Ang Globalization at Pilipinas
Posted on Sunday, 29 June 2014
Ang Globalization
at Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Ang
pagsirit ng mga halaga ng iba’t ibang bilihin, lalo na ng mga pagkain – ito ang
bangungot ng globalization na dulot sa Pilipinas.
Ang idinulot ay malawakang paghihirap. Kung dati, ang mga umaangal ay ang mga
walang regular na trabaho, lalo na yong mga nakatira sa depressed areas,
ngayon, halos lahat na ay nag-iingay. Hindi kasama dito ang mga talagang
mayayaman na kayang sabayan ang mga pangyayari.
Nakakatawa ang sitwasyon ng Pilipinas sa
paningin ng mga taga-ibang bansa. Nandito sa atin ang International Rice
Research Institute (IRRI), dalubhasaan ng mga rice scientists at technologists
mula sa ibang bansa upang mag-aral ng mga bagay-bagay tungkol sa makabagong
kaalaman sa pagtanim ng palay, subali’t
nag-aangkat tayo ng bigas mula sa bansa nila! Isang agricultural country
ang Pilipinas, subali’t ang presyo ng sibuyas, bawang at luya ay katulad ng sa
mga bansa sa Europe at Amerika na nag-aangkat ng rekadong ito. Ang mga
gulay-butil tulad ng monggo, tapilan, at iba pa ay tahimik kaya hindi napansin
ang pagsirit din ng mga presyo. Idagdag pa diyan ang pananamantala ng ibang
Pilipinong mangangalakal na nagtataas ng mga presyo ng mga dati na nilang
paninda, upang sumabay sa kaguluhan, at lalo na ang kalamyaan ng pamunuan ng
bansa kaya hindi makontrol ang mga pangyayari.
Ang mga nananamantala para bang sinubukan
lang ang pamahalaan kung makakalusot sila…nakalusot nga!... kaya, kaliwa’t
kanan ang pagsirit ng mga presyo. May ginagawa din naman ang gobyerno – ang
walang katapusang imbestigasyon. Baka isa ito sa ipamamana ng pangulo sa
susunod na administrasyon. Wala man lang sinampulan upang maging halimbawa,
kaya pati yong tauhan niya na dapat noon pa nag-resign o tinanggal dahil sa
kapabayaan, kapit-tuko sa pwesto. Sabagay, maganda ang dahilan niya – siya pala
ang may pinakamalaking sweldo!
Nang umupo bilang pangulo si Fidel Ramos,
nagsimula ang walang puknat na pagbenta ng mga pag-aari ng bansa na pinalabas
na “privatization” upang mapaayos daw ang pagpapatakbo ng mga ito dahil tadtad
ng korapsyon. Yong iba, ibinenta dahil “non-performing” o natetengga lang,
hindi kumikita. Isang panlilinlang na nakalusot. Mabuti na lang at naagapan ang pagbenta sana ng historical
landmark ng bansa na Manila Hotel. Ang mga ospital na gustong ibenta ay
bantay-sarado ng mga militante. Ipapaayos daw ang mga ito upang maging moderno
kaya ibebenta ng gobyerno sa mga private corporations. Ang mga lupang
kinatitirikan ng mga ospital, hanggang ngayon ay hindi pa nalilipat sa kanila.
May malaking dahilan kaya?
Ibenenta ang Fort Bonifacio sa mga
negosyanteng Indonesian, ang National Steel sa mga Chinese-Malaysians, Petron
sa mga Saudi Arabians, pinuno ang Subic ng mga Taiwanese, ang mga iba’t ibang
nakatiwangwang na mga lupa ng bayan, sa iba pang mga banyaga ibinenta at
pinatayuan ng mga condo at malls. Ang mga condo, karamihan ay tinitirhan ng mga
banyaga dahil hindi kaya ng mga Pilipino ang presyo. Ang mga malls ay pinuno ng
mga produkto galing sa ibang bansa, lalo na China at Korea. Ang karamihan sa
mga pwesto, pag-aari ng mga banyaga. Saan nakalugar ang mga Pilipino?.....kung
hindi mga dispatsadora, janitor at security guards, ang iba nagtitinda sa mga bangketa!
Ang mga Pilipinong gustong sumabay sa
“globalization”, nagbenta ng mga lupain nilang dati ay taniman ng palay, gulay,
kape at mga punong-prutas upang ma-develop na subdivision. Ang developer ng
malalawak na lupain…mga banyaga! Inasahan ang turismo at may nakitang
kapirasong pagbabago subali’t karamihan pa rin ng mga pasilidad para sa
industriyang ito ay pag-aari ng mga banyaga, ito ang mga mauunlad na resort sa
mga popular na isla tulad ng Boracay.
Pinapalabas na korporasyong Pilipino ang
nagpapatakbo sa mga na-privatize na pasilidad para sa tubig at kuryente, subali’t
sa loob ng mga korporasyong ito ay may mga banyaga, kaya ganoon din ang
kinalalabasan ng lahat, na ang pang-kontrol ng mga ito ay may impluwensiya nila
at ito ang nakakapag-alala.
Ang mga likas na yaman tulad ng itim na
buhangin na pinagkukuhanan ng mga elementong ginagamit sa makabagong gadget,
hantarang hinahakot sa ibang bansa.
Nakatanghod lang mga lokal na opisyal at mga ahensiyang nakatalaga para
dito, duda tuloy ng iba, pati sila ay
sangkot sa mga transaksyon – kumita!
Ang masaklap, kung nagtaasan ang mga presyo
ng mga pangunahing bilihin, ang tanging naisip agad na gawin ng gobyerno ay
umangkat sa ibang bansa. Umabot nga sa punto na pati ang galunggong at pusit ay
galing sa Taiwan – frozen!
Ang prinsipyo ng globalization ay umiinog
sa maayos at hindi sa kung sino ang nagpapatakbo ng negosyo. Kaya maraming
banyagang negosyante sa ating bansa ngayon ay dahil sa ganitong prinsipyo. Ang
paniwala ng mga taong may pakana na isali ang bansa sa globalization, mga
banyaga lamang ang may kakayahang mamuhunan
o magpatakbo ng negosyo – wala silang tiwala sa kababayan nila. Isa pa,
pangangalakal na lang ba ang maaaring pagkitaan? Bakit pinabayaan ang
agrikultura na dapat sana ay pinaunlad muna? Alam naman ng lahat na ang bansa
ay kabilang sa grupo ng third world countries kaya wala talagang kakayahang
makisabay sa mga nakakaangat na mga bansa pagdating sa kalakalan at
teknolohiya.
Nagkaroon man ng trabaho ang ibang Pilipino
dahil sa globalization, ito ay seasonal lamang at higit sa lahat, kontraktwal,
kaya ganoon din ang nangyari, wala pa ring spending capacity ang mga Pilipino,
dahil sapat lang o kulang pa ang kita nila. Sinasabi kasi ng mga ekonomista na
kung maraming gumagastos, tuloy ang kalakalan, kaya aangat ang ekonomiya ng
bansa. Hindi ito nangyari sa Pilipinas. Kaya siguro ang mga may pakana ng
globalization ay halatang tahimik, dahil napahiya!
Kung malampasan man natin ang bangungot at
magigising pa tayo na buhay, baka ang mabuglawan ng ating mga mata isang umaga
ay mas matinding pangyayari, na ang nagpapatakbo ng Pilipinas ay hindi
Pilipino. Yan ay haka-haka lang naman dala ng matinding panlulumo dahil sa mga
nakakabaliw na pangyayari sa ating bansa!
Discussion