0

Ang Paghihirap ni Inang Kalikasan

Posted on Sunday, 29 June 2014



Ang Paghihirap ni Inang Kalikasan
Ni Apolinario Villalobos

Sa kanyang sinapupunanun ang pintig ng buhay ay nalinang,
Nagkaroon ng iba’t ibang anyo – hugis, kulay at mga katangian,
Na nagdulot ng paghihirap niya sa halip na maging kayamanan.

Dumami ang tao,   isang anyo ng buhay
May malawak na pag-iisip, siya’y matalino
Ang masaklap nga lang, siya’y naging gahaman
Pagkagahamang  nagpahamak  sa buongsangkatauhan!

Dahil sa pagnanais niyang lahat na lang ay kanyang  makamtan
Hindi alintana kung sino at ano ang mapapahamak, masagasaan
Kaya’t  walang  patid kung siya ay humataw ng mga pagkamkam!

Biyayang likas ay hindi niya inalagaan
Nasalaula’t nasira dahil sa kanyang kaburaraan
Di man lang niya naisip na itong pagkakamali
Ay di maiwawasto, tumiwarik man siya sa pagsisisi!

Mga kagubatang nakalbo na, mga palanas na wala man lan gpuno,
Mga dalampasigan na dati’y kay igayang  lakaran, ngayo’y itim na,
At  ang inuugoy ng matamlay na alon- mga umaalingasaw na basura!

Hanging  kaysarap langhapin, naging lason
Ulan na inaasam-asam, ngayon ay hindi na mainom
Mga bukal na bumulwak ng tubig, malamig at matamis
Wala na sila, natuyo pati na ang mga dinadaluyang batis.

Hanggang kaylan matututo ang tao, isip ay mabuksan upang magbago?
Hanggang kaylan tatagal, paghihingalo’t paghihirap ng Inang Kalikasan?
Makakaya pa kaya ng tao na ito ay tuluyang mapigil o di kaya’y maibsan?


Discussion

Leave a response