0

Ang Mga Bokasyon o Propesyon Sa Kasalukuyang Panahon ng Pilipinas

Posted on Tuesday, 17 June 2014



Ang Mga Bokasyon o Propesyon
Sa kasalukuyang Panahon ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Lahat tayo ay may pangarap sa buhay na nagsimula noong tayo ay nagkaroon ng muwang o sariling pag-iisip. Kadalasan ang pangarap natin noong ating kabataan ay naimpluwensiyahan ng sulsol ng mga mahal natin sa buhay, tulad ng magulang o nakakatandang kapatid. Maaari din na ito ay nahubog dahil sa nakita natin sa ibang tao na nakagiliwan natin. Habang lumalaki tayo, pabago-bago din ang mga pangarap dahil lumalawak na rin ang abot ng ating pananaw.

Subali’t sa panahon ngayon, marami na ang mga impluwesiyang-labas na nakakatulong sa paggawa ng desisyon kung ano ang propesyon na gusto talaga o ang bokasyon na tutuparin. Isa na dito ay ang kakayahan ng magulang sa pagtustos sa pag-aaral ng anak at ang kinakailangang trabaho sa iba’t ibang larangan, at higit sa lahat, ay kung ano ang kursong makakasiguro ng malaking sweldo. Kaya sa pagpili, hindi maiwasang madugtungan ang desisyon ng mga salitang “na lang”.

Sa panahon pa rin ngayon, dahil sa sitwasyong kawalan ng maayos na trabaho sa Pilipinas, marami ang kumukuha ng kurso na kailangan ng ibang bansa tulad ng pagiging nurse, na kung minalas dahil sa illegal recruitment, sa halip na ospital ay home for the aged ang bagsak, hindi pa legal ang estado ng trabaho.  Ang pangangailangan ng nurse sa ibang bansa ay halimbawa lamang kung paano nadidiktahan ng pangangailangan ang mga dapat sanang kurso na ituro sa mga kolehiyo at unibersidad. Subali’t tila bulag ang mga nagpapatakbo ng mga eskwelahan dahil sa halip na tugunan ang mga pangangailangan sa teknikal na mga kurso ay mga pang-opisina ang nilalatag upang pagpilian ng mga estudyante. Kaya ang madalas na mangyari ay ang hindi pagtugma ng tinapos sa mga bakanteng trabaho.

Ang mga pinakapalasak na mga sosyal na kurso ay abogasya, accountancy, at management. Kung hindi man makapag-abroad, ang mga naging abogado ay maaaring pumasok sa pulitika at tumakbo bilang mayor muna, pagkatapos ay gobernador, pagkatapos ay kongresman, at pagkatapos ay senador. Kung medyo malakas ang hatak upang tumakbo bilang presidente, pero kailangang  magfund-raising muna…gamit ang pork barrel. Yong mga abogadong may simpleng pangarap lang naman, pwedeng magbukas kunwari ng bupete o law office, pero ang gagawin ay mag-notarize lang, sigurado pa ang kita, maski walang hawakang kaso. Mahirap kasing mag-research at magsulat ng mga kung ilang pahinang mga dokumento para sa mga hearing.

Ang mga naging accountant o CPA, maaaring mag-apply pa rin sa anumang ahensiya ng gobyerno dahil ang ganitong propesyon na pwedeng magmadyik ng mga financial report ang kailangan upang maitago ang napitik na pondo. Lalo na sa ahensiyang namamahala ng budget ng gobyerno, kailangang magaling sa pagpalipat-lipat ng pondo upang maitago ang halaga ang pinitik na pondo, yong magaling magbura ng paper trails.

Ang management course naman, pwede pa rin sa gobyerno dahil nangangailangan ng magaling na mangasiwa ng mga pinangakong patung-patong at hindi natupad na mga proyekto, yong mga may budget na ay nasa papel pa rin. Kailangang maayos ang pag-manage ng mga filing cabinet na namumutok sa mga patay na mga dokumento at para hindi malito ang mga pamunuan kung ano yong dapat nang warat-waratin sa pamamagitan ng shredding machine, o kung ano yong kunwari ay active file na maipapakita sa media kung may maurirat na reporter na magtanong.

Yon namang gusto ay matikas ang dating, pagpupulis na lang ang papasukin lalo na yong mga dating drug addict na na-rehabilitate na daw. Kung sa pwesto na, tiyak, piyesta na sa mga nakumpiskang droga, may nai-enjoy na, may negosyo. Ganito ang katwiran ng isang nakilala kong pulis na PO1 pa lang. Bangag pa yata nang mamilosopo sa pagbigay ng katwiran. Alam ko naman kasi na hindi lahat ng pulis ay baluktot ang pagkatao. Meron ngang nagtitiyagang umupa ng maliit na kwarto sa mga iskwater na lugar upang makatipid at mapagkasya ang sweldo. Sila ang mga kahi’t minsan ay hindi gumawa ng kung anong kamalasaduhan madagdagan lang ang kita. Marami ang ganitong klaseng matitinong pulis, nadadamay lang dahil sa mga naligaw na bulok sa kanilang hanay.

Meron akong nakilala na seminarista, gusto daw niyang magpari na lang dahil konting salita lang, pera na agad. Kinilabutan ako sa sinabi niya. Subali’t giit niya, ang pagpapari ay katulad lang din naman ng ibang trabaho. Kaya yong iba nga daw na hindi makatiis sa tawag ng kamunduhan ay naghuhubad na lang sotana upang mag-asawa. Sa pagmimisa daw kasi ngayon, may mga sobre nang nakalaan talaga sa pari – kanya lang. Sa tantiya niya, kung kada Linggo ay magmimisa daw siya sa apat na kapilya o simbahan at bawa’t isa ay may maipong mga sobre na ang kabuuhang laman ay dalawang libo man lang, tumataginting na walong libo ang kita niya. Idagdag pa rito ang mga basbas sa patay at mga pabinyag  sa ibang araw naman– hindi bababa sa 60thousand ang kikitain niya sa isang buwan – para na rin daw siyang manager ng isang kumpanya. Mag-iipon daw siya bago mag-asawa.

Ang pinakamagaling na propesyon sa tingin ko ay ang pagiging titser. May kahirapan lang dahil maliit ang sweldo at kadalasang sakit na makukuha dito ay TB o sakit sa baga, o di kaya ay cancer sa larynx o lalamunan. Huwag nang banggitin ang ulcer, dahil talagang sa umpisa pa lang ay garantisado nang magkakaroon nito ang titser. Ganoon din ang sakit sa bato dahil sa pagpigil sa pag-ihi. Pwede rin ang cancer ng colon dahil sa pagpigil sa pagdumi kaya madalas ay nagreresulta sa pagtitibi. Ang malaking problema nga lang ngayon, marami na ang nagtatanong kung sino ang mga titser ng mga tiwaling mambabatas at opisyal sa gobyerno, dahil pumalpak daw sila sa pagturo sa mga ito! Mabuti nga lang at sa mga rally, hindi nasisisi ang mga titser ng mga militante sa pagbatikos nila sa mga tiwaling opisyal at mambabatas. Ibig sabihin, sa mga propesyon, ito pa rin ang pinakarespetado. Subali’t para sa ibang makukulit na militante, dapat daw na kanta ng mga tinutukoy na titser ay: “Saan ako Nagkamali?”.


Discussion

Leave a response