0

Ang "Close...Open, Close...Open"

Posted on Saturday, 28 June 2014



Ang “Close…Open, Close…Open”
Ni Apolinario Villalobos

Para sa mga Pilipino, ang pinakapalasak na unang leksiyon na itinuturo sa isang bata, kahit sanggol pa lang ay ang pagturo ng “close…open”, iminumuwestra sa kanyang kamao kung paano gawin. Liban pa ito sa pagpapa-cute ng mata o pagpapangiti. Subalit ang napatatak yata ng malalim sa isip ng bata ay ang “close…open”.

Kalaunan, ang mga lumaki at naging propesyonal na at sinuwerteng maging bahagi ng pamahalaan sa ano mang paraan, subalit tiwali, ay unconsciously nagagamit ang “close… open”, subalit pabaligtad, nagiging “open.. close” – sa pagbukas…sara ng mga maliliit na kaha muna upang mang-umit ng lamang pera. Ang mga lalong sinwerte na maging opisyal, hindi lang maliliit na kaha ang ino-“open…close” kundi mga folder ng financial records at projects upang malaman kung gaano kalaki ang makokomisyon. Ang lalo pang sinuwerte upang maging kongresista o senador, kaban na ng bayan ang ino-“open…close”. Ang tawag diyan ay progress!

Ang mga minalas na kakasuhan daw, nag-oopen ng bibig upang ipagpilitang wala silang kasalanan, subalit para sa mga Pilipinong nagsawa na sa kamalasaduhan nila, closed na ang mga tenga. May mga pinik-ap na kaya in-“open” ang pinto ng maaliwalas nilang kwartong maliit upang doon ay magmuni-muni kung “closed” na ba sa kanila ang pinto ng pag-asa.

Samantala, “open…close” ang pinto ng kwarto nila para sa walang patid na mga kapamilya at mga alipures na pilit nang-uuto sa kanila na kaya pa daw nilang tumakbo dahil popular sila. Dapat sa mga temang na mga alipures na namimintog ang mga bulsa ng mga perang inabot sa kanila upang maging consistent na supporter daw, ay i-close na lang ang kanilang mga bibig.

Discussion

Leave a response