0

Mga Pagkakamali ng Ibang Magulan

Posted on Friday, 11 July 2014

Mga Pagkakamali ng Ibang Magulang
Ni Apolinario Villalobos

Kung noong unang panahon ay marami na ring anak na hindi maganda ang ugali…lalung-lalo na ngayon. Merong mga anak na kung sumagot sa magulang ay aakalain mong nambubulyaw ng nakababatang kapatid. Merong mga anak ng naghihikahos na mga magulang na hindi kakain kung hindi karne ang ulam. Merong mga anak na halos ay bugbugin ang magulang sa paghingi ng mga makabagong gadget. Merong mga anak na mas gusto pang umistambay sa mga internet cafĂ© kasama ang barkada, sa halip na mag-aral ng leksiyon sa bahay. Merong mga anak na sa murang gulang ay animo tambutso ang bibig sa pagbuga ng usok ng sigarilyo. Merong mga anak na kung gumastos ng pinaghirapang pera ng magulang ay aakalain mong anak-mayaman. At higit sa lahat, ay merong mga anak na ikinahihiya ang mga magulang na ang pinangbubuhay sa kanila ay pagtinda sa palengke, halimbawa, o di kaya ay ang pagiging tricycle driver ng ama, o di kaya ay ang pagigig labandera ng ina.

Sino ang dapat sisihin sa mga nabanggit? Mga magulang mismo! Ang tao ay parang halaman na habang maliit pa lang at malambot ang mga sanga ay maaaring baliku-balikuin upang makasunod sa porma. Kapag lumaki na ito, titigas na ang mga sanga, at kung pipiliting balikuin, tiyak na mababali. Upang maiwasan ito, hahayaan na lang kung saang direksyon patungo ang tumutubong sanga. Yan ang ginawa ng ibang mga magulang sa kanilang mga anak. Hindi nila nadisiplina ng maayos ang kanilang mga anak habang maliit o bata pa. Yong ibang magulang sinasabing ayaw nilang danasin ng anak nila ang hirap na dinanas nila, kaya sukdulan mang mangutang maibili lang ng mamahaling cellphone ay gagawin, o di kaya ay i-enroll sa mamahaling unibersidad, at di kaya ay palakihin sa mga pagkaing pangmayaman kahit hilahod na sila sa kahirapan ng buhay.

Marami akong kilalang mga magulang na hinayaang masanay sa hot dog at iba pang pagkaing hindi masustansiya ang kanilang mga anak habang maliliit pa lang ang mga ito. Kaya nang lumaki, ayaw nang kumain ng gulay o isda. Meron ding mga magulang na hinahayaang sagutin sila ng mga anak nilang paslit pa lamang na hindi alam kung ano ang mga lumalabas sa bibig, pati na ang pagmumura kung minsan na naririnig sa ibang tao….cute daw kasing pakinggan, parang matanda na kung magsalita! Nang magsimulang mag-aral ang mga anak, sa halip na pabaunan ng pagkain, pera ang ibinibigay sa kanila kaya nasanay…resulta kalaunan – tinatapon ang bente pesos, ang gusto ay singkwenta, na nakikita nila sa mga kaklaseng anak-mayaman.

Meron ding mga magulang na pinapakita sa mga anak ang mga bisyo nila tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak…ang resulta, high school pa lang, bihasa na sa paghitit ng sigarilyo at paghawak ng bote ng alak ang mga ito. Ang pinakamatindi, may mga magulang na pilit tinatago kung anong klaseng buhay meron sila – na nabubuhay sila sa pamamagitan ng pagtitinda sa palengke. Ang anak binibihisan ng damit na pangmayaman, hindi minumulat ang kaisipan sa tunay nilang sitwasyon, kaya natanim sa isipan ng anak nila na nakakahiya ang kanilang ginagawa. Ayaw ipabanggit sa anak kung sa iskul ito na ang mga magulang niya ay nagtitinda sa palengke!

May mga magulang na hindi sinanay sa gawaing bahay ang mga anak kaya lumaki sila na wala man lang kusang maghugas ng pinggang kinainan, magsaing, maglaba, o magwalis man lang sa loob ng bahay. May alam akong mag-asawang nakakabilib ang sipag. Maaga pa lang, si mister naglilinis na ng bakuran, si misis kandakuba dahil pinagsabay sa paglaba ang pagluto. Pero ang mga anak na tin-edyer, kung gumising tanghali na! Ang anak na babaeng panganay, third year high school na, hindi man lang marunong magsaing. Pinagmamalaki pa ng mga magulang ang kamangmangan ng mga anak sa mga gawaing bahay, na kung umasta sa labas, animo ay mga taga-Ayala Alabang….ganoong si mister ay taga-singil ng isang maliit na lending agency, at si misis ay manikurista sa isang parlor!

May mga magulang din na nakita na ang maling ginawa ng anak, pinagtatakpan pa, kaya natanim sa isip ng anak na pwede pala siyang ipagtanggol ng magulang kahi’t siya ay gumawa ng masama. Pagdating ng panahong naging kriminal ang anak na humaba ang sungay, nagkakasisihan, ang itinuturo ng magulang ay kahirapan nila at gobyerno…subali’t sa kaibuturan ng isip nila ay may pagsisisi pa rin, ayaw lang aminin! Isang halimbawa ay ang pagpapatakas ng mga magulang sa mga anak patungo sa ibang bansa upang makaiwas sa mga kasong haharapin dahil sa ginawang labag sa batas. Isang halimbawa ay ang pagkamatay ng isang Servando dahil sa hazing. Apat sa mga sangkot sa hazing ang nakaalis na ng bansa. Meron ding mga magulang na ninanakawan na ng anak na adik upang may pambili ng shabu, itinatanggi pang may bisyo ito….sasabihin pang iskolar daw!

Hindi matitigil ang ganitong kaugalian kung ang mga anak ay hindi matututo, dahil kung wala silang matututunan, wala rin silang maituturo sa kanilang mga anak pagdating ng panahon, kaya tuloy pa rin ang masamang ugali ng magiging mga anak nila . Ibig sabihin….pasa-pasahan na lang, na kung tawagin sa English ay vicious cycle!

Ang mga magulang na nagdudusa dahil sa kanilang kamalian, ay dapat matutong tumanggap nito. Hangga’t hindi nila matanggap ang kanilang pagkakamali, wala silang dahilan upang magsisisi, kaya ang sama ng loob na nakakapagpasikip ng kanilang dibdib ay hindi matatanggal habang sila ay nabubuhay. Ito ang klase ng mga tao na hindi nakikinig ng payo. Iniisip nilang tama sila palagi. Matalino daw sila. Huwag na lang silang magdrama na animo ay si Sisa o di kaya ay magsusumigaw sa buong mundo na sila ay martir upang mapabilib ang mga kapitbahay at kaibigan!....sarilinin na lang nila ang kanilang problema.



Discussion

Leave a response