0

Ang Nakaka-empatsong Mga Balitang "Trying Hard"

Posted on Friday, 27 June 2014



Ang Nakaka-empatsong
Mga Balitang “Trying Hard”
Ni Apolinario Villalobos

Ang sabwatang panlilinlang ng dalawang ahensiya na NFA at Department of Agriculture sa pamamagitan ng paglabas ng balitang tumaas ang produksyon ng palay ay nakaka-empatso na. Hayagang panloloko sa mga Pilipinong hindi naman bulag kaya nakikita ang mga nakapaskel na nagtataasang presyo ng bigas sa mga palengke. At dinagdagan pa ng inaasahang tataas pa ang bulto sa mga susunod na anim na buwan.

Tumigil na lang sana sila, dahil lalo silang nalulubog sa kumunoy ng kasinungalingan! Lalo lang nilang pinapasama ang imahe ng administrasyon na sirang-sira na dahil sa kaliwa’t kanang bulilyaso. Nagpapakitang- gilas ba ang bagong talagang namumuno ng NFA? Nagtatanong lang…dapat maghinay-hinay siya dahil bago pa lang siya sa puwesto. Hindi naman siya bulag upang hindi mabasa ang mga naglalabasang issue na nagbibigay ng black eye sa NFA. Magtrabaho na lang siya ng maayos at magpakita ng magandang resulta, hindi yong, hindi pa man umiinit ang puwet niya sa upuan ay may padded news release na tungkol sa pagtaas ng produksyon ng palay!

May isang eksenang balitang  binasa sa TV kamakailan lang. Sabi ng field reporter, mababa na ang mga presyo ng bigas sa palengke. Sa likod niya, bale background, ay kitang-kita ang mga presyo ng bigas na ang pinakamababa na nasapol ng kamera ay 43pesos! Lipat naman ang broadcaster sa section ng mga isda, basa na naman ng mga presyo na di-hamak na mas mababa kaysa mga presyo sa likod niyang sapul ng kamera. Iyong isang nagpa-interbyu naman, hepe siya ng isang ahensiya, background ng eksena ay mga humapay na bahay sa Tacloban at mga batang halos yagit ang ayos na naglalakad. Ang sabi niya, marami na raw ang ibinigay na relief goods at tuluy-tuloy ang rehabilitasyon.

Pinoproblema ang bawang sa Pilipinas ngayon. Hindi ito kayang lutasin ng mga lokal na bawang na bansot, at maliban sa konting tapang ng amoy, kapag nabalatan ay kapiranggot ang mapapakinabangan. Marami daw nito sa palengke sabi ng namumuno sa ahensiya ng Agrikultura. Marami pa raw darating na inangkat kaya dalawang buwan mula ngayon wala nang problema sa bawang, as if between life and death ang problema sa bawang. Dalawang linggo ang lumipas may natimbog, mga container van ng smuggled na bawang. Ang matindi, susunugin na lang daw dahil hindi dumaan sa prosesong pangkalusugan kaya baka kontaminado. Bakit hindi gawan ng paraan upang ma-check kung kontaminado nga o hindi? Susunugin ba talaga…o ididiretso sa kakutsabang negosyanteng may mga bodega sa mga “liblib” na address? Halata namang may hoarding, bakit hindi check-in ang mga bodega ng mga importers? Ganyan kasaya ang operasyon o pagpapatakbo ng mga ahensiya ng gobyerno! Parang naglalaro lang!

Sa isang balita, nagsasalita yong taong nakatalaga sa Energy Regulations Commission, nagpapaliwanag kung bakit kailangang nagtataas ng presyo ng langis. Magaling siyang magsalita, talagang aakalain mong spokesperson ng mga kumpanya ng langis. Ganoon din yong iba pang mga opisyal lalo na yong mga taga-Malakanyang na kung magpaliwanag upang mapagtakpan ang bulilyaso, aakalain mong talagang totoo. Pinagtitiyagaan namang ilabas sa mga diyaryo at TV…talagang mga trying hard upang mapaniwalaan.

Pagdating naman sa mga taong dapat palitan dahil sa desisyong palpak, ibinabalita na nagpipilit naman daw ayusin ang trabaho, kaya give him a chance. Ang tanong diyan ay …hanggang kaylan? Nagpapakita pa ng mukha sa screen ng TV, at aakalain mong seryoso. At mababalitaan din na lilitisin na daw ang mga sangkot sa mga anomaly kahit pa kaalyado ng gobyerno, antayin na lang ang listahan nila. Nakailang labas na ng lista subalit ang inaasahang mga pangalan…wala, dahil kaalyado ng administrasyon! Yan ang balita.

Discussion

Leave a response