0

Ang Dapat Gayahin sa Ibang Bansa

Posted on Friday, 20 June 2014



Ang Dapat Gayahin sa Ibang Bansa
Ni Apolinario Villalobos

Ang gobyerno ay kumikilos batay sa mga reaksiyon sa mga problema, sa halip na gumawa ng pangmatagalang solusyon. Ang tugon nito sa problema ng pagsirit ng mga presyo ng bigas ay umangkat pa ng marami sa ibang bansa upang ibentang mura bilang NFA rice. Bakit hindi madaliin ang sinasabing variety ng palay na maramihan kung mamunga ng butil at nabubuhay maski lubog sa baha?  Inilabas ba ng Department of Agriculture ang impormasyon tungkol sa klase ng mga palay na ito  bilang propaganda lang ng ahensiya? Kung sasabihin nilang walang pondo, bakit nagagamit ang ahensiya upang maglabas ng mga pondo ng mga mambabatas para gamitin sa mga proyektong hanggang sa papel lamang?

Ang nakakahiya ay ang pagiging isyung nasyonal ng kamahalan ng bawang at luya, pati sibuyas. Galing daw kasi sa ibang bansa ang magagandang klase na malalaki kaya gusto ng mga mamimili dahil hindi mahirap linisin. Yong lokal na produktog bawang kasi, maliliit na makapal pa ang balat, at may mga ugat pa. Kung ang gusto ng mga mamimili ay yong klase ng inaangkat, bakit hindi ito ang ipatanim ng Department of Agriculture sa mga magsasaka, sa halip na ipilit ang lokal na bawang kahit na di-hamak na mas mabango daw? Bakit ipipilit sa mga mamimili, eh sa ayaw nga dahil maliliit at mahirap linisin. Ganito rin ang isyu sa lokal na luya na maliliit din daw at kung ibenta sa mga palengke ay may mga putik pa, pati na ang sibuyas na may kulapol pang lupa kung ibenta sa mga palengke.

Ang Taiwan, China at South Korea ay biglang lumago dahil sa teknolohiya. Itong mga bansa ay nanggaya ng mga pumapatok na cellphones, na nagsimula sa Yuropa at Amerika. Sunod na ginaya ang ibang produkto tulad ng mga signature na apparels o damit at accessories, mga bag, at kung anu-ano pa. Sa pagkaalam ko, merong nanggaya din dito sa Pilipinas, pero hindi umubra dahil mas mura ang bayad sa mga manggagawa sa China. Pero, hindi ito ang ibig kong sabihing gayahin. Ang tinutukoy ko dito na maaaring gayahin ay ang pagkapursigido nila.

Naging pursigido ang mga Tsino (Taiwan at mainland China) at Koreano na umangat ang ekonomiya nila, kaya lahat ay ginawa upang makagawa ng paraan upang kumita ng maayos. Hindi sila umasa sa pag-angkat, lalo na pagdating sa mga produktong agrikultural. Nagtanim sila at nagbenta sa ibang bansa. Kaya nakakagulat malamang sa Taiwan, halimbawa ay mayroon na ring mga pananim na niyog. Dati, malaki ang kinikita ng Pilipinas sa pagbenta ng buko sa Taiwan, subali’t  ngayon, naiba na ang takbo ng kalakalan nito.

Bumabaha ang malalaking palengke sa Maynila ng mga gulay na galing sa ibang bansa, tulad ng repolyo, malalaking labanos na animo ay upo, kamatis, sibuyas, pati na mga prutas. Ang Department of Agriculture walang ginawa kundi tumunganga sa mga pangyayari. Sa halip na sakyan ang pangangailan sa mga ganitong klaseng produkto dahil nakikita namang mabili, ay nagpaubaya na lang ang ahensiya sa pag-angkat. Marami tuloy ang nagsasabi na sa mga inaangkat, may mga taong kumikita ng malaki. Ang tanong sino sila? Basta ang alam ng lahat, hindi yong mga nagtitinda sa mga bangketa ng palengke na gamit ay bilao o naglalatag lamang ng kalakal. Hula ng iba, yon kayang mga nakaupo sa mga opisinang aircon?

Discussion

Leave a response