0

Ang Mga Ugaling "Palusot" at "Pwede Na"

Posted on Tuesday, 17 June 2014



Ang Mga Ugaling “Palusot”
At “Pwede Na”
Ni Apolinario Villalobos

Kung pag-isipang mabuti, hindi sana umabot sa puntong wala nang kalutasan ang mga problema na animo ay kanser na unti-unting kumalat sa ating kultura kung hindi pinairal ang nakasanayang ugali na “palusot” at “pwede na”.

Ang mga kasong pagnanakaw sa gobyerno ay nagsimula sa “pinalusot” o pinalampas na maliliit na kaso. Nang mapansin na wala man lang parusa na naipataw dahil sa mga masamang ginawa, dinagdagan ang katiwalian hanggang sa naging bahagi na ng pagkatao. Yong mga ibinoto naman na napagkitaan ng hindi maayos na pagtupad sa mga ipinangakong proyekto, ibinoto uli… “pwede na”, namudmod naman kasi ng pera.

Ang napapansin sa mga Pilipino, kung sa ibang bansa daw magtrabaho, talagang matinding kagalingan ang pinapakita sa mga amo, subali’t kung dito naman sa Pilipinas, palaging nagpapalusot ng katamaran, at mga malasadong accomplishments na pinagpipilitang pwede na. Dito sa Pilipinas, may tinatawag na Monday at Friday sickness –  palusot ng mga mahilig gumimik kung weekend. May mga bus na nadidisgrasya dahil kahi’t kalbo na ang gulong ay patatakbuhin pa rin, dahil “pwede na”.

Sa isang banda, ang dalawang mga ugali ay nakakatulong ng malaki sa mga Pilipino na biktima ng kabalbalan ng mga nasa pamahalaan, kaya kailangan nilang gumawa ng paraan upang mabuhay. Ang iba ay nagpapalusot ng mga paraan upang maiwasan ang mga pagsita sa ginagawa nilang pagnenegosyo sa bangketa, yong ang mga kalakal ay pinagkakasya sa bilao. At upang malamnan ang kumakalam na sikmura, sa umaga ay pwede na ang tig-isang pandesal sa bawa’t miyembro ng pamilya na isinawsaw sa iisang tasa ng kape…sa tanghali ay pwede na ang kanin na tinaktakan ng toyo, at sa gabi ay pwede nang ulam ang isang balot ng instant noodles na niluto sa limang coffee mug na tubig, may pangsabaw lang sa tutong na kanin upang lumambot maski konti.






Discussion

Leave a response