0

Ipagdasal Daw ang Mga Sangkot Sa PDAF Anomaly...sabi ng isang "banal"

Posted on Saturday, 21 June 2014



Ipagdasal Daw ang Mga Sangkot
Sa PDAF Anomaly…sabi ng isang “banal”
Ni Apolinario Villalobos

May isang Fr. Delfin Castro na nagbitaw ng mga salitang hindi yata niya inisip muna. Sabihin ba namang ipagdasal daw ang mga sangkot sa eskandalo ng PDAF. Pari ng simbahang Katoliko ang nagbitaw ng mga ganoong pahayag.  Para na niyang sinabi na kawawa naman ang mga sangkot dahil wala silang ginawang masama.  Bulag yata siya, o isa sa mga naambunan ng “grasya”, isang bagay na inamin na ng mga kasama niyang nakasotana. Kung hindi rin lang sila nakakatulong sa mga kaso ng anomalya sa gobyerno, dapat tumahimik na lang ang mga katulad niyang “pari”. Dapat ituon na lang nila ang kanilang panahon sa pagtulong sa mga taong sa bangketa nakatira, mga batang namumulot ng plastik at bote upang may pambaon sa eskwela, mga namamalimos na Badjao, at iba pang dapat tulungan. Ang mga paring tulad niya ang nakakasira sa simbahang Romano Katoliko.

Isang kapwa niya pari ang sumalo sa kanya sa pagsabi na ang sinabi daw ng Fr. Castro ay hindi pahayag ng simbahang Katoliko. Ganoon sila. Kung may bulilyaso, kanya-kanyang hugas ng kamay. Dapat lahat ng pari, bigyan ng instruction na bago magsalita tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa simbahan, unahan nila ng: “This is my own opinion, o sarili ko itong pananaw, bahala na ang Diyos sa akin…” Ang hirap kasi sa mga ito, dahil nakasuot sila ng abito o sotana, akala mo otoridad na sila sa lahat ng bagay dahil sila ay “maka-Diyos”…kaya?

Dapat pagsabihan ng pinakamataas na Obispo ng Pilipinas na gayahin na lang ng mga pari ang mga aksiyon o ginagawa ng bagong Santo Papa na umiikot sa mga taong masa, mga nangangailangan ng mga bagay na hindi lang material kundi pati na rin ispiritwal. Ilan na ba sa mga pari ang pumunta sa mga lugar ng iskwater?  Mabuti pa yong isang pari o Obispo ng simbahang Aglipay na ang simbahan ay nasa pusod ng isang squatter’s area sa Malumot, Barangay ng Real 2, Bacoor. Diretso sa mga taong nangangailangan ang kanyang pagsisilbi. Hindi na kailangan pang pumunta sa malayo ng mga tao upang makinig ng mga salita ng Diyos. Simple lang din ang pamumuhay niya…na paulit-ulit na panawagan ng bagong Santo Papa sa lahat ng kaparian.

Huwag magmaang-mangan na matalino at kayang magbitaw ng mga salitang tulad ng bagong Santo Papa, ang ibang paring Katoliko, lalo na sa mga isyung nangyayari ngayon sa Pilipinas dahil nakakagulo lamang sila. Tama na yong may umamin na naambunan nga ng “grasya” ng pork barrel. At least, honest yong umamin, dahil bandang huli na lang niya nalaman, kaya lumalabas inosente siya.  At, malamang nagamit din niya sa tamang paraan.

May isa pa ring pari na pinaniniwalaang “nakakagamot” daw. Dahil sa paniwalang ito ng ilang “nagamot” daw, nag-take chance naman ang pari. Nag-fund raising na animo ay pulitiko na naghahanda sa eleksiyon. Ang pera daw ay gagamitin sa pagpapatayo ng “shrine”. Subali’t natuklasan na marami pala siyang  perang natanggap at hindi niya nire-remit sa “foundation” na in-charge sa project. Nagbago pa ang lifestyle niya. Sa kabila ng lahat na nadiskubre, ayaw pa ring umamin. Yong pera na hindi ni-remit, kanya daw dahil pangalan niya ang nakalagay sa sobre. Paanong hindi lagyan ng ng pangalan niya, eh, siya ang namumuno sa fund raising? Akala niya ay birthday o Christmas gift para sa kanya! Yong tungkol sa mga dibersiyon niya, tao lang naman daw siya! Nang makita sa TV ang mukha niyang nakangisi habang iniinterbyu ng isang may edad nang babae, ang nakita ay parang mukha ng demonyo na nakangisi! Malamang sa bagong parokyang pinaglipatan sa kanya ay gumagawa na naman siya ng mga “milagro”. Marami siyang maloloko doon dahil maraming mga katutubo.

Ang mga pulitikong nakasuhan dahil sa mga ebidensiya at ang paring “nagmimilagro” ay alam ang kanilang ginagawa at nagkubli pa sa lambong ng panlillinlang. Deserved ba nila na sila ay ipagdasal? Aminin muna nila ang kanilang pagkakamali, at tutulungan sila ng mga dasal, dahil kung sila mismo ay nagpipilit na wala silang kasalanan…walang dahilan na sila ay ipagdasal. Ganoon lang kasimple! Hindi na kailangang maging pari o graduate ng kung anong prestihiyosong unibersidad para maunawaan ang ganoong bagay. Ibig sabihin…ano ang gagamutin, eh, wala namang sugat!


Discussion

Leave a response