0

Hinagpis ng isang "Kawatan" daw...

Posted on Saturday, 28 June 2014



Hinagpis ng Isang Natimbog
Na “Kawatan” daw
(isang monologue…)
Ni Apolinario Villalobos

“Diyos ko…ano ba naman itong nangyari sa akin? Ang pinakaingat-ingatang pangalan ng aming angkan, sa isang iglap ay itinuring na parang ipot ng kambing na nakakalat sa isang hardin ng mga bulaklak. Ilang dekada…ilang dekadang pamamayagpag ng aming lahi sa pamumuno ng mga mahal naming kababayan ay biglang naging bangungot. Paano na ang pangarap kong maabot ang mas mataas na pwesto sa pamahalaan?

Pahamak kasi ang kumpare ko, Lord, sukat ba namang ako ay sulsulan. Kaya ko raw ang mas mataas na pwesto dahil popular ako. Namana ko raw ito sa aking ama. May hatak raw kasi siya sa mga tao – may kapangyarihan raw, hindi naman yata totoo, dahil hindi nga nakatulong sa akin. Sana ay hindi na lang ako nag-ambisyon…pahamak talaga ang kumpare ko, Lord!

Maganda sana ang buhay ko ngayon, pakanta-kanta, pangiti-ngiti sa mga alipures ko. Paano pa nilang masisilayan ang maganda kong ngiti, Lord? Ang mga mapupungay kong mga mata… ngayong nasadlak ako dito sa hina…pak na maliit na kwartong wala man lang aircon? ni walang radyo, Lord!...pati, cell phone wala, Lord! Mabuti na lang at may salamin dito, titingnan ko na lang ang nakakaaliw na mukha ko, araw-araw.

Mabuti pa yong tumanda sa pamumulitika, marami nang nakulimbat, hindi yata tatagal sa naghihintay niyang  room for humanitarian reason. Ano kaya kung sabihin ko sa secretary kong magpapeke ng medical record para sa akin upang lumabas na may cancer ako? Sigurado kasing mapagbibigyan akong lumabas-labas para magpa-chemo therapy. Problema lang, Lord, baka masobrahan ako ng chemo at maubos sa kalalagas ang maganda kong buhok…hindi na ako gwapo!

Paano ko pang ibalik ang mga araw, Lord? Sayang talaga kung hindi ko sinobrahan ang ambisyon. Ngayon ko lang lalong naunawaan na lahat ng bagay na sobra ay masama pala talaga. Subali’t huli na, Lord…sana manalo ako sa kaso, Lord…Oh, Lord!”

Discussion

Leave a response