Dito Sa Aming Bansang Pilipinas
Posted on Wednesday, 18 June 2014
Dito
sa Aming Bansang Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Sa aming bansa, ang mga tao ay tuliro na,
nalilito sa maya’t maya ay pagdating ng kung anu-anong problema. Naturingang
may gobyerno na pinamumunuan ng inasahang tao na galing sa pamilya ng marurunong
at makabayan. Subali’t ayon na rin sa mga sinasabi ng karamihan sa mga
Pilipino, lalo na ang mga hilahod na sa hirap, wala palang binatbat.
Hayagan nang nakikita ang kahinaan ng mga
itinalaga ng presidente sa mga ahensiya ng pamahalaan, pero ayaw pa rin niyang
tanggalin. Nakakahiyang maitala sa mga pahina ng kasaysayan ng Pilipinas na ang
presyo ng bawang at luya ay umabot sa libel na halos hindi na kayanin ng
Pilipino…ang pinakamurang bigas na produkto mismo ng Pilipinong magsasaka ay
hindi bababa sa 40pesos ang bawa’t kilo…inasahan ang inaangkat na bigas galing
sa ibang bansa na kung itinda sa mga palengke ay hanggang dalawang kilo lang
bawa’t mamimili…ang langis ay maya’t maya ang pagtaas ng presyo…ang halaga ng
kuryente ay halos hindi kayanin ng mga Pilipino. At, sa lahat ng iyan, ang
sinasabi ng tagapagsalita ng pangulo ay tiis-tiis na lang daw muna! Iyan ang
maitatala sa mga pahina ng kasaysayan ng aming bansa.
Puro babala ang ginagawa ng gobyerno sa mga
tiwali na pinagtatawanan lamang ng mga rice hoarders at cartel ng langis. Ang
mga smugglers, binalaan din…hanggang doon rin lang. Kaya dahil nakita ang
kahinaan ng gobyerno nagpipiyesta ang mga magnanakaw – mga negosyante na
karamihan ay mga dayuhan at mismong mga opisyal ng pamahalaan, na parehong walang
konsiyensiya. Idagdag pa rito ang pag-amin ng mga ahensiya na talagang wala
silang kontrol sa mga nangyayari, kaya lalong napapangisi sa pagkagahaman ang
mga tiwali.
Sinasabing may nakumpiskang libu-libong
toneladang bawang ang sisirain daw dahil hindi dumaan sa proseso upang malaman
kung kontamindado o hindi ng kung anong mikrobyo kaya “sisirain” daw. Sabi yan
ng tapagsalita ng gobyerno…sabi ni Juan – neknek mo! Bakit hindi na lang
i-proseso kaysa dakdak sila ng dakdak. Kamala-mala mo yong mga container
“nawala”, hindi mahagilap tulad ng nangyari noon sa libong toneladang bigas na
smuggled na tiningga rin sa Batangas port subali’t “nawala”, hindi rin
mahagilap at ang mga taong nagpabaya, hindi man lang naparasuhan.
Bababa rin daw ang mga nagtaasang presyo,
sabi ng tagapagsalita ng Malakanyang. Baka ang tinutukoy niya ay ibang bansa,
dahil dito sa Pilipinas ang mga nagtataasang presyo ay hindi na ibinababa,
nakatala yan sa mga records. Ang sinasabing nagtaasang presyo ng langis hindi
na bumaba…pati iba pang basic commodities. Siguro nananaginip yong nagsalita.
Dito nga lang sa ating bansa nangyari ang pagbigay ng control sa mga basic
commodities sa mga pribadong negosyante. Kaya 24 oras man ang mga rally at
maglupasay man sila sa kalsada sa karereklamo, hindi mangyayari ang hinihinging
pagbaba ng mga presyo…dito lang yan sa Pilipinas!
Dito sa aming bansang Pilipinas, mayroon
din namang hindi nag-aalala sa gitna ng mga pangyayari. Sila yong mga Pilipino
na ang pinagkitaan ay ang kahinaan ng kapwa nila Pilipino. Sila yong mga
nakaupo sa gobyerno na naturingang mambabatas nguni’t puro naman pambubutas
naman ang ginagawa. Sila yong malayo pa ang break ng mga session ay halos hindi
na makita sa mga bulwagan ng senado at kongreso. Sila yong akala mo ay tumutulong
sa mga kababayan sa pamamagitan ng sectoral projects…pinagkitaan lang pala,
kaya hanggang papel lang ang inabot.
Dito sa aming bansa, may isang
pang-Guinness Book of World Records na kuwento. Ito ay yong tungkol sa babae na
hindi nakatapos ng kolehiyo pero nakakahawak sa leeg ng mga pulitiko, na
nilagyan na yata niya ng tag price bawa’t isa. Magaling yata sa sales talk
dahil bandang huli inamin niya na naguyo niya ang isang pulitiko upang turuan
siya kung paanong masikwat ang pondo ng bayan. Magaling ding umarte…dahil pinipilit
niyang palabasing wala na siyang pera kaya ang gastos sa pagtanggal ng matris
at obaryo niya na wala pang 100thousand pesos ay hindi daw niya kaya!
Napapaikutan ang mga imbistigador kaya yong iba pa niyang mga deposito at ari-arian
ay hindi man lang nagalaw. Talagang matalino dahil nagawa pa niyang manuhol
maski nasa ospital siya. Dito lang sa aming bansang Pilipinas nangyayari ang
mga iyan…at marami pang ibang kabalbalan!
Discussion