Ang Lugaw na May Twist
Posted on Sunday, 22 June 2014
Ang Lugaw na May
Twist
Ni Apolinario Villalobos
Dahil talagang walang mapapala sa mga tau-tauhan ng gobyerno
pagdating sa mga isyung may kinalaman sa pagkain lalo na sa bigas, kailangan
nang dumiskarte ang Pilipino. Hatiin ang konsumo ng kanin, at upang magawa ito,
maglugaw sa halip na magsaing. Ang tamang bulto ng nalutong bigas ay lumalabas
kapag ito ay nilugaw dahil sa pagkakahakab ng mga butil. Kung isasaing ang
bigas, naluluto ito ng siksik. Ibig sabihin, ang katumbas ng isang cup na
sinaing ay dalawang cup ng nilugaw . Kaya pala ang mga intsik na lugaw ang
kinakain ay hindi matataba o obese dahil tama lang ang dami ng kaning lugaw ang
pumapasok sa katawan nila, samantalang ang mga taong nasanay sa sinaing ay
doble ang dami ng pumapasok sa katawan. At, kaya naman pala maraming kanin ang
naaaksaya, talagang sobrang di-hamak ang naihahain sa harapan ng mga kumakain
nito.
Ang kainaman ng lugaw kapag kinain, ay sigurado na ring may
papasok sa katawan na kailangang dami ng tubig, dahil masabaw ito. At, upang
lalong makatipid sa gas panluto at oras, kung gulay ang iuulam, maaari na ring
isabay ang mga ito sa pagluto. Para lang nagluto ng arroz caldo pero hindi
manok ang inihalo kundi mga gulay. Para hindi malamog ang mga gulay, hintaying
halos malapit nang maluto ang lugaw bago ilagay ang mga gulay na ang
pagkasunud-sunod sa paglagay sa lutuan ay depende sa tagal ng kanilang
paglambot. Kung karne ang panghalo, unahing iluto muna ang karne upang lumambot
bago ilagay ang bigas. Tantiyahin ang dami ng tubig upang hindi matuyuan. Ang
isa pang pwedeng gamitin sa halip na karne ay buto-buto, dahil di-hamak na
masustansiya din ito. Ang pagtimpla ay maaaring gawin habang niluluto ang lugaw
na parang nagluluto ng regular na arroz caldo.
Ang itinuro ko sa mga kaibigan ko sa Tondong hindi makatiis
na hindi kumain ng ulam na may karne, ay bumili na lang sa karinderya ng mga
ito at ihalo sa lugaw na iluluto, piliin ang menudo, giniling o iba pang ulam
na ang halo ay tinadtad na karne. Sa isang kilong bigas na lulugawin, ang
dalawang order na menudo na binili sa karinderya ay sapat nang panghalo. Maaari
rin magluto ng dinilisang lugaw. Isangag muna sa konting mantika ang dilis sa
kaldero at kung luto na, haluan ng sibuyas at bawang, at isangkutsa, dagdagan
ng tubig na ang dami ay panlugaw, at ihalo ang bigas. Kung halos matuyuan,
dagdagan ng tubig, hanggang maluto. Ang mga lutong lugaw ay pwede rin sa mga
seasoned citizens na halos hindi na makanguya ng pagkain dahil sa kawalan ng
ngipin o may mahinang pustiso.
Sa pagluto ng lugaw, gumamit ng ordinaryong bigas na
pinakamura maski ang magandang klase ng NFA rice, at para bumango, sapawan ng
ilang pirasong dahon ng pandan. Dapat alalahanin ng mga kinakapos sa budget na
lahat ng paraan ay dapat subukin upang makaraos. Ganito dapat ang payo, hindi
tulad ng parunggit ng isang taga-Malakanyang na nagsabing ang gusto daw ng mga
naghihirap na Pilipino ay bigas na libre at mabango! Ang sinabi niyang
ito ay nag-ugat sa reklamo ng mga mamimili
tungkol sa isang variety ng NFA rice na talaga namang amoy gamot na
maaaring inisprey dito upang hindi masira ng mga kutong-bigas! Siya kaya ang
hainan ng ganitong klaseng nilutong bigas? Baka itakwil niya ang kanin! Siya
rin yong nagsabi ng “tiis-tiis muna”. Siya kaya ang gutumin? Matitiis kaya niya?
Malamang na sa panlalambot ng kanyang mga tuhod, maski daang matuwid na
sinasabi ng pinagsisilbihan niya ay hindi niya kayang bagtasin!
May nag-share sa akin ng isang Bisayang incantation upang
matanggal ang kamalasan sa buhay na dulot ng mga taong madudunong daw, ito ay:
“hawã, hawã… pesteng yawã!” (go away, go away… devil
pest!). Isa itong verbal therapy…pwedeng i-chant. Pero huwag gawin habang
kumakain ng lugaw na masarap na ay masustansiya pa, at baka hindi matunawan.
Discussion