0

Ang Dalawang Magkaibigan na Ayaw ng Politics at Religion

Posted on Thursday, 10 July 2014

Ang Dalawang Magkaibigan
Na Ayaw ng Politics at Religion
Ni Apolinario Villalobos

May nag-iinumang magkaibigan sa isang sari-sari store sa tabi ng highway sa Tagaytay habang nagpapahinga. Nag-biking kasi sila mula Baclaran hanggang Tagaytay.

Ito ang kanilang usapan…

#1….Pare, huwag na nating pag-usapan ang politics at religion, nakakarindi na, lalo na ang politics. Kawawa naman ang presidente, marami nang pasa at blackeye. At, ang simbahan, kawawa rin dahil tingin tuloy ng iba, impyerno dahil ang mga nagpapatakbo dito ay mga demonyo, ayon sa pananaw ng iba.

#2….Okey. Ano na lang kaya?

#1….Love na lang, pare…about love na lang. Wala pang away.

#2…O, sige. Magandang topic yan dahil maraming mapag-uusapan tungkol sa pagbibigayan, pagliligawan, at pag-iibigan, dahil kung wala ang love, walang creation di ba? Kaya tayo ginawa ng Diyos ay dahil mahal niya tayo, di ba? At, lalung-lalo, kung walang love, wala tayo sa mundo!

#1….Korek ka diyan pare.

#2....Nakakabilib talaga ang love kasi marami ang nagsakripisyo upang mapagbigyan lang ang feeling na ito, di ba? Marami ngang nabubuntis na mga menor-de-edad dahil sa love, eh, yon nga lang ang nobyo, may pamilya na pala. Ito yong mga nag-aaybulan dahil sa facebook.

#1….Korek ka diyan pare.

#2….Kaya nagpatukso si Adan kay Eba, di ba? At nang palayasin sila sa hardin ng Eden, nakatungong sumunod si Adan kay Eba, di ba? Ayon, dumami lahi nila. Naglabasan sa mundo iba’t ibang tao, iba’t ibang ugali. Nagkaroon ng iba’t ibang gobyerno, may maka-demokrasya, may komunista. Ang matindi marami ring klaseng lider, may mabait, may kurakot. Pero ibahin mo ang nandito sa atin… sa kabaitan ay napapaikutan ng mga staff niya. Kaya tuloy ang daming isyung naglabasan tungkol sa pangungurakot, pati simbahan ay nadamay dahil naambunan daw ang ibang Obispo na inamin naman. Nakakahiya! Pero, pare huwag mo lang ipagsabi, noong namigay ng pera si mayor nadaanan ko ang pila, nakipila na rin ako, nakakuha ako ng 200pesos. Dapat pare, araw-araw may eleksiyon, para araw-araw may 200pesos ako, pandagdag sa puhunan ko sa tong-its. Pati pala yong menor de edad na pinagalitan ng pari sa harap ng mga tao, napahiya, dahil sa love niya sa lalaking hindi pala siya love. At pare, alam mo bang pati ang namumuno sa PNP may sikreto pala na …..

#1…Pare, si Nora Aunor na lang ang pag-usapan natin.

#2…Ah, oh, sige. Okey yan si Nora nakaka-inspire. Mula sa pagtinda ng tubig sa istasyon ng tren sa Iriga, naging singer. Tindi! Saan kaya galing ang tubig nila? Nakakapagpaganda pala ng boses! Doon kaya galing ang tubig na nilalagay sa bote ng isang intsik na may konek daw sa isang sasakyang panghimpapawid, at ang mga kita sa mga negosyo sa Pinas ay sa China dinideposito? Na-link din pala si Nora sa ibang artista kahi’t ganyang bulinggit siya…pero maganda ang mukha, huh!... type ko nga ang nunal, eh. Natsismis siya kay Manny de Leon at Tirso Cruz di ba? Pati kay Boyet de Leon pala…pati sa… sino ba yong kumakanta sa banda? Pero ang matindi ay ang relasyon daw niya sa isang mamang maganda ang bigote, walang banggitan ng pangalan, baka ako ma- salvage. At kaya pala daw hindi napili ng presidente na National Artist ay dahil na-convict sa States, nahulihan ng droga…pare, sabi ng mga anawnser sa radyo, hindi naman daw totoo. Ang dahilan daw talaga ay yong konek niya sa isang pulitiko. Pero buti na lang religious din si Nora. Di ba gumanap pa ngang healer sa isang pelikula, ano ba yun?....”Walang Timawa!”…

#1…..”Walang Himala”, pare..

#2…..Ah, sorry…yon nga.  Pero sabi niya wala ngang himala, bakit pinagpipilitan pa rin ng simbahan? Ano ang gusto nilang palabasin? Gusto nila ng ungguy-ungguyan? Di ba sabi ni papa Francis ay….

#1…..Pare, excuse me, naeebak lang ako…..(pabulong…”sinabi nang walang politics at religion,
eh…ang kulit!...parang pulitikong paulit-ulit ng pangako at pari na paulit-ulit ang sermon, hindi naman ginagawa ang sinisermon!”)
             

#2…..Teka, pare….walang iwanan…hindi ko alam yong sabi mong tuwid na daan na short cut pauwi…baka ako maligaw!

#1….(pasigaw habang nagba-bike palayo)…sundan mo yong daan sa kaliwa, labas mo gulod ng Batulao, diretso ka sa tuktok, pagdating doon lumundag ka!



Discussion

Leave a response