Ang Pagkawala ng Respeto sa Gobyerno
Posted on Thursday, 26 June 2014
Ang
Pagkawala ng Respeto sa Gobyerno
Ni Apolinario Villalobos
Ito ay isa lamang obserbasyon….na may
kalinawan naman. Kapansin-pansin na ang taong bayan ay wala na halos tiwala sa
gobyerno. Kahi’t sa barangay, may mga ayaw na ring lumapit dahil kung may reklamo,
iba-blotter lang naman daw, kaya kadalasan, diretso rin sa pulis ang mga kaso,
at pagdating naman sa pulis, pagkatapos na ma-blotter uli, diretso sa
pagpa-inquest, at pagkatapos ay ang nakakadismayang nangyayari…ang pagbayad ng
piyansa, kaya ang maysalang nagnakaw, maski huli na sa akto, laya uli! Ang mga
piyansa kakarampot na kayang bayaran ng ordinaryong snatcher. Bakit hindi ang
bagay na ito ang rebisahen upang mabago ang mga halaga ng piyansa?
Kapag may sunog sa Maynila at sa mga
kalapit na lugar, ang unang dumarating ay mga Chinese volunteers. Kung may
reklamo sa pulis at kailangang habulin nito, kung minsan ang humihingi ng
tulong ay hinihingan din ng panggasolina ng police car…kapos daw kasi sa budget.
Talamak ang hingian ng lagay sa LTO, iyan ang sinasabi mismo ng mga may
transaksiyon. Hindi masawata ng nasabing ahensiya ang mga fixer na naglilipana
sa labas ng opisina. Isama pa dito ang mga reklamo laban sa Bureau of Customs, DSW,
Department of Education, Culture and Sports, at iba pa.
Nang pumutok ang eskandalo tungkol sa pork
barrel ng mga senador at mga kongresista, tumaas ang antas ng pagkawala ng
respeto sa gobyerno. Nadagdagan ang blackeye ng dati nang bistadong tadtad ng
anomalyang mga ahensiya tulad ng Department of Agriculture at National Food
Authority. Gumapang paakyat ang kawalan ng respeto sa akala ng marami ay
malinis na Department of the Budget and Management, na siyang itinuturong pugad
ng katiwalian. Pinagpipilitan pa ni Janet Napoles na ang mismong hepe ng
ahensiya ang nagturo sa kanya kung paanong makakulimbat sa kaban ng bayan.
Pati Malakanyang ay hindi nakaligtas sa mga
pagbatikos. Unang hinagupit ang kanyang mga secretary at mga spokesperson na
ayon sa media ay animo mga miyembro daw ng Student Council. Kung magsalita daw
ang mga spokesperson niya parang nagsasambit na minemorays na talumpati -
walang damdamin, walang laman. Ano pa nga ba at siyempre, natumbok din ang
presidente mismo na ang talumpati tuwing State of the Nation address ay walang
kwenta. Ang talumpati ay dapat na nagsasalamin sa kanyang isip, kaya ano pa nga
ba daw ang aasahan sa kanya bilang presidente na maski isang ipinangako ay
walang natupad?
Malungkot isipin na kung kaylan may banta
sa seguridad ng teritoryo ng bansa at patuloy na pagbulusok ng ekonomiya,
taliwas sa sinasabing nag-improve daw, lalo namang tumitindi ang kawalan ng
tiwala sa presidente, sa kanyang administrasyon, at sa kabuuhan ng gobyerno.
Sabi nga ng iba, hindi na kayang bolahin ng mga talumpati ng presidente ang
taong bayan na patutuloy na naghihirap, samantalang nagpapasarap naman ang mga
taong nasa poder sa pagnakaw ng pondo ng bayan, at ang iba pa nga daw sa kanila
ay kaalyado niya.
Ang malaking tanong ay kung maibabalik pa
ang nawalang tiwala, at kung sino ang dapat sisihin sa pagkawalang ito. Palagay
ko ay iisa lang ang hula ng mga tao…magkakapareho, at hindi sila nagkamali,
kahit na hindi banggitin kung sino.
Discussion