May Silbi Pa Ba Si Pnoy?
Posted on Sunday, 27 July 2014
May
Silbi Pa Ba si Pnoy?
Ni Apolinario Villalobos
Lampas tao na ang kumunoy ng kahihiyan na kinalulubluban ni
Pnoy. Pagkalipas ng mahigit apat na taon niyang pamumuno sa ating bansa, wala
pa siyang napatunayan upang masabi na isa nga siyang magaling na Presidente. Tingin
ng maraming Pilipino tuloy, ang naging puhunan niya upang maluklok sa pwesto ay
ang apelyido lang niya. Ang tatay niya, wala ring masyadong accomplishment noon
pwera lang sa pagtuligsa kay Marcos. Ang nanay niya, wala ring masabing nagawa
dahil lalo pang naghirap ang mga Pilipino noong kapanahunan nito. Pinalamig
lang ng nanay niya ang sitwasyon mula sa diktadurya ni Marcos, kaya naging
presidente, na ibig sabihin ay umupo lang siya sa isang maituturing na
“transition government”. Bandang huli
napatunayan ng maraming Pilipino na ang pinagyayabang na EDSA Revolution ay
wala rin palang saysay, at bandang huli ay ikinahiya pa ng maraming sumali dito.
May ilalabas daw na libro… ang title ay “Accidental Hero”, kung sino ang
tinutukoy, ay hindi pa alam.
Sinira ni Pnoy ang pangakong makikinig siya
sa kanyang mga “boss” – ang mga Pilipino. Namaos na sa kasisigaw ang mga
Pilipino na alisin niya sa pwesto ang mga inutil niyang mga alalay, pero hindi niya ginawa. Puro mga kapit-tuko pa rin
sila sa pwesto. Ang paliwanag niya, hangga’t hindi daw napatunayang guilty, ay
talagang inosente sila. Sabihin na nating kunwari ay hindi pa nga napatunayan
kung sa usapang direktang pagkasangkot, pero paano ang tinatawag na “command
responsibility”? Dapat nga pati siya ay mag-resign na rin!
Hindi maunawaan ang panggigigil niya sa
nakaraang administrasyon ni Gloria Arroyo, na wala daw ginawa at pinamanahan pa
siya ng maraming problema. Bakit hindi siya lumampas sa pagtanaw ng mga naunang
administrasyon na tadtad din ng katiwalian na hindi nalinis ng pinalitan niyang
administrasyon kaya nasalo niya? Hindi lang si Gloria ang maysala…pati ang ina
niya, na kung kaylan, sa administrasyon nito, napalaki ang pork barrel ng mga
mambabatas! Bakit hindi niya sagutin ang mga katanungan na kung kaninong
administrasyon nagsimula ang pag-deregulate ng presyo ng langis?...ng kaliwa’t
kanang privatization ng government institutions lalo na ng basic services na
sumasaklaw sa tubig at kuryente?...ng pagpapaluwag sa mga batas tungkol sa
pagmimina at pagtotroso kaya kaliwa’t kanang nangyayari ang mga ito?...ang Open
Skies Policy?...ang pagsali ng Pilipinas sa Wold Trade Organization?...at
marami pang iba.
Ang mga sinasabi niyang accomplishments daw
ng administrasyon niya na ginamitan ng pondo ng Development Acceleration
Program o DAP, pinabubulaanan ng mga taong dapat ay beneficiaries. Puro outdated ang mga sinasabi niya at ni
wala sa katiting ng halagang hinahanap na ginastos niya. Ang sinasabing lista,
hindi mailabas-labas ng ahensiyang hinihingan nito, ang Depatment of Budget and
Management o DBM, dahil kaya talagang walang ilalabas? Huwag niyang sabihing malaking accomplishment
ang naka-pending na usapin tungkol sa Mindanao dahil may isang bagay siyang
nakaligtaang isama o sinadya kayang di isama – ang isyu ng Sabah. Dahil sa
ginawa niyang pabara-barang pagsang- ayon sa draft na wala man lang naisama
tungkol sa Sabah, para na rin niyang binalewala ang matagal nang pilit na
pagbawi ng Pilipinas dito. Bakit pinagpipilitan niyang kasama ang Malaysia
bilang tagapamagitan? Wala na bang ibang bansa na mas neutral, at dapat ay
walang naka-pending na interes sa Pilipinas?
Ang K-12 na pinagyayabang niya ay ampaw
dahil walang kahandaan ang buong bansa para dito…kulang ang mga paaralan…kulang
ang mga titser…kulang ng mga batayang subjects…kulang ng kaalaman sa pagturo…at
higit sa lahat, kulang sa kahandaan ang mga magulang na nabigla dahil sa lumubo
na namang gastusin. Isa itong kahihiyan sa sistema ng edukasyon na hindi nga
magawang ayusin ang mga mali sa mga textbooks na naipamudmod na sa mga
estudyante – kung baga ay minadali upang maging pera agad! Pagsisipsip ba ng
ahensiya ng edukasyon ang K-12, na pinaniwalaan naman niya?
Ilang araw lang ang lumipas, pumutok ang
balita na ninakaw daw ang relief goods na nakaimbak sa isang bodega sa Cebu
para sa mga Yolanda victims. Bakit hindi
naipamahagi agad ang mga relief goods na dapat ay ubos na dahil sa dami ng
dapat bigyan? Kung maalala, may pumutok na balita noong ayaw daw ipa-cover sa
media ang pagdating ng mga relief goods sa Cebu na nadiskubreng “minamadyik” ng
kinauukulang ahensiya. Marami ang nabahala…ngayon, ito na nga – ninakaw daw!
Paanong manakaw, eh, gwardiyado ang bodega? At ang matindi, paiimbistigahan din
daw sa DSWD! Anong gagawin nila, eh,
sila nga ang sangkot? Ang masaklap, walang ginawa ang Malakanyang sa panibagong
kahihiyan na namang tinamo ng Pilipinas sa harap ng mundo! Pang-ilang bulilyaso
na ito ng DSWD? Bakit ang Secretary nandiyan pa?
Puro salita sila sa gobyerno, mag-iimbistiga
pero ang mga sangkot hindi napaparusahan, kaya nasilip ang mga kahinaan ni Pnoy
bilang Presidente. Sa nakikita ng mga Pilipino, puro paninipsip ang ginagawa ng
mga alalay niya sa kanya. Ang pinakahuli ay ang pag-iingay ni Petilla na bigyan
ng “emergency power” ang Presidente
upang masolusyunan daw agad nito ang problema sa kuryente… isang kahibangang
suhestiyon mula sa isang walang napatunayang Secretary – walang credibility. Wala
na nga siyang nagawa maski katiting upang masabi man lang na nagtatrabaho siya,
magsa-suggest pa na may kasamang blackmail, na kung hindi mabibigyan ng
emergency power si Pnoy, matindi ang dadanasing mga blackout sa susunod na taon!
Tindi! Hindi tinanggal si Petilla sa kabila ng kawalan nito ng kagalingan sa
larangan ng kuryente, kaya bilang ganti, inirekomenda niyang bigyan ito ng
emergency powers…nagkamutan sila ng likod!
Naalala ko ang sinabi ng mga broadcaster at
mga manunulat sa diyaryo noon, na ang pagpapatakbo sa gobyerno ng Pilipinas ay
parang sa isang school government ng mga estudyante….na pinatatakbo ng isang
Student Council!
Sa araw-araw na lang, halos lahat ng mga
headlines ay naglalaman ng pagbatikos kay Pnoy, isama pa dito ang mula sa mga
kilalang brodkaster at mga surbey na nagpapalabas ng hindi magandang resulta,
kaya dapat ay magmuni-muni na siya kung may silbi pa siya sa mga boss niya.
Kung may natira pang fighting spirit sa kanya, dapat gamitin niya ito upang
linisin ang kanyang administrasyon at magpalinis din siya ng mga tenga upang
marinig ang mga isinisigaw ng madlang Pilipino. Higit sa lahat, dumungaw siya
sa bintana ng Malakanyang upang maamoy naman ang mabahong hangin mula sa Pasig
river at matanaw ang mga iskwater upang matauhan siya!
Discussion