Ang Pagsakay ng Pilipino sa Isyu
Posted on Monday, 16 June 2014
Ang
Pagsakay ng Pilipino sa Isyu
Ni Apolinario Villalobos
Maganda na sanang isipin na ang Pilipino ay
pilit na nakikibahagi sa mga bagay na may kinalaman sa bansa. Subali’t ang iba
naman ay ginagamit ang ibang isyu upang makapanamantala. Tulad na lamang sa
isyu ng mga presyo ng bilihin. Nang mismong ang kagawaran ng agrikultura at ang
ahensiyang namamahala sa bigas ay nag-anunsiyo na kailangang umangkat ng bigas
dahil ang nakaimbak ay tatagal ng ilang buwan na lamang, biglang nag-taasan ang
mga presyo ng bigas sa mga palengke. Nagkagulatan. Ang mga may-ari ng tindahan
na nagtitingi, itinuro ang mga may-ari ng bodega na pasimuno. Kunwari umikot
ang mga taga-ahensiya ng gobyerno sa mga palengke, hanggang doon lang – para
lang bang kumaway sa mga tindera’t tindero at nangumusta – at makita sa TV.
Inamin nila na wala silang kapangyarihan na mag-utos sa mga nagtitinda na ibaba
ang mga presyo sa dating mga libel. Tatapatan na lang daw ng NFA rice, subali’t
ito naman ay ibinebenta ng may limitasyon kaya sa may malaking pamilya, dapat,
sa isang araw ay dalawang beses na bumili nito sa palengke!
Sa problema sa bigas, masisisi din ang iba
nating kababayan na bahagi na yata ng pagkatao ay mag-aksaya, tulad ng kanin.
Ayon sa International Rice Research Institute (IRRI), umaabot sa Php 34.8
billion ang halaga ng kanin na naaaksaya kada taon. Ito ay resulta ng
pag-aksaya ng tatlong kutsarang kanin na ginagawa ng bawa’t isang Pilipino! Ang
pag-aaksaya ay nangyayari sa mga pampublikong kainan at sa mga bahay ng
nakakariwasa, na nagtatapon ng natutong na kanin. Yan ang isyu ng kayabangan!
Nang mapabalitang nagkakapestehan sa mga
manukan at babuyan, nagtaasan ang presyo ng mga karne nito. Nang napabalitang
nagkahirapan sa pagbiyahe ng mga gulay mula sa Baguio, pati ang mga gulay na
galing sa kapatagan ay itinaas din ang presyo. Nang nagkapeste ang niyog sa
ilang probinsiya ng CALABARZON region, pati yong galing sa ibang probinsiya,
itinaas din ang presyo. Nang may nagreklamo tungkol sa presyo ng bawang,
biglang nawala ang mga ito sa karamihan ng mga palengke, kesyo hindi na daw
kayang umangkat ng mga tindera. Subali’t may balitang sinadya ng kartel na
itabi muna ito upang lalo pang magmahal. Hindi naman kasi ito nabubulok maski
pa abutin ng isang taon sa bodega, basta maganda lang ang bentilasyon. Ang
problema sa ating bansa na nagpapakita ng kainutilan ng mga ahensiyang may
kinalaman, ay ang hindi pagbaba ng mga
presyong itinataas kahi’t na nagkakamurahan na ang mga kalakal sa mga
pinanggagalingan ng mga ito.
Nang maging popular ang mga Koreanong
banda, may ibang maski may-edad na ay nakikihalo para masabi na “in” sila. Ang
iba ay mga nanay na, nakikipila ng maski magdamagan makabili lang ng tiket sa
palabas ng mga banda, maski ito ay plano pa lang para sa darating na taon. Sabi
ng kaibigan kong taga-media na nag-cover minsan ng pilahan, may mga nanay daw
na talagang nagpumilit na ma-interview, lalo na kapag may nakatutok na camera.
Nang pumutok ang balita na nagma-marijuana pala ang kinalolokohang banda…ang
depensa, musika lang naman daw ang habol nila. Ganoon naman pala, eh, bakit
hindi nila ma-appreciate ang musika ng mga lokal na banda at manganganta na pang-international
din ang kahusayan? Ang problema ng mga local talents kasi, kulang sa seryosong
promosyon kaya nauungusan ng mga banyagang katulad nila.
Sa pork barrel issue naman, maski yong
hindi masyadong nakakaunawa, nakikihalo. Tulad halimbawa na lang nang tungkol
kay Napoles. May isang nagmamarunong kung magbitaw ng kuru-kuro, pero nang
tanungin kung sino ba talaga si Napoles. Sabi niya…”sino pa ba...eh, di yong
ni-rape ni Vhong Navarro!”. Meron pang nagsasabi na si Napoles daw yong may
malapad na parang kuwintas sa leeg na naka-wheelchair!
Ang mga isyusero at isyusero, oo…. talaga
lang!
Discussion