Ang Pagsakay ng Pilipino sa Isyu
Posted on Sunday, 15 June 2014
Ang Pagsakay ng
Pilipino sa Isyu
Ni Apolinario Villalobos
Maganda na sanang isipin na ang Pilipino ay pilit na
nakikibahagi sa mga bagay na may kinalaman sa bansa. Subali’t ang iba naman ay
ginagamit ang ibang isyu upang makapanamantala. Tulad na lamang sa isyu ng mga
presyo ng bilihin. Nang mismong ang kagawaran ng agrikultura at ang ahensiyang
namamahala sa bigas ay nag-anunsiyo na kailangang umangkat ng bigas dahil ang
nakaimbak ay tatagal ng ilang buwan na lamang, biglang nag-taasan ang mga
presyo ng bigas sa mga palengke. Nagkagulatan. Ang mga may-ari ng tindahan na
nagtitingi, itinuro ang mga may-ari ng bodega na pasimuno. Kunwari umikot ang
mga taga-ahensiya ng gobyerno sa mga palengke, hanggang doon lang – para lang
bang kumaway sa mga tindera’t tindero at nangumusta – at makita sa TV. Inamin
nila na wala silang kapangyarihan na mag-utos sa mga nagtitinda na ibaba ang
mga presyo sa dating mga libel. Tatapatan na lang daw ng NFA rice, subali’t ito
naman ay ibinebenta ng may limitasyon kaya sa may malaking pamilya, dapat, sa
isang araw ay dalawang beses na bumili nito sa palengke!
Sa problema sa bigas, masisisi din ang iba nating kababayan
na bahagi na yata ng pagkatao ay mag-aksaya, tulad ng kanin. Ayon sa
International Rice Research Institute (IRRI), umaabot sa Php 34.8 billion ang
halaga ng kanin na naaaksaya kada taon. Ito ay resulta ng pag-aksaya ng tatlong
kutsarang kanin na ginagawa ng bawa’t isang Pilipino! Ang pag-aaksaya ay
nangyayari sa mga pampublikong kainan at sa mga bahay ng nakakariwasa, na
nagtatapon ng natutong na kanin. Yan ang isyu ng kayabangan!
Nang mapabalitang nagkakapestehan sa mga manukan at babuyan,
nagtaasan ang presyo ng mga karne nito. Nang napabalitang nagkahirapan sa
pagbiyahe ng mga gulay mula sa Baguio, pati ang mga gulay na galing sa
kapatagan ay itinaas din ang presyo. Nang nagkapeste ang niyog sa ilang
probinsiya ng CALABARZON region, pati yong galing sa ibang probinsiya, itinaas
din ang presyo. Nang may nagreklamo tungkol sa presyo ng bawang, biglang nawala
ang mga ito sa karamihan ng mga palengke, kesyo hindi na daw kayang umangkat ng
mga tindera. Subali’t may balitang sinadya ng kartel na itabi muna ito upang
lalo pang magmahal. Hindi naman kasi ito nabubulok maski pa abutin ng isang
taon sa bodega, basta maganda lang ang bentilasyon. Ang problema sa ating bansa
na nagpapakita ng kainutilan ng mga ahensiyang may kinalaman, ay ang hindi
pagbaba ng mga presyong itinataas kahi’t
na nagkakamurahan na ang mga kalakal sa mga pinanggagalingan ng mga ito.
Nang maging popular ang mga Koreanong banda, may ibang maski
may-edad na ay nakikihalo para masabi na “in” sila. Ang iba ay mga nanay na,
nakikipila ng maski magdamagan makabili lang ng tiket sa palabas ng mga banda,
maski ito ay plano pa lang para sa darating na taon. Sabi ng kaibigan kong
taga-media na nag-cover minsan ng pilahan, may mga nanay daw na talagang
nagpumilit na ma-interview, lalo na kapag may nakatutok na camera. Nang pumutok
ang balita na nagma-marijuana pala ang kinalolokohang banda…ang depensa, musika
lang naman daw ang habol nila. Ganoon naman pala, eh, bakit hindi nila
ma-appreciate ang musika ng mga lokal na banda at manganganta na pang-international
din ang kahusayan? Ang problema ng mga local talents kasi, kulang sa seryosong
promosyon kaya nauungusan ng mga banyagang katulad nila.
Sa pork barrel issue naman, maski yong hindi masyadong
nakakaunawa, nakikihalo. Tulad halimbawa na lang nang tungkol kay Napoles. May
isang nagmamarunong kung magbitaw ng kuru-kuro, pero nang tanungin kung sino ba
talaga si Napoles. Sabi niya…”sino pa ba...eh, di yong ni-rape ni Vhong
Navarro!”. Meron pang nagsasabi na si Napoles daw yong may malapad na parang
kuwintas sa leeg na naka-wheelchair!
Ang mga isyusero at isyusero, oo…. talaga lang!
Discussion