Isang Pagbabalik-tanaw
Posted on Tuesday, 24 June 2014
Isang
Pagbabalik-tanaw
Ni Apolinario Villalobos
Upang maiwasan ang sobra-sobrang paninisi
sa bagong administrasyon, maganda rin sigurong rebyuhin ang mga nakaraan upang
maunawaan kung paanong nagkaugat ang korapsyon sa ating bansa. Gawin ang
pagbalik- tanaw, kahi’t pahapyaw man lang.
Bago dumating ang mga Kastila, may mga
original nang Pilipino, na talagang purong dugong Pilipino ang naninirahan sa
mga isla ng Pilipinas, kanya-kanya nga lang sila ng teritoryo. Hindi nagkakaisa
sa ilaim ng iisang lider, subali’t maganda ang samahan. Nang dumating ang mga
Kastila, nakapagdiwang ng Misa sa isang isla na ngayon ay pinagtatalunan pa
kung yong Limasawa ba ng Leyte o Masao sa Butuan. May nag-alburutong isang
datu, si Lapu-lapu ng Mactan, kaya naputol ang misyon ni Magellan. Nang
dumating si Ruy Lopez de Villalobos, naipangalan sa hari ng Espanya ang mga
isla – unang pangangamkam.
Naging Kristiyano ang ilang mga Pilipino
dahil naguyo sila ng mga misyonaryo. May mga Pilipinang inanakan ng mga prayle
– unang pangbabastardo. Itinayo ang Intramuros upang maihiwalay sa mga tsino at
mga katutubo na naninirahan sa tabi ng Ilog-Pasig ang mga Kastila – unang
deskriminasyon.
Nang magkaroon ng kumpul-kumpol ng mga
“rebelde” sa pangunguna ng Katipunan na itinatag ni Andres Bonifacio, nabahala
ang mga Kastila kaya sinupil lahat ng mga inaakala nila ay pag-aaklas laban sa
kanila. Pinabaril ng mga Kastila si Jose Rizal sa Bagumbayan (Luneta) sa
kanyang mga kababayang mga sundalo – unang kabayanihan.
Namatay si Bonifacio sa Mt. Buntis dahil sa
pulitika, lumutang si Emilio Aguinaldo na ipinagpatuloy ang pakipaglaban sa mga
Kastila. Napapayag siyang ma-exile sa Hongkong. Nagkaroon ng kasunduan ang
Espanya at mga Amerikano na nagdaos pa ng moro-morong “digmaan”, yon pala ay
binenta na ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika – unang pagtraidor sa tiwalang
ibinigay ng Pilipino sa Amerika na akala ni Aguinaldo ay tutulong sa upang
labanan ang mga Kastila.
Nagkaroon ng ikalawang digmaang pandaigdig,
iniwan ng mga Amerikano ang mga Pilipino sa kamay ng mga Hapon. May pangakong “I shall return…” kaya’t
hinayaan munang magahasa ng mga Hapon ang karangalan ng Pilipinas, lalo na ng
mga Pilipina, na naging comfort women ng mga Hapong sundalo. Nakabalik nga si
MacArthur, subali’t hindi pa rin lubusang pinaubaya sa mga Pilipino ang
pag-enjoy sa tinatawag na demokrasya, kaya tawag sa mga Amerikano ay “big
American brother”, at ang tawag sa Pilipino ay “little brown brother” –
pangalawang deskriminasyon.
Kinopya ng Pilipinas ang saligang batas ng
Amerika, nagkaroon ng mga eleksiyon na nagluklok ng mga presidente. Lumitaw na
hindi pa handa ang mga Pilipino sa tinatawag na demokrasya, maraming
dispalenghadong programa. Ang tinaguriang “mambo President”, si Magsaysay,
namatay sa pagbagsak ng eroplanong sinakyan niya. Ang sabi ng iba, sinadya daw
na pabagsakin ang eroplano – unang manipestasyon ng “dirty politics” sa bansa.
Nagsunuran ang ibang eleksiyon, may mga
kwento ng mga kandidato na ginagawan ng
kaso ng mga nakaupo sa administrasyon, upang makulong dahil kalaban sa
pulitika. Ang isang kwento ay tungkol sa isang nagrebyu para sa pagsusulit ng
abogasya sa loob ng kulungan. Nakapasa naman, topnotcher pa! Pinaglaban niya
ang kaso niya sa korte, nanalo siya, absuwelto. Tumakbong senador, umiral ang
emosyong Pilipino na mahilig sa madramang nobela, nanalo siya. Dahil matalino
daw, nanalo ding presidente ng bansa. Siya si Ferdinand Marcos. Nang nakita daw niyang hindi na kaya ng
demokrasya ang pagkontrol sa mga katiwalian, gumamit siya ng kamay na bakal… nagdeklara
ng Martial Law – kung ilang dekadang umiral. May mga napansin nang gulangan,
nakawan, korapsyon wika nga sa ilalim ng kanyang pamumuno. Subali’t under
control daw. Maraming proyekto ang mga naipatayo, tulad ng Cultural Center
Complex, mga pagamutan para sa mga maysakit sa bato at puso, LRT, Coastal Road,
at marami pang iba. Marami ring pumaligid sa pamilya… mga taga-bulong daw, lalo
na sa First Lady.
Pinababa si Marcos dahil pinapatay daw niya
si Ninoy Aquino. Umiral na naman ang emosyon ng Pilipino. Pinalitan siya ng
biyuda ni Ninoy, na iniluklok daw ng People Power na pinakialaman din ng isang
Obispo, ang namayapang Jaime Sin na nanawagan ng mga tao upang suportahan ang
biyuda. Maraming dumating, nagpiknik sa EDSA, nagpista sa pagbenta ang mga sidewalk
vendors dahil maraming dumating na walang pagkaing dala. Nang maupo na si Gng.
Cory, marami ang natuwa dahil ang akala nila ay mawawala na ang korapsyon pati
ang mga taong mahilig umaligid-ligid at tumambay sa Malakanyang. Napansin ng
ilang militante sa Armed Forces ng bansa na wala namang nangyaring maganda kaya
nagkaroon ng maliitang kudeta. Domoble ang napansing dami ng korapsyon, dahil
nasilip ang kahinaan ng pamunuan na umasa sa mga dati nang nasa poder at sanay
sa paggawa ng kamalasaduhan. Walang mga konkretong proyekto para sa bansa.
Nagkaroon ng bagong presidente, si Fidel
Ramos. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, kaliwa’t kanan ang bentahan ng mga
properties ng gobyerno, kasama na ang mga ahensiyang nagpapatakbo ng mga
pangunahing serbisyo tulad ng kuryente at tubig, napasakamay ng mga pribadong
kumpanya na may mga kasamang banyaga sa korporasyon. Mabuti na lang at hindi
natuloy ang para sa Manila Hotel. Kasama sa plano ang mga ospital at base
military sa pagitan ng Makati, Pateros, at Pasig (may Global City na doon
ngayon). Kasama itong mga bentahan sa hangarin ng bagong pamunuan na makasabay
sa trend ng globalization na sinalihan ng Pilipinas, na bandang huli ay
napansing hindi rin nakabuti, sa halip ay lalo lang nagpadami ng mga nagugutom
dahil sa pagsirit ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Na-deregulate ang
pagkontrol sa langis na siyang pinakamalaking indulto. Nagkaroon ng “open
skies” kaya nagdagsaan ang mga international airlines sa bansa, tumiklop ang
Philippine Airlines, hindi nakaya ang kumpetisyon. Wala ring nagawang mga
konkretong proyekto para sa bansa, ang mga korapsyon lalong namayagpag daw,
komisyunang kaliwa’t kanan sa pagbenta ng mga propredad ng bansa – unang
pagkanulo sa soberinya pang-ekonomiya ng Pilipinas.
Nagkaroon ng artistang presidente, si
Joseph Estrada, bise- presidente ang ekonomista daw na si Gloria Arroyo,
propesora pa. Maraming artista ang nahirang na tumulong sa kanya kasama na yong
nagpa-popular ng kasabihang, “weather- weather lang, yan….”. Hindi natapos ang
termino ni Joseph Estrada dahil sa kaliwa’t kanang napansin daw na
bulilyaso…na-impeach. Nadamay sa mga kontrobersiya ang may ginintuang boses na
si Nora Aunor – unang patunay na nakakahila ang pagiging tanyag.
Pumalit si Gloria na nagsabi agad na hindi
tatakbong presidente, subali’t bago matapos ang minanang trabaho mula sa
na-impeach na si Joseph Estrada, may divine intervention daw na tumulong sa
kanya upang magdesisyon siyang tumakbo na lang. Tumakbo nga at sinubukan ng mga
tao, parang okey naman, subali’t sa umpisa lang pala. Unti-unting nabisto ang
mga palihim daw na mga transaksyon, dawit pa ang asawa. Nang mawala sa puwesto,
nagsingawan ang mga baho, umalingasaw, matindi.
Nang maupo ang isa na namang Aquino, si
Noynoy Aquino, nangakong makikinig daw sa mga utos ng mga tao. At ang mga
Pilipino ay aakayin niya sa matuwid na daan. Lumampas lang ng kaunti sa
kalahati ng kanyang termino, naglitawan ang mga kasong kahindik-hindik! Animo
sinakluban ng langit ang sambayanan…na feeling ay parang inagawan ng pagkain.
Nakawin ba naman ng mga taong pinagkatiwalaan nila ang pera ng bayan…mga taong
ibinoto dahil matatalino daw. Yon pala, ginamit ang katalinuhan upang mapaikutan ang mga batas! Kasama daw diyan
yong mga itinalaga mismo ng pangulo sa mga puwesto! Ito na ang pinakamatinding
pagkanulo ng gobyerno sa tiwala ng
taong-bayan!
Hindi marinig ng pangulo ang mga utos ng
taong bayan… natatalo ng lakas ng mga bulong ng mga nakapaligid sa kanya, mga
miyembro daw ng Student Council, ng mga dating classmate, ng mga kabarilan sa
shooting range, at ng kung anu-ano pang bintang ng media. Hindi rin niya maakay
ang sambayan tungo sa tuwid na daan dahil wala pang na-construct na maski
kapirasong distansiyang ganitong matinong highway o kalsada man lang. Ang mga
nagawa kasing yari sa aspalto, ilang ulan lang, animo ay binagsakan ng
pira-pirasong bomba, kaya uka-uka. Ang mga yari sa semento, dahil sa kanipisan,
ilang buwan lang animo ay binarikos sa dami ng mga crack na sanga-sanga.
Nagsimula sa isang maliit na korapsyon,
lumala nang lumala. Yan ang kuwento ng Pilipinas…ng animo ay ginahasa na ating
Inang Bansa!...isang malungkot na pagbabalik-tanaw, na mas malungkot pa sa
isang Korean nobela, na kinahihiligan ng mga Pilipino, na ang iba ay nagtataas ng mga nakatikom na
kamay sa harap ng TV camera at sumisigaw na inosente ang mahal nilang……alam nyo
na! Hindi daw nagnakaw…inosente, hangga’t hindi napatunayan! …walang nakakita,
lalo na yong babaeng may piring nga naman sa mga mata! Sige na nga!
(Pasensiya
na sa kahabaan ng diskurso…nadala lang ng kanyang damdamin ang nagsulat,
nagka-stiff neck nga sa kalilingon sa mga nakaraan. Lalong pasensiya, sa mga
gumagamit ng smartphone sa pagbasa na hindi sana nag-overheat. Nag-take chance
lang ang sumulat dahil libre ang mag-post.)
Discussion