0

Ang Pagtatampo at Panunumbat

Posted on Sunday, 22 June 2014



Ang Pagtatampo at Panunumbat
Ni Apolinario Villalobos

Ang tampo at sumbat ay mga negatibong bahagi ng buhay ng tao. Hindi ito dapat bigyan ng kahit na kapirasong puwang sa ating puso at kaisipan.  Ang taong may tampo, lalo na yong mga nagbabatay nito sa ay “akala” ay nalalabuan ng isipan. Lalong hindi magandang pairalin ang sumbat dahil ang lahat ng kabutihang ating nagawa sa ating kapwa ay hindi dapat gawing sangkalan upang umasa ng katapat sa anumang paraan.  At pinakalalong hindi maganda na ang tampo ng isang tao ay sasabayan niya ng panunumbat.

Ang negatibong ugali ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay hindi makausad. Parehong ang mga talunan at nanalo ay nagpapairal ng mga ito sa kanilang damdamin at isip. Ang tampo ng mga talunan ay walang kinikilalang kapamilya, kamag-anak o kaibigan. Lahat ng inakala ng talunan na hindi bomoto sa kanya, para sa kanya ay traidor at hindi tunay na kadugo o kaibigan – mga kaaway. Susundan ito ng mga panunumbat sa mga taong binigyan niya ng pera kapalit ang kanilang boto.

Sa kabilang banda, kahi’t na ang mga nanalo ay ayaw pa ring paawat sa paglabas ng himutok laban sa mga hindi bomoto sa kanila, at sinasabayan din ng panunumbat. Dito na nag-uumpisa ang hindi pag-usad ng kanyang pumunuan. Sa halip na makuha ang pakikipagtulungan ng lahat, ini-itsapwera niya ang mga hindi bomoto sa kanya, na nagiging pabigat tuloy sa kanya. Hindi siya ligtas sa mga pagpuna ng mga hindi niya tinutulungan na hindi bomoto sa kanya. Nagkakaroon ng tuloy ng hidwaan sa magkabilang panig – yong mga bomoto sa kanya at yong hindi.

Ganito kadumi ang pulitika sa Pilipinas. Dahil sa tampuhan at sumbatan, mga taong bayan ang naapektuhan. Nadadamay sila at hindi tuloy nabibiyayaan ng mga nakalaan sa kanila, halimbawa na lang kung ang lokal na mga opisyal ay kontra-partido. Ganito din ang dahilan ng hindi pag-usad ng pamahalaan dahil sa maya’t mayang sumbat ng kasalukuyang pamunuan, sa nakaraang administrasyon. Naturingang mga tituladong tao, subali’t ang sentido kumon ay kapiranggot. Sila- sila na marurunong daw ay nagtataka kung bakit kaliwa’t kanan ang mga problema. Iyan ang resulta ng sobrang dunong, na sa pag-alagwa ay naging ampaw ang utak!

No Comments

Discussion

Leave a response