Posted on Thursday, 12 June 2014
Ang Maging *Bakwet
Ni Apolinario Villalobos
Ang maging bakwet ay mahirap, iba’y hindi yan alam
Buhay ay walang direksyon at sikmura ay kumakalam
Animo mga hayop na sa kwadra ay pilit pinagkakasya
Ganitong tanawin, sa evacuation centers ay makikita.
Animo mga preso na sa pagkuha ng pagkain ay nakapila
Dala’y plastic na pinggan, mangkok, kung minsan ay lata
May mapaglagyan lang ng pagkaing kung iabot ay padabog -
Kung minsan, dahil sa pagod ng volunteer, pati isip ay
sabog.
May nilalagay na mga kubetang ilang oras lang ay puno na
Kaya’t kawawa, ibang tagaktak ang pawis sa peligrong dama
Hindi alam kung saan magparaos, dahil wala man lang puno
Kaya’t ang ginagawa, kandangiwi ang mukha sa pagtalungko.
May mga dumadating, mga concerned daw, bitbit nama’y camera
Yon pala mga larawang “kawawa” ang dating, gustong makuha
Maibalita na sila’y nakarating sa evacuation center, may
naiiyak-
Mga mapagkunwaring “maawain”, mga hangal, dapat mabuldyak!
Ang masakit, mga relief goods na handa na sanang ipamudmod
Subali’t dahil wala pa si presidente o secretary, ito muna’y
na-hold
Kaya’t sa ilalim ng masanting na init ng araw, lahat ay
nagsitiyaga
Makakuha lang ilang pirasong noodles, bigas, tuyo, pati na
delata.
Animo mga hayop, kung sila’y ituring sa mga masikip na bakwetan
Mga expired na pagkain, sa kanila kung ibigay, walang
pakundangan
At tulad ng inaasahan, gobyernong lokal at ang ahensiyang
**DSW
Nagtuturuan kung sino ang may sala, sino sa kanila ang
pasimuno.
Pareho lang ang buhay saan mang bakwetan, saan man sa bansa
Maging sa Luzon, Visayas, o Mindanao, mga bakwet ay
kaawa-awa
Ginagamit ng mga pulitiko, maski ibang grupong sabi ay
relihiyoso
Mga taong ganid sa katanyagan, maitim ang budhi, walang
modo!
(*evacuee, **Department of Social Welfare)
Discussion