Talagang Walang Koordinasyon sa Pagitan ng Mga Ahensiya
Posted on Sunday, 22 June 2014
Talagang Walang
Koordinasyon
Sa Pagitan ng Mga
Ahensiya
Ni Apolinario Villalobos
Kaya madalas nagkakabulilyaso ang gobyerno ay dahil sa
kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya nito. Ang isa na namang
patunay ay ang pagpuslit ng ibang mga sangkot sa PDAF scam, patungo sa ibang
bansa upang makaiwas sa mga asunto. Parang wala lang na sinabi noong mga
taga-airport na wala naman daw silang official na listahan ng mga taong sangkot
at kung sakali man, kailangan pa ring tsekin ang mga pangalan, middle name,
apelyido, birthday at iba pang detalye dahil marami daw taong magkakapareho ang
pangalan. Ngayon lang nila naisip ito, eh, nakapuslit na nga yong mga taong
tinutukoy! Para ano pa ang gagawin nila? Para mapabalik sila kung ang mga
bansang pinuntahan ay may extradition treaty? Maghihintay na naman kaya
panibagong aksaya na naman ng panahon! Ang katangahan nga naman!
Ang hindi maintindihan ay kung bakit ang Department of
Justice ay hindi nakikipag-koordinasyon sa NBI at airport upang maayos ang mga
tunay na identities na palagi na lang problema kaya natatakasan ang gobyerno ng
mga taong may kaso. Ito namang airport authorities dapat nagkusa na lang din ng
sarili nilang aksiyon upang makatulong, dahil ang kaso ay mabigat, hindi
basta-basta. Dahil sa nangyari, talagang malinaw pa sa liwanag ng araw na
maraming butas ang sistema ng gobyerno. May mga standard procedures nga ang mga
ahensiya pero para lang sa panloob nilang gamit, walang nakakabit na procedures
para sa mga sitwasyon na may involvement ang ibang ahensiya…ibig sabihin,
kanya-kanya!
Ang ganitong kawalan ng pakialam ng mga ahensiya sa isa’t
isa ay nagpapakita lamang ng karupukan ng sistema ng gobyerno ng Pilipinas.
Simple nga lang na pagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo ay
nabubulilyaso pa. Mabuti na lang at may mga Foundation ng mga malalaking
kumpanya tulad ng dalawang malalaking media networks na kumikilos, ang ABS-CBN
at GMA7. Kung wala ang dalawa at iba pang mga ahensiya, tulad ng Red Cross at
mga grupo ng iba’t ibang simbahan, ang mga nasalanta, dobleng dilubyo ang
maaaring madanasan…pangalawang dilubyo ang kapabayaan ng gobyerno.
Ang nakakatawa, kadalasan, mismong Malakanyang ay makakaalam
na lang sa pamamagitan ng TV na may ginawa na pala ang isang ahensiya, dahil
nga walang koordinasyon sa kanila. Kalimitan, kapag ininterbyu ang isag
namumuno sa ahensiya kung ano ang masasabi niya sa isang isyu, ang sagot: “ah,
nabasa ko nga sa diyaryo na…….”. Mabuti na lang pala at may diyaryo, eh, kung
wala, lalo siyang nagmukhang tanga!
Dahil mga “matatalino” ang mga tauhan ng pangulo sa
Malakanyang, dapat maunawaan nila ang kahalagahan ng koordinasyon, pero, sa
tingin ng nakararaming Pilipino, dahil sa kawalan nila ng karanasan, talagang
hindi nila ito mauunawaan, kaya ang bulilyaso nila, patung-patong! Ang paborito
nilang sambitin…tiis-tiis lang muna!
Discussion