ni Dennis. Nakabenta siya ng anim na
t-shirt, puro nabarat, pero binigay na lang din niya, mga sinungkit lang naman
daw niya sa sampayan. Nagkape kami sa isang bangketa malapit sa bus terminal at
nagkwentuhan. Tinanong ko siya kung pwede rin akong magtinda sa Arranque, sabi
niya siya na lang daw ang pabentahin ko para mapatungan na lang niya, may kita
pa siya. Pumayag ako. Kinabukasan, nagdala ako ng maraming lumang damit at
maong na pantalon. Karamihan ng dala ko ay nabenta kaya tuwang-tuwa siya.
Simula noon, tuwing Sabado, nagkikita kami sa Arranque ni “Dennis”, yong
dalawang kaibigan niya hindi daw mahilig magbenta, gusto lang ay mang-snatch.
Ang pakilala ko kay “Dennis” ay bagong salta ako at naghahanap ng trabaho sa
Maynila, na pinaniwalaan naman niya.
Marami siyang kaibigang “pukpok” sa Avenida
kaya nakilala ko rin. Ang ibig sabihin ng “pukpok” ay prostitute. Ang isa ay si
“Joy”, na nagsabing kung minsan ay sa Mabini, sa Ermita siya nagrarampa. Kung
talagang zero daw, nag-iistambay siya sa Luneta. Nakikipagkaibigan sa mga
magbabakardang estudyante. Pero kung makakuha ng pagkakataon, ay “nang-eeskuba”
o nagnanakaw ng sandal, tsinelas o sapatos ng mga natutulog at pinabebenta niya
kay “Dennis” sa Arranque. May isang anak na dalawang taon si “Joy”. Maganda
siya, artistahin subali’t hanggang grade three lang ang inabot, kaya sa
pagpu-“pukpok” ang bagsak niya. Sinubukan niyang mag-waitress subali’t pinagkaisahan
ng ibang waitress na nainggit sa kanya dahil malapit siya sa anak ng intsik na
may-ari. Nabuntis siya ng isang customer niya sa Avenida.
Nang minsang dumaan kami ni “Dennis” sa
Arranque, bandang hapon, may pinagkakaguluhan ang mga tambay na mga kumpol ng
mga susi at mga ID, napakarami! May mga ID ng SSS, mga kumpanya, GSIS, mga
credit card. Pinaghati-hatian nila ang mga susi, pero ang mga ID, hindi
pinansin. Sabi ng isang nakipag-agawan, nakuha daw ng isang bata ang plastic
bag na pinagsidlan ng mga susi at ID sa basurahang hindi kalayuan sa isang
istasyon ng pulis! Ayaw kong isipin na ang mga iyon ay mga nakumpiska sa mga
snatchers at naipon sa istasyon…
Nang mag-bertdey si “Jun”, ang isang
kaibigan ni “Dennis” na umaming snatcher, sumama ako at nag-ambag ng pampulutan
– isang kilong pata ng baboy na binili ko Quinta Market. Siya yong ang pamilya
ay nakatira sa second floor ng lumang building sa Recto. May iba pang bisita
kaya apaw sa kwarto ang mga nag-iinuman. Ang mga maliliit na kapatid ni Jun ay
pinaglaro niya sa bangketa ng Recto. Ang tatay niya ay maagang pumunta sa
Divisoria, nag-traysikad at ang nanay naman ay pumunta na rin sa Quiapo,
nagtinda ng mga burluloy o accessories na pinagkasya sa bilao. Pinakilala ako
ni “Jun” sa iba at habang binabanggit ang pangalan nila ay dinudugtungan niya
ng “snatcher din”, sabay tawa. Puro snatcher ang mga bisita. Kanya-kanya pala
sila ng pwesto sa Sta. Cruz at Quiapo… alam ng mga pulis dahil nakalagay sa
blotter ng mga estasyon tuwing mahuli sila. Kaya basta kilala daw ng pulis ang
inagawan, at sinabi niya kung saan nangyayari, nari-recover agad dahil
pinupuntahan ng pulis sa bahay ang snatcher na “may-ari” ng “pwesto”, kung saan
ay na-snatch ang isang bagay.
Sabi ko huwag masyadong maingay ang tawanan
at kwentuhan, at baka makaistorbo sa ibang nakatira sa mga katabing kwarto.
Sabi nila sa akin, pare-pareho lang daw silang mga nakatira sa lumang building
– mga hoodlum. Yong nakatira sa isang kwarto, pamemeke ng mga ID ang trabaho,
yong sa isang kwarto bugaw sa Avenida, yong isa fixer sa Customs sa pantalan,
yong isa call boy at macho dancer sa isang malapit lang na gay bar, at yong isa
call boy at bugaw sa Ermita na ang sideline ay kumanta sa isang karaoke bar.
Hindi ako masyadong uminom at baka malasing ako, mahirap na.
Bago lumalim ang gabi, dumating ang mga
magulang ni “Jun”, ang mga kapatid niyang maliliit, pinatulog sa isang katabing
kwarto kasama ang mga anak ng fixer sa Customs. May dumating na dalawang babae
na mga “pukpok”, may dalang pampulutan, at pinakilala din sa akin. Pamilyar ang
mga mukha dahil nakikita ko sila sa Avenida. Yong isa nga naalala kong binigyan
ko ng pangkape. Nakipag-inuman sa amin ang mga magulang ni “Jun”.
Minsan, sinubukan kong pumunta sa sinasabi
ni “Joy” na tambayan niya sa Ermita. Nasa plaza pala katabi ng Aristocrat
Restaurant. Inimbita ko siyang kumain sa restaurant. Nang lumabas kami, nakita
namin ang bugaw niya at may kasamang foreigner. Nang umalis si “Joy” kasama ang
foreigner, nag-usap kami ng bugaw niyang si “Richard”. Akala niya ay customer
ako ni Joy kaya nalungkot siya at baka mapurnada ang paghanap niya ng customer
para kay “Joy”. Sa gilid ng Roxas Boulevard nakatira si “Ric” – yong gilid na
nakaharap sa dagat…may uka pala ang mga deke sa bandang ilalim nito, bale
kinain ng hampas ng alon kung high tide, at pwedeng tulugan. Marami silang
natutulog sa mga uka ng deke. Kung may bagyo, kanya-kanya silang bitbit ng mga
gamit at maghahanap ng pansamantalang bangketang hindi abot ng malakas na
hangin at ulan. Sa di-kalayuang pwesto
ng isang babaeng nagtitinda ng naka-plastic na kanin at ulam ko pinakain si Ric
bago kami naghiwalay.
Kinwento ko kay “Dennis” ang pakipagkita ko
kay “Joy”, sabi ko, nagtripping lang ako. Nang sumunod na Sabado ng gabi,
pumunta kami sa karaoke bar na kinakantahan ng kaibigan niya. Blow-out daw niya
dahil nakabenta siya ng pulseras na mamahalin. Maraming Hapong customer. Liban
sa pagkanta, nagko-coach din ang kaibigan niya sa mga customer na gustong
kumanta…ito yong ang talagang trabaho ay pagko-call boy sa Ermita at sideline lang ang
pagkanta sa videoke bar. Sa isang katabing bar na medyo disente ay kumakanta
ang isang kilalang singer na si R.D. Pinlano namin ni “Dennis” ang pag-inom
dito maski tig-isang beer lang, dahil pareho kaming curious, sabi ko ako ang
taya. Tinayming namin ang pagpunta sa iskedyul ng sikat daw na singer. Nang
pumunta kami, nakita nga namin ang singer, magaling kumanta. Siya ang
nagpasikat ng kantang “Nais Ko” at “Lumayo ka Man sa Akin”. Nakipag-usap siya
sa amin, at napansin kong malagkit ang tingin niya kay “Dennis” na hawig kay
Romeo Vasquez. Dahil mahal ang beer, lumabas agad kami. Nang sumunod na taon,
nabasa ko sa tabloid na namatay ang singer sa Amerika… AIDS ang dahilan.
Sa pakikisama ko kay “Dennis” at mga barkada
niya, nakagawa agad ako ng anim na tula. Isang tungkol sa Tondo, tatlo ang
tungkol kay Joy at dalawa ang tungkol sa mga “pukpok” ng Avenida. Nakatuwaan
kong lapatan ng tono, gamit ang gitarang nahihiram ko sa kasama ko sa boarding
house. Nang may mabasa akong anunsiyo tungkol sa isang contest sa paggawa ng
kanta, sinabmit ko lahat sa kumpanyang nag-aalaga noon kay I.P., isang babaeng
singer na taga-Bicol na kalaunan ay sumikat. May napili silang dalawang kanta,
maliit lang bayad sa dalawa. Hindi ko na inatupag kung ano ang nangyari sa
dalawang kanta, dahil nagsara din ang kumpanya at si I.P. ay lumipat sa ibang
kumpanya.
Nang sumunod na punta ko sa Arranque,
nabalitaan kong hinuli daw si “Dennis” ng pulis na ang estasyon ay malapit
lang. Pinuntahan ko. Nagkagulatan dahil ang precinct commandeer ay kilala ko –
na messenger ng isang division sa kumpanyang pinapasukan ko, at nag-aaral, bale
working student. Bayaw siya ng kumpare ko na mekaniko sa kumpanya namin. Kaya
pala hindi ko na nakita ng matagal sa pinapasukan ko, pumasok pala sa
pagka-pulis, malakas ang kapit dahil ang nagrekomenda ay taga-NBI, tiyuhin
niya. Pareho kaming hindi nakapagsalita agad. Ako ang unang nahimasmasan,
inakbayan ko siya at isinama sa labas. Habang palabas kami, tinginan sa amin
ang ibang pulis at ang mga detinado. Binulungan ko siya na huwag ibistong
kilala niya ako. Nang pumasok kami uli, ipinakilala niya ako sa mga kasama niya
gamit ang pangalan kong alam ni “Dennis”.
Niyaya niya ako sa coffee shop ng hotel sa
tapat ng presinto at masaya kaming nag-usap. Kabiruan ko kasi siya noon sa
kumpanyang pinapasukan namin. Pagkaubos ng kape na hindi niya binayaran,
umakyat kami sa third floor. Dinala niya ako sa “aquarium”- ito yong may
silipang horizontal na salamin sa kahabaan ng dingding ng isang kwarto na
maraming naka-displey na mga babae. Pumili daw ako, nagulat na naman ako. Sabi
ko next time na lang. May isang kwarto pala siya sa hotel na pagamit sa kanya –libre. Hindi na niya ako pinaalis,
pero nakiusap akong palabasin si “Dennis” at mga kasama nito na ginawa naman
niya. Sinabihan ko si Dennis na saka na lang kami mag-uusap.
Noong tanghali na, niyaya niya ako sa isang
kilalang Chinese restaurant – nagulat uli ako dahil sky is the limit ang order
at libre! Sakop pala niya ang kalahati ng Sta. Cruz area mula sa Recto hanggang
sa simbahan. Sabi niya, sabihin ko lang daw kung saan ko gustong kumain kung
nasa area niya ako, at siya ang bahala. Napapailing na lang ako.
Nang maalala ko ang experience ko sa isang
maliit na bahay sa Trinidad St. kung saan ay dinala ako ng isang bugaw upang
maging customer ng sabi niya ay “tsina” daw, yon pala ay bakla, sinabi ko sa
kanya. Diniskrayb ko sa kanya ang hitsura ng bugaw. May tinawagan siya, at wala
pang kalahating oras, may dumating na owner jeep ng pulis. Bumaba ang isang
pulis at may kasamang lalaking payat – ang bugaw! Nang magkaharap kami ng
bugaw, ganoon na lang ang pagmamakaawa niya at humingi ng pasensiya. Sinabi ko
sa kaibigan ko na siya nga ang muntik nang magpahamak sa akin, at dahil sa
taranta ay hindi ko naisuot ang brief at medyas ko, baligtad ko pang naisuot
ang t-shirt na nakarating sa Luneta. Sinabihan ko na lang ang bugaw na ayaw ko
na siyang makita pa sa Chinatown na balwarte pala niya. Kilala siya ng mga
pulis sa lugar na yon.
Nang sumunod sa Sabado, maaga pa lang nasa
boarding house na ako ni “Dennis”, at sinabihan ko siya na ang pulis ay
kaibigan ng pinsan ko. Nalaman ko kay Dennis na sumpungin daw ang pulis, dahil
kung minsan ay mabait, subali’t kung may tupak daw ay nanghuhuli ng mga
nagtitinda sa Arranque na pinagmumulta niya ng 200pesos bawa’t isa. Nagkataon
noon na walang pera si “Dennis” nang mahuli, kaya siya nakulong ng dalawang
araw, hanggang sa dalawin ko.
Nalipat sa presinto ng Quiapo ang kaibigan
kong pulis at nang bisitahin ko isang araw, may mga babaeng halos pumuno ng
presinto – mga nahuli daw sa salang vagrancy, kasama ang dalawang babaeng
naging bisita sa bertdey party noon ni “Jun”. Pinagkape niya ako sa opisina
niya sa mezzanine ng presinto kung saan nakita ko ang pinakamaganda sa mga
babae. Nakiusap ako uli sa pulis na baka pwedeng pawalan na ang mga babae tutal
tanghali na rin naman at siguradong walang pambayad sa multa…ganoon nga daw.
Nang maayos ang blotter, nagsi-alisan na ang mga babae. Maski hindi ko
tinanong, nagpaliwanag ang pulis na yong nadatnan ko sa office ay pinaka-lider
daw at kinausap niya ng masinsinan. Hindi na ako nag-usisa pa.
Mga isang taon pa ring nag-duty ang pulis
bago nag-retire. Ipinagbilin niya ako sa humalili sa kanya sa presinto ng
Quiapo. Malaking bagay sa akin ang may kilala sa presinto dahil nakakatulong
ako sa mga hinuhuli upang kikilan lang, kaya kahi’t papaano, basta nasa area
ako, nagpapakita ako sa presinto para hindi ako makalimutan ng mga pulis.
Ang hilera ng mga boarding house naman sa
likod ng Philippine Rabbit bus terminal ay na-demolish kasama ang tinitirhan ni
“Dennis” kaya lumipat siya sa Bambang St. Nakakuha siya ng maliit na kwarto ng
lumang bahay na panahon pa ng Kastila itinayo, kaya halos nakagiray na ito.
Malapit ang bahay sa Bambang market, tindahan ng mga “relip” na damit.
“Relip” (relief) ang unang tawag sa mga
damit na “ukay-ukay”, isang salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay
“halu-halungkat” dahil kung mamili ka ay maghahalungkat ka muna. Ang isa pang
meaning nito ay “halo-halo” dahil para kang naghahalo sa pagpili ng damit. Okey
daw sa lugar na yon dahil ang mga t-shirt
na pambenta niya ay maaaring niyang ipasa sa mga pwesto sa Bambang
market upang maging pera agad, pero sa mababang halaga lang.
Kalaunan, isinama ni Dennis si “Joy” at
anak nito sa kwartong inupahan niya. Para silang pamilya at maganda naman ang
samahan dahil pareho silang taga-Bicol. Noon ko napasin na naninigarilyo na si
“Dennis” parang nahawa ni “Joy” na chain smoker. Mabuti na lang at hindi ako
inusisa pa tungkol sa pulis kaya kampante pa rin siya sa akin. May inihanda
naman akong paliwanag kung sakali.
Isang beses na bumisita ako sa kanila,
inabot ko ang dalawa na nagbabalot ng marijuana. Dahil panatag na ang loob nila
sa akin, itinuloy lang nila ang ginagawa nila, pero nabahala na ako. May
nakiusap daw kasing kapitbahay sa pagbenta ng “kalakal”. Mula noon, hindi na
nagbenta ng t-shirt si “Dennis”. Si “Joy” naman, hindi na rumampa sa Avenida.
Hati sila ng tambayan…si “Dennis” sa kanto ng Bambang at Avenida, si “Joy”
naman, sa palengke ng Bambang. Kanya-kanya silang bitbit ng mga “kalakal” na
pambenta.
Nag-suggest ako kay “Joy” na baka pwedeng
ipasok ang anak niya sa Hospicio de San Jose, at magsabi na lang na hindi niya
maaasikaso dahil nagtatrabaho siya. Bitbit kasi niya ang bata kung tumambay
siya sa palengke. Sa pagkakaalam ko kasi, maaari yatang bawiin ang bata
pagdating ng tamang panahon, kung kelan ay maayos na ang buhay ng ina. Pumayag
naman siya.
Nang mag-bertdey ang anak ni “Joy”, dinala
namin siya sa Luneta. Doon tinanong ko ang dalawa kung ano ang balak pa nila
para sa mga susunod na araw. Inamin ni “Dennis” na kaya daw siya nagtitiyaga sa
Maynila ay upang alalayan ang nakakabatang kapatid na babaeng may anak at
naka-confine sa Philippine General Hospital, matagal na pala, at hindi lang
niya binabanggit sa akin, baka daw kasi lumabas na nagpapa-awa siya at
humihingi ng tulong. Ang kapatid niya ay sa Pasay nakatira, nagtitinda ng gulay
sa Libertad market. Kalahati daw ng kinikita niya ay sa kapatid niya napupunta.
Si Joy naman gustong umuwi sa Ligao, Albay, nag-iipon lang ng pera.
Kinabukasan, pinuntahan namin ni “Dennis”
ang pamangkin niya, may sakit palang malalang TB at malnourished…limang taong
gulang na babae. Halinhinang binabantay ng kapatid niya at tiyahing tinitirhan
sa Pasay. Sabi ng nurse, tamang pagkain lang daw ang kailangan at tuluy-tuloy
na gamutan, na bale nakaka- anim na buwan na. Tinanong ko kung maaaring ilabas
at sa bahay na lang ang pagpapa-inom ng gamot. Ang sabi, pwede daw pero
kailangang i-dextrose pa rin every other week upang mabilis ang recovery. Nang
dumating ang doctor, sinabi niyang pwede namang gawin daw maski saang ospital
ang pagpa-dextrose kung kailangan pero ang pag-inom ng mga gamot dapat walang
patlang. Naglaro ang isip ko sa thirteenth month pay na nakatakdang ibibigay ng
kumpanya sa amin, at tiyak na ang bahagi nito ay may kalalagyan.
Kinausap ko ang isang kaibigan ko tungkol
sa kaso ng pamangkin ni Dennis, at napapayag kong tumulong sa pagtustos
hanggang mailabas ng ospital ang pasyente. Biniro ko kung okey pa ring tulungan
namin hanggang pag-uwi nila sa Bicol, walang kagatul-gatol na umoo siya,
gagamitin daw naming ang pick-up niya. Kinausap ko si “Dennis” tungkol sa
kaibigan kong mag-i “sponsor” sa kanila hanggang makauwi sila sa Bicol. Tatlong
buwan ang nakalipas, nakauwi si Dennis kasama ang kapatid at pamangkin.
Taga-Iriga sila. Ang kapatid niya ay “disgrasyada”, nabuntis ng isang kargador
sa palengke ng Libertad.
Si Joy at ang anak niya ang unang nakauwi
sa Albay, dahil pamasahe lang naman ang problema. Nakailang buwan din sa
hospicio ang anak ni Joy. Dinagdagan namin ng kaibigan ko ng maliit na
pampuhunan sa negosyo ang pamasaheng ibinigay sa kanya.
Nang makauwi sina “Dennis” at “Joy” sa
probinsiya, hindi na ako nagpakita sa mga kaibigan nila.
Bago nag-retire ang kaibigan kong pulis,
nag-schedule siya ng isang blow-out kasama ang dalawa pang pulis sa isang
videoke bar. Pumasok kami ng maaga upang makauwi din ng maaga. Pag-upo namin
nilapitan agad kami ng isang babaeng may edad subalit bakas pa rin ang ganda ng
mukha, may katabaan ng kaunti at sira ang mga ngipin dahil ang ilan ay halatang
bulok na. Pagkatapos kaming bigyan ng beer, kinantahan kami. Kuhang-kuha niya
ang kantang “Nananabik”. Pagkatapos ng dalawa pang kanta, iniwan kami at
pumunta sa kusina, nagluto yata ng pulutan. Tinanong ako ng kaibigan ko kung
may masasabi ako tungkol sa babae…sabi ko magaling kumanta, yon lang. Tumawa
siya, sabay sabi niya ang babae ay si D.R! Nangilabot ako! Ang natandaan kong
mukha ng sinabi niyang singer ay mestisahin, nanalo pa sa Tokyo Music Festival
yong unang kinanta niya para sa amin, at naging artista pa. Sabi ng kaibigan
ko, nagkaroon daw ng bisyo –drugs. Napabayaan ang career. Pakalat-kalat na nga
daw hanggang kupkupin ng may-ari ng mumurahing bar na kaibigan niya. Iniipon
daw niya ang mga perang bigay sa kanya tuwing kakanta siya. Pinatira siya sa bar kapalit ang serbisyong
pagwi-waitress at pagtulong sa kusina. Kung may mag-request, lumalabas siya
upang kumanta. Nahilo ako sa narinig kong kwento. Pagkatapos ng isang beer,
kape na ang ininom ko. May sinabi pa sa akin ang pulis na kung gusto ko raw
makita ang dalawang sikat na bold star noon, pwede niya akong dalhin sa
tinitirhan nila. Pumayag ako pero sabi ko Linggo na dahil may official business
trip ako Biyernes at Sabado.
Nang magkita kami kina-Lingguhan, pumunta
kami sa isang maliit na lugar ng mga iskwater sa tabi ng Reina Regente
river. May nasalubong kaming isang
naka-unipormeng pulis, nagsaluduhan sila, pinakilala ako. Casual na sinabi ng
kaibigan ko na nag-bold star din ang nasalubong namin sa mga “pene” movies
ilang taon na ang nakaraan bago nagpulis at ang pangalan niya ay R.R. Sa pinasyalan naming bahay, nandoon nga ang
mga dating bold star, magaganda pa rin, sina C.C at N. Pero halatang bagsak na
ang mga katawan. Sila ang mga madalas ipartner kay G. E. na kamag-anak ng isang
akusadong mambabatas. Madalian ang kumustahan, nakinig lang ako sa kwentuhan
nila. Hindi kami nag-imikan ng kaibigan ko habang naglalakad kami palayo sa mga
barung-barong.
Sa pag-retire ng kaibigan ko ay tumira ito
sa isang maliit na bayan ng Cavite, tabing dagat ito. Ang lupa ay “bigay” daw
sa kanya ng isa niyang natulungan. May kasamang ibang babae, at inamin ng
kaibigan ko na isa ito sa mga madalas nilang hulihin noon sa Avenida – yong
nakita ko sa office niya nang dumalaw ako – ang pinakamaganda. Naghiwalay na pala sila ng misis niya na
nakisama naman sa isang opisyal ng Maynila. Maayos naman daw ang paghihiwalya
nila, lalo na at wala siyang magawa dahil sa taas ng katungkulan ng sinamahan
ng misis niya. Madalas siyang pasyalan ng mga anak niya na may mga pamilya na
rin. Natiyempuhan ko pa minsan ang pagdalaw ng isa niyang anak.
Mahiwaga talaga ang buhay…
(Bahala na ang makakabasa nito, kung anong
leksiyon ang mapupulot nila…sana ay meron nga.)
Discussion