0

Bakit Hindi Gumawa ng Mga Bagong Dam?

Posted on Saturday, 28 June 2014



Bakit Hindi Gumawa ng Mga Bagong Dam?
Ni Apolinario Villalobos

Kawawa ang mga mababang lugar sa Maynila, kasama na diyan ang mga karatig probinsiya, bayan at siyudad dahil nagdurusa sa baha tuwing sumapit ang panahon ng tag-ulan. Kung tag-init naman, ang mga bayang umaasa sa palayan ay napuputulan ng patubig, at ang mga tao naman ay naghihirap sa pagpila dahil tinitipid ang tubig. Ang nagpapabahang tubig galing sa mga kabundukan ay hindi na kayang ipunin ng mga dam, kaya pinapaalpas na nagreresulta naman sa pagbaha ng mga mababang bayan. Ang ginagawa ng gobyerno ay gumawa ng mga deke na kung ilang beses nang napatunayang inutil, dahil marupok at pinagkitaan lang. May gagawin na naman para harangan ang apaw ng Laguna Lake, at ang pinakaibabaw ng deke, gagawing highway. Paano yong bahagi ng lawa na hindi masasakop ng deke?, eh, di mamemerwisyo din sa ibang mga bayan!

Bakit hindi na lang gumawa ng mga karagdagang maliliit na dam sa tabi ng mga kasalukuyang dam at lawa ng Laguna upang makatulong sa pag-imbak ng tubig ulan? Tatlo pa ang magandang resulta nito: hindi magkakaubusan ng patubig sa palayan tuwing tag-init, hindi na rin matetengga  ang mga power generators tuwing kahalintulad na panahon, dahil umaasa lang sa mga dam,  at mababawasan o tuluyang maiwasan ang pagbaha tuwing panahon ng ulan. Malaking halaga ng pera ang hinayaang manakaw sa kaban ng bayan na kung ipunin ay nakatulong sana sa ganitong proyekto. Isa sanang leksiyon, subali’t bakit parang bantulot ang gobyerno sa paggawa ng isang masinsing pag-aaral tungkol dito? Dahil ba ang mga deke ay madaling kumisyunan? Kaya taun-taon ay may kita ang mga duhapang sa gobyerno? Nagtatanong lang si Juan!


Discussion

Leave a response