0

Ang Mga Batas ng Pilipinas...na walang silbi

Posted on Friday, 13 June 2014

Ang Mga Batas ng Pilipinas
…na walang silbi
Ni Apolinario Villalobos

Marami ang nagsasabi na Pilipinas ang bansang may pinakamaraming batas sa buong mundo.
Kung sa dami, talagang marami, nguni’t makabuluhan naman kaya? At higit sa lahat, naipapatupad ba naman ng maayos?  Iyan ang malaking problema sa sistema ng pamahalaan ng Pilipinas, puro sa papel ang kagandahan. Kaya ang mga ahensiya na dapat magpatupad nagiging inutil, nakatanga, dahil ang mga batas ay walang pangil. Sa dami nga, yong iba, sa halip na maipatupad ay nag-iipon lang ng alikabok sa filing cabinets.

May mga batas laban sa krimen, tulad ng pagnanakaw. Subali’t ang nakakairita, sa halagang Php12,000.00 lamang na piyansa, ang magnakakaw ay nakakalabas uli at nakakagawa na naman ng krimen. Ang kahinaang ito ang nasilip ng mga sindikato na namumuhunan para magpatakbo ng ganitong klaseng “negosyo”. Ilang grupong acetylene gang na ang nahuli, subali’t pagkatapos na pagkatapos ma-inquest, ay diretso na ang financier nila sa kahera para magbayad ng piyansa. Ilang akyat-bahay na rin ang nahuli sa akto, subali’t dahil sa liit ng halagang pampiyansa, libre uli’t sila at tuloy ulit sa gawain. Maraming nang-aagaw ng gamit na mga bata, malakas ang loob dahil alam nilang hindi sila makukulong, dadalhin lang sa shelter ng DSW. Tinuruan ang mga batang ito ng mga nakakatanda sa kanila. Bakit hindi baguhin ang batas para sa ganitong sitwasyon sa pakikipagtulungan ng Commission on Human Rights at DSW? At ang halaga ng piyansa sa salang pagnanakaw, bakit hindi lakihan?

May mga batas laban sa smoke belching ng mga sasakyan, subali’t marami pa ring nakikitang mga sasakyan sa kalsada na bumubuga ng maitim na usok. May mga batas para sa angkop na kasuutan ng mga driver ng pampasaherong jeep, subali’t marami pa rin ang nakikitang naka-sando lamang, shorts at tsinelas. May mga batas laban sa pagtapon ng basura kung saan-saan, subali’t kalat pa rin ang mga basura sa paligid, yong iba nga, pati basura sa bahay ay binibitbit at tinatapon kung saang kanto na lang.  May nakita nga akong kotse, naghulog ng isang malaking plastic bag na halatang basura sa Coastal Road. May mga batas laban sa pagtawid sa mga maling lugar, subali’t marami pa rin ang lumalabag na parang wala lang, yong ibang minamalas ay nasasagasaan. May mga batas laban sa pag-istambay ng mga menor-de-edad, may curfew time pa nga, subali’t marami pa ring kabataan ang nagra-riot kung alanganing oras na nagdudulot ng pinsala.

Ang mga ibinoto ng taong bayan na dapat gumawa ng maayos na batas ay kung anu-anong kakurakutan ang pinag-iisipan. Hindi man lang nila naisip na may mga dapat nang baguhing mga sinaunang batas at kailangan nang gumawa ng mga bagong talagang angkop at may pangil. Hindi man lang nila naiisipang gumawa ng mga batas na magkokontrol sa mga maling sistema ng mga ahensiya ng gobyerno na dahil sa kaninaan ay napapaikutan upang magamit sa pangungurakot.

Ang mga ahensiya na dapat nagkokontrol ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ay palaging nagsasabi na wala silang kapangyarihan upang pumigil dito. Bakit hindi gumawa ng batas na aangkop sa responsibilidad ng mga ahensiyang ito? Ang mga batas sa pagmimina ng likas na yaman ay panahon pa ng kupong-kupong ginawa, kaya ang mga multa sa lumabag ay katawa-tawa. Pati dayuhan nakita itong kahinaan, kaya pati buhanging itim ay hinakot nila mula sa mga dalampasigan ng bansa papunta sa kanila upang lusawin at gawing mahalagang bahagi ng mga gadget. Kung tanungin ang mga lokal na opisyal, ang sagot lang ay kulang sila sa kapangyarihan.

May mga batas na hindi naipapatupad ng mga ahensiya dahil kapos daw sa budget at mga tauhan. Bakit hindi ito supurtohan ng budget ng pamahalaang lokal? … ng  pamahalaang nasyonal? Sa madaling salita, maraming kulang na bahagi o aspeto ang mga batas para sa ikaaayos ng pagpapatupad ng mga ito. Nagpapadamihan ng maipasang batas ang mga kongresista at senador, at para masabi lang na may nagawa, maski maraming kakulangan, pinapasa na. May mga batas ding dapat gawin subali’t ni ayaw nilang mabanggit dahil apektado ang “career” nila bilang mga mambabatas. Ayaw nilang mag-commit ng self-annihilation.

Bakit hindi silipin ang mga batas na dapat ay nagpaparusa sa mga kawani ng gobyerno na maluwag sa trabaho kaya natatakasan ng mga preso, halimbawa? Ang mga opisyal na nagbibigay ng kaluwagan sa mga high profile na mga bilanggo? Paano ang  iba pang may mga kasalanan? Kung ang problema ay ang mga patakaran ng Civil Service Commission, bakit hindi gumawa ng batas para lalo pang paigtingin ang responsibilidad ng ahensiyang ito, at tuloy mabago ang  mga lumang patakaran na hindi angkop sa mga kasalukuyang sitwasyon? Palaging dahilan ang mga patakaran ng ahensiyang ito, kaya hindi napapadali ang paglitis sa mga nagkasalang empleyado ng gobyerno, sa halip na matanggal ay nalilipat o pinagbabakasyon lang.

Dahil sa mga kawalan ng kaseryusuhan sa paggawa ng batas, may mga problema na mismong gobyerno ay hindi alam kung sino sa mga opisyal o anong ahensiya ang dapat sisisihin kung may bulilyaso. Hindi kasi malinaw ang direksyon nila sa pagpapatakbo ng sistema na nakatayo sa pundasyong ampaw dahil sa mga batas na walang silbi.


Discussion

Leave a response