0

Sana...isang dasal ng pagmamakaawa

Posted on Friday, 20 June 2014



Sana…
(isang dasal ng pagmamakaawa)
Ni Apolinario Villalobos

Sana sa harap ng mga sigalot sa buhay nating mga Pilipino, umiral ang ugali nating mapagmatiisin nang hindi malagot ang pisi ng pasensiya, upang ang isip natin ay hindi malambungan ng galit…

Sana patatagin pa ng Diyos ang disposisyon nating mga Pilipino upang patuloy na malinaw
ang ating kaisipan sa paggawa ng mga desisyon sa harap ng mga kalituhan dahil sa mga isyung animo ay apoy sa init…

Sana matulungan ng Diyos tayong mga Pilipino upang mapairal ang pagmamahal sa ating puso na nag-uumapaw sa ngitngit dahil sa walang pasubaling ginagawa ng mga kababayang ang hangad ay magpayaman…

Sana bigyang linaw ng Diyos ang isip ng mga Pilipinong nalasing sa kapangyariha’t dahil sa pagkalango’y hindi na maawat sa paggawa ng mga bagay kahi’t alam nilang ang mga ito’y magdudulot ng kapahamakan…

Sana ituro ng Diyos ang tamang daan sa mga naliligaw ng landas na mga namumuno ng bayan, kaya sa pangangamkam ng mga lupain, pagmimina, pagtotroso at pagnakaw sa kaban ng bayan, kung gawin nila’y walang habas…

Sana buksan ng Diyos ang mga mata ng mga tiwali sa pamahalaan upang makita nila ang tindi ng ginagawa nilang pang-aapi sa mga naghihirap nang mga Pilipino, at upang maunawaan nilang hindi nila hawak ang batas…

Sana bigyan ng Diyos ng isa pang pagkakataon ang mga Pilipino na magkaroon ng pinuno na talagang matalino, may puso, makatao, tunay na may prinsipyo at hindi nakapatong lang sa pangalan ng ninunong akala’y bayani…

Sana bigyan ng Diyos ng isa pang pagkakataon ang Pilipinas upang makatayo nang matatag at may karangalan na kung ilang taon ding niyurakan ng mga tiwaling namamahala ng pamahalaan upang makabawi sa matagal na pang-aapi…

Sana po, Panginoon…

Amen.

Discussion

Leave a response