Ang Ugaling Gaya-gaya
Posted on Tuesday, 1 July 2014
Ang
Ugaling Gaya-gaya
Ni Apolinario Villalobos
Madalas binabatikos ang ugaling ito ng
Pilipino. Masakit mang aminin, ito ang
isa sa mga dahilan kung bakit nahihirapan tayong umusad patungo sa mas maunlad
na pamumuhay. Subali’t hindi naman lahat
ay may ganitong ugali. Yong may diskarte na hindi nanggagaya, sila yong
umaasenso at sila ang ginagaya ng mga naiinggit sa mga tinamo nilang tagumpay
sa buhay.
Noong nauso ang negosyong tapsilog sa
Dongalo, Paraῆaque, at dinagsa ng mga kostumer maski hatinggabi na, may nanggaya,
tapsilog din daw sila ng Paraῆaque, pero ang pwesto ay nasa Pasay. Meron pa
ngang sa Caloocan naman ang pwesto. Noong nauso ang ensaymada ni Niῆo
Muhlach, marami ang nakigaya at nagbenta rin ng kanilang ensaymada na “melts in
the mouth” din daw na tulad ng kay Muhlach. Yong iba, pati kulay at disenyo ng
karton ay halos ginaya. Noong nauso ang lechon-kawali, marami ring nagsunuran
na nagsilutuan din ng pata at liempo ng baboy sa kawali.
Ang matindi sa ibang gumagaya, tinatabihan
pa ang ginagaya. Kaya hindi kataka-taka na may mga lugar sa Maynila o saan mang
lunsod o bayan sa Pilipinas na hili-hilera ang mga pwesto ng barbecue,
bananacue, pares, lugaw at iba pa. Katwiran ng mga nanggaya, mas marami, mas
masaya, parang sinabi nila ng hindi diretsahan na may karapatan din silang
magbenta nang kaparehong kalakal, kaya ang sinabing dahilan ay para masaya daw!
Ang ganitong ugali ay nakakaapekto din sa
pagkatao ng ibang Pilipino, dahil ayaw nilang patalo. Gusto nila, kung ano ang
nakikita nila sa iba, meron din sila. Nangyayari ito sa mga biglang-yamang mga
tao dahil pakiramdam nila, kaya na nila kung ano man ang gustuhin nila sa buhay
dahil may pera na sila. Delikado din ito sa isang banda, dahil sa kagustuhan
nilang mahigitan ang ginagaya, ang kalabisang natamo ay nakasira sa kanila.
Tulad ng kwento ng isang babae na nainggit
sa kapitbahay na nagpalaki ng dibdib ng katamtaman lang naman. Nagpalaki din
siya, pero mas malaking di-hamak kaya ang nangyari ay para siyang may dalawang
lobo sa kanyang harap na nagpaliyad sa kanya. Ewan lang kung hiniwalayan siya
ng asawa niyang nagtatrabaho bilang seaman, dahil tingin sa kanya ay trying
hard na exotic dancer sa isang beerhouse, dahil nagpakulay pa ng buhok.
Yong isang kwento naman tungkol sa isang
babae na nainggit sa kapitbahay na nagpatanggal ng matris na cancerous. Ang
nainggit, nagpatanggal din, hindi lang matris, kundi obaryo din – nalamangan
niya ng isang organ ang kinainggitang kapitbahay. Ibinalita pa sa mga kaibigan,
tingin tuloy sa kanya, babaeng kulang-kulang!
Pati sa pag-alaga ng hayop, may mga
nagkakainggitan din. May isang kapitbahay na kinainggitan dahil sa binili
niyang malaking asong St. Bernard, ang nainggit, bumili ng kabayo. Yong bumili
ng pot-bellied pig, ang nainggit bumili ng barakong baboy na bulugan may
dalawang bilog na kumakampay sa pagitan ng dalawang paa sa likod…panalo ang
nainggit na kapitbahay, dahil napapasaya niya ang mga kapitbahay tuwing
iwo-walking niya ang baboy niyang bulugan sa loob ng subdivision. May
nagkakamali pang nagtatanong sa kanya kung magkano ang singil niya sa
serbisyong pakasta ng baboy niya!
May isang nainggit sa kaibigang
nagpa-tattoo ng kilay. Nagpa-tattoo rin siya, subalit dahil allergic pala siya
sa chemical na ginamit, nagka-keloid kaya ang mga kilay, tattoo na, naka-alsa
pa. Pati ang maliit na kalapating tattoo ng kaibigan sa kaliwang braso,
kinainggitan. Nagpalagay din siya, sa magkabilang braso pa, at hindi kalapati,
kundi malalaking agila! Naging talk of the subdivision siya, kaya panalo siya.
Sa seryosong usapan, nakakainggit ang
pag-usad ng mga kapitbahay nating bansa tungo sa kaunlaran. Napapag-iwanan ang
Pilipinas maski man lang sa larangan ng turismo na siya nating kayang
ipamayagpag, subali’t sa puntong ito, halos ay nauungusan na tayo ng Vietnam at
Cambodia. Noong panahon ni Marcos, tayo ang ginagaya nila dahil napaunlad ng
kung ilang laktaw ang turismo sa Pilipinas. Ngayon kabaligtaran ang nangyayari.
Nakakalungkot isipin na ang isang bagay na
mahirap gayahin ng Pilipino ay ang disiplina. Marami na akong nakausap na
kababayang madalas bumiyahe, tungkol dito at ang sabi nila, nakakapagpakita ng
disiplina ang ilang kababayan natin kapag sila ay nangingibang- bansa, subali’t
kapag nasa Pilipinas na, mahilig siyang “magpalusot” kapag may nalabag na
patakaran.
Maganda sana ang panggagaya kung ang
ginagaya ay magagandang kaugalian na makakatulong sa pag-unlad. Subali’t
nakakalungkot isipin na kung minsan, ayaw nating tanggaping tayo ay nagkakamali
rin, kaya ang matuto ng tama ay masakit sa ating kalooban.
Discussion