Ang Masaya Kong Nakaraan
Posted on Wednesday, 25 June 2014
Ang
Masaya Kong Nakaraan
Ni Apolinario Villalobos
Hindi ito isang kuwentong mala-nobela.
Kuwento ito ng masasayang araw ng aking kabataan. Makulay pa. Noong nasa
elementarya ako, kasama ang ilang abenturista ring mga kaklase, namumutol kami
ng kawayang Hapon sa isang bukid upang gawing sumpit. Upang magkaroon kami ng
pambalang monggo, pumupunta kami sa palengke upang mang-umit nito sa mga
bilaong nakatiwangwang lang, at pinupuno namin ang aming bulsa. Yong kasama
naming isa, siguro nagsisisi sa mga ginawang pang-uumit kaya ngayon ay
nakikibahagi ng mga salita ng Diyos bilang tanda ng pagsisisi. Yong isa,
namayapa na.
May mga sinamahan din akong mga kaibigan na
mahilig sa pag-akyat sa puno. Sa kanila ko natutuhan ang patiwarik na pagbitin
sa sanga. Natuto akong bumaba sa puno ng santol na puno ang damit ng ninakaw na
bunga, animo ay buntis, habang ang hindi kayang maipit ng damit ay
naglalaglagan sa pagitan ng aking mga hita. Wala kaming pera subali’t masaya
kami.
Noong panahon na wala pang kuryente sa bayan
namin, ang mga nagpapa-party ay gumagamit ng Petromax, at para lang masabi na
romantic daw, mga kandila naman ang sinisindihan na kung mangaupos ay
pinapalitan ng gaserang de-gas kaya kinabukasan paitiman ng ilong ang mga
nagsidalo, dahil sa nalanghap na usok. Ang music naman, mula sa de-bateryang
phonograph o “phono”, kaya pabilisan ang pagsayaw ng twist at kung anu-ano pang
mabibilis at magagaslaw na “stroke” dahil kapag humina ang baterya, maski
kantang “limbo rock” ay nagiging pang- sweet dance na lang, hanggang sa tuluyan
nang mamahinga ang “phono”, kaya goodnight na sa isa’t isa kahi’t maaga
pa…mahal kasi ang baterya.
May mga haranahan akong inabot. Isa sa mga
hinarana ay kapatid kong hindi naman kagandahan, nagustuhan lang yata ang
hagikhik nito na nakakaaliw. Minsan, nagalit ang tatay namin, kinuha ang
arenola, binuksan ang bintana at ibinuhos ang laman sa labas, yon pala may
nagpapasakayle ng gitara sa ibaba. Ang nakikita sa sine na sinasabay sa
pagharana ang pagnanakaw ng manok ay totoo. Ginawa ito ng isa kong pinsan
kasama ang kanyang barkada isang gabi. Nakadalawa sila ng “nasungkit” na manok,
habang ang iba sa kanila ay kumakanta. Sa gabi kasi, ang manok na nakadapo sa
sanga ng puno at tulog ay nasusungkit ng kawayang may maikling patungan sa dulo,
kung saan lilipat ang manok na susungkitin. Ibinababa ang manok sa sungkit kung
malayo na sa bahay na hinarana, kaya walang problema maski mag-ingay pa ito.
Madalas ang sunog sa amin kung pasko – mga
parol, hindi bahay. Mahilig kasing gumamit ang mga nagkakaroling ng parol na
ang ilaw sa loob ay sinindihang kandila. Malalamang may nasusunog na parol kung
may nagtatakbuhan at nagkakahulang aso. Ang usong ibigay noon ay hindi pera,
kundi kung anong mahahagilap sa mesang prutas o tirang kakanin. Siguradong pera
ang matatanggap ng nagkakaroling kung magbibigay sila ng sulat sa mga
tatapatang bahay. Ang mga mahiyain naman na nagkakaroling, kumakanta habang
nakatago sa likod ng puno, malapit sa bahay o di gaya ay sa halamanan.
Maghahanap pa ang maybahay kung saan ang kumakanta para abutan ng saging o
kamote na nilaga.
Ang mga sinehan sa amin, amoy- ihi at ang
mga upuan ay maraming surot, pero napapagtiyagaan. Ang isang sinehan ay naging
dalawa, naging tatlo, hanggang naging apat. Nauso ang mga “plus bom” na
palabas. Ito yong mga pelikulang may mga isiningit na malalaswa kaya ang tawag
ay “plus bom” na ibig sabihin ay “plus bomba”. Bomba ang tawag noon sa mga
pelikulang malaswa. Kung magpalabas nito sa amin ay walang pakialam ang mayor.
Abot hanggang kalsada ang ingay ng halinghingan ng mga artista, para bang
nang-aakit pa ng mga manonood, kaya ang mga abenturista kahit menor de edad,
nagkandapunit ang mga high school ID dahil sa pagpapalit ng birthday. Hindi
pinatawad ang mga pelikula ni Joseph Estrada at Fernando Poe, Jr. na siningitan
din ng mga “plus bom”, pati ang kay Nora Aunor. Nagkakagulatan na lang sa loob
ng sinehan, ang hindi makatiis, lumalabas.
Masaya sa bayan namin kapag may dumating na
van ng “cortal” dahil magpapalabas sila ng libreng sine sa plaza. Kanya-kanyang
puwesto ng upuan sa harap ng van, magdadapit-hapon pa lang. Pagkatapos ng
palabas, magbebentahan na ng mga gamot, na kung isipin ko ngayon ay baka mga
expired na kaya pino-promo. Pero wala akong nalamang namatay sa amin dahil sa
expired na gamot. Nagbebenta ako ng sinangag na mani kung may libreng palabas
na sine.
Madalas ding magpa-“amateur” ang mayor namin
na ang ibig sabihin ay amateur singing
contest, sa plaza. Ang mga pampalubag- loob na premyo ay tinapay na donasyon ng
nag-iisang bakery sa amin. Obligadong magbigay ang may-ari dahil baka isara ang
bakery niya, matapang kasi ang mayor namin. Marami palang may magagandang boses
sa amin. Ang isang maalala ko ngayon ay may apelyidong Levita. Naalala ko rin
sina Grace Perales, at Eufemia Alcon na naging wedding singer. Parehong mga
elementary pupils sina Grace Perales at Eufenia Alcon noong sumikat sila sa
amin.
May dalawang “unit” ng combo ang mayor
namin. Ang isa ay tumugtog sa isang beerhouse sa Pasay na nakita ko pang kasama
sa isang eksena ng pelikula ni Joseph Estrada. Yong isa ay permanente sa bayan
namin upang magpasaya sa mga tao tuwing Linggo. Nagdala ang mayor namin ng
dalawang magagandang singer mula sa Maynila. Nagbukas din siya ng isang “night
club” sa may bandang palengke, katabi ng katayan o slaughter house. Tinawag
itong “Kayumanggi Club”. Ang combo naman
ay tinawag na “Firebrand Combo”, dahil ang mga tumutugtog ay nakalista sa
payroll ng munisipyo bilang mga bumbero. Yong tumutugtog sa Pasay ay
“self-liquidating” dahil ang sweldo ng mga miyembro ay galing sa kita nila,
pagkatapos kaltasan ni mayor. In fairness sa kanila, talagang magagaling
tumugtog at kumanta, lalo na ng mga kanta ng Bee Gees at Tom Jones. Sa buong
probinsiya, bayan lang namin ang may combo, dalawa pa.
Regular ang pagdating ng mga peryahan
tuwing piyesta sa amin. Kinakaibigan naming magkakabarkada ang mga nagbabantay
sa entrance ng circus upang makapasok nang libre. Binibigyan namin ng prutas na nahihingi
namin. Nasuyod naming magkakasama ang buong bayan sa paghanap ng mga prutas
upang hindi kami pabalik-balik sa ilang bahay. Minsan, nakawala ang ahas na
kasama sa palabas, paliliguan sana subali’t gumapang palabas ng tent, takbuhan
ang mga batang nag-iistambay. Sa takot ko, dalawang araw akong nilagnat.
Magandang magbalik-tanaw sa mga masasayang
araw noong kabataan natin. Nakakapagbigay ng ngiti. Iba talaga ang panahon
noon, masaya kahit walang computer at malls.
Discussion