0

Ang Marijuana

Posted on Friday, 27 June 2014



Ang Marijuana
Ni Apolinario Villalobos

Sa kahiligan ng Pilipinong makisabay sa mga nangyayari sa ibang bansa, pati ang paggamit ng marijuana bilang gamot ay pinagpipilitan na rin. Ang Amerika nga kung saan ay mayroong estado na nag-legalize ito, ay nagsasabi na hindi pa lubusang tiyak kung may maganda ngang resultang makukuha bilang gamot dahil nakaka-adik, ang ilang Pilipino na padalus-dalos ay nag-aastang kumpleto na sa kaalaman tungkol sa damong ito.

Ang isang pinakadelikadong maaaring mangyari kung i-legalize ito sa Pilipinas ay ang pag-abuso nito. Pinagpipilitan na hindi daw. Ang mga makulit ay hindi yata nagbabasa ng mga diyaryo tungkol sa mga nakumpiskang shabu… legal ang pagkakumpiska ng mga taong gobyerno, subalit saan humantong ang iba? – sa kalye, binenta ng mga tiwaling mga tauhan mismo ng ahensiya. Ibig sabihin hindi maaasahan ang sistema ng Pilipinas tungkol sa mga bagay na nasisilip na maaaring pagkitaan. Maabilidad ang mga tiwaling Pilipino. Ang kaban nga ng bayan kahit na bantay –sarado napagnanakawan pa!

Kung sakali, anong ahensiya ang magsi-secure ng marijuana? Department of Health ba? Problema yan…dahil ang ahensiya ay marami ding problema na hindi nga nila masolusyunan tulad ng mga expired na gamot at kakulangan ng health workers, to name a few, dadagdagan pa ng mga bulto ng marijuana na pangangalagaan nila.

Kung sakali pa rin, siguro ang simbahan na lang ang pakiusapang mangalaga. Ang problema naman, ang simbahan ay may mga problema din tungkol sa mga pari nila na hindi masawata sa fund-raising para sa mga shrine daw, at kung anu-ano pa. Baka maisipan ng mga tiwaling pari na magbenta na rin nito upang may pangtustos sa mayamanin nilang lifestyle.

At, huling sakali pa, ano ang gagawin sa mga taong nagamot sa sakit ngunit naging dependent naman o adik sa marijuana? Siguro may balak magpagawa ang grupong ito ng mga drug den sa iba’t ibang lugar ng bansa, para sa mga “sustaining” users na pinaglalaban nila!


Discussion

Leave a response