0

Ang Posas

Posted on Monday, 23 June 2014



Ang Posas
Ni Apolinario Villalobos

Hindi dapat tingnan ang posas bilang gamit lang sa  pagkontrol ng umaalmang taong hinuhuli. Ito ay simbolo ng poder ng kapulisan, katulad ng sa huwes na merong maliit na kahoy na pamukpok maliban sa imahen ni Binibining Hustisya, at ang mga eskwelahan na may aklat, panulat na yari sa balahibo ng ibon, at sul. Kaya ang taong hinuhuli ay dapat posasan. Marami na kasing pangyayari lalo na sa paghuli ng mga taong may sinasabi o yong may katungkulan sa pamahalaan, o yong mayaman, na hindi na pinoposasan.

Ito ay paalala lamang sa mga kapulisan na baka madala ng kanilang damdaming maawain sa mga taong nakikiusap na huwag posasan kung huhulihin. Lahat na nga ng mga nangyayari sa gobyerno ay puro palpak na, pati ba naman ang pagposas sa huhulihin, na bahagi naman ng patakaran ay “palulusutin” pa? Kapag nagpadala sila sa pakiusap, nangangahulugan lang na ang posas ay para sa mahihirap lamang na mga taong hinuhuli!

Kung ang demokrasya ng Pilipinas ay halaw sa demokrasya ng Amerika, malaking kaibahan ang makikita. Doon, walang sinisino ang mga kapulisan sa pagsita at paghuli. Lahat ay pinoposasan dahil kasama sa tinatawag na standard operations procedure o SOP. Sa Pilipinas, iba ang nakikita…kung mayaman ang huhulihin, wala nang posas may entourage pang kasama papunta sa presinto!

Ang posas ay isang maliit na bagay na magpapatunay kung sa Pilipinas ay may hustisya nga para sa lahat…o dalawang klase – para sa mahirap at para sa mayaman.

Discussion

Leave a response