0

Ang "Squid Tactic"...bebenta kaya?

Posted on Monday, 30 June 2014



Ang “Squid Tactic”
…bebenta kaya?
Ni Apolinario Villalobos

Ang “squid” tactic ay isang sistema na ang layunin ay malambungan ang mga kasiraan at kahinaan ng isang gobyerno. Panglambong din ito sa mga isyu na nagbibigay ng problema sa nakaupong administrasyon. Maaaring gawin  ito sa pamamagitan ng mga kasiya-siyang proyekto upang malibang ang  mga tao o di kaya ay magpakalat ng nakakabahalang mga isyu tungkol sa seguridad upang mabaling dito ang atensiyon ng mga tao.

Noong panahon ni Marcos, upang ma-divert ang attention sa mga naiipong tanong tungkol sa mga gastos ay nagkaroon ng iba’t ibang international events sa bansa, tulad ng Miss Universe pageants at international film festivals. Nang lumala ang pagkadiskuntento ng mga tao na idinaan sa sunud-sunod na mga protesta, maraming mga isyung naglabasan tungkol sa seguridad ng bansa, lalo na ang mga tungkol sa komunismo, na ang pinakamatindi ay ang pagpasabog sa Plaza Miranda na naging dahilan  sa pag-impose ng Martial Law.

Ngayon kaliwa’t kanan ang mga isyung nagpapalubog sa kasalukuyang administrasyon. Ang pinakamatindi dito ay ang pagkurakot sa kaban ng bayan. Sinundan ng mga pagsirit ng mga presyo ng mga bilihin. Lalong nagpataranta sa gobyerno ang panawagan ng taong bayan na bumitiw sa tungkulin ang maski mga pinagdududahang mga opisyal tulad ni Abad, Alcala at marami pang iba, na hanggang ngayon ay kapit-tuko sa kani-kanilang pwesto dahil “they serve at the pleasure of the president” daw.

Biglang lumutang ang isyu sa seguridad. Lulusubin daw ng mga terorista ang Davao City, at iba pang malalaking karatig na lunsod tulad ng Cagayan de Oro, General Santos City, Koronadal City, at Zamboanga City. Ang nagbabalak daw nito ay isang grupong pinamumunuan ng isang lider ng Abu Sayyaf na bihasa sa paggawa ng bomba. Ang dahilan daw ay tutol sila sa namuong peace agreemenent sa pagitan ng gobyerno at MILF na nagbigay hudyat sa balak na pagkakaroon ng “sariling pamahalaan” ng pinagkaisang mga piling bayan at lunsod sa Mindanao. Baka daw umabot sa Maynila ang terroristic activities.

Mismong ang presidente pa ang tumawag daw sa mayor ng Davao City. Bakit siya at hindi ang intelligence unit ng Armed Forces at bakit binrodkast agad sa mga media? Bakit noong bago lusubin ng MNLF faction ni Misuari ang Zamboanga, hindi niya tinawagan ang mayor ng Zamboanga? Ano ang gustong palabasin ng administrasyon ngayon?

Dati nang gumagala ang mga terorista sa Mindanao at sa Maynila, media din ang nagsabi nyan. At, ang mga pangingidnap nila ay walang patid, subalit walang magawa ang gobyerno, kaya hindi na ito issue. Nakikita daw ang mga terorista, may sightings – bakit hindi nila hulihin? Bakit kailangang magpalabas pa ng press release? Upang malaman ba ng taong bayan na kumikilos ang Armed Forces at kapulisan, eh, obligasyon naman nila talaga ito?

May nahuli na isang financier daw ng Abu Sayyaf – fine, dapat lang naman dahil trabaho nila.  Nagawa nila ito dahil, tahimik lamang ang ahensiyang nagsagawa. Nalaman nga lang nang mahuli na. Ngayon, sa issue ng terorismo daw na banta sa Davao, bakit kailangang “mag-ingay” to the point na parang nagpa-panic, dahil presidente na mismo ang tumawag sa mayor ng Davao?

Ang mga bagay na may kinalaman sa seguridad ng isang bansa ay hindi inaanunsiyo para hindi mag-panic ang taong bayan. At lalong, upang hindi malaman ng mga kalaban ang mga hakbang na gagawin ng gobyerno.  Bakit hindi ituloy ng mga intelligence units ng gobyerno ang tahimik nilang mga pagkilos upang makahuli uli sa paraang, malaman man ng bayan sa bandang huli ay nagawa na nila?  Isang malaking pagka-iresponsable sa panig ng gobyerno ang manguna na pagpakalat ng pangamba sa sambayanan…. maliban lamang kung may dahilan.

May gusto yata silang lambungan o takpan o i-cover, etc….magtagumpay naman kaya ang layunin nila upang ma-divert ang attention ng taong bayan mula sa isyu ng korapsyon at mga nakakagutom na pagsirit ng mga presyo ng mga bilihin na nagsisilbing mga blackeye ng gobyerno?

Ang nakakatawa, pinakalat pa sa mga radio stations ang balitang “hindi pa raw nakakakapasok sa Davao City ang mga terrorists at malayo pa sila sa Maynila”, binanggit pa ang pangalan ng lider ng mga terorista!  Nasusubaybayan  pala ng mga “matatalinong” taong gobyernong ito ang kilos ng mga terorista, kaya alam kong saan sila, eh, bakit hindi nila hulihin, para matapos na ang laban? … ungas lang ang maniniwala diyan! Ang nakakabahala ay baka maglabas ng mga fall guys… na naman! Remember…malapit na ang State of the Nation Address (SONA). Dapat may magandang masabi, di ba? Abangan….na lang.

Kung ganito ng ganito ang mangyayari, talagang lalabas na inutil ang gobyerno dahil mismong Armed Forces ay ampaw ang kakayahan sa paglutas ng mga kahalintulad na mga problema, na sinabayan pa ng isyung paglustay ng pera ng taong bayan para sa “pagpaganda” ng tirahan ng namumuno ng Philippine National Police. Ano pa ang aasahan ng taong bayan?

Discussion

Leave a response