Walang Kadala-dala ang Pamahalaan
Posted on Wednesday, 18 June 2014
Walang
Kadala-dala Ang Pamahalaan
ni Apolinario Villalobos
Maraming indulto ang inabot ng mga Pilipino
dahil sa mga palpak na batas, mga desisyon ng pamahalaan at kalamyaan ng mga
ahensiya nito. Hindi naman humihingi ng paraiso ang taong bayan, sa halip ay
isang buhay na matiwasay at may sapat na kaginhawahan lamang. Subali’t dahil
nakita ang ugaling mapagbigay at kaluwagan ng mga Pilipino, sinamantala naman
ito ng mga abusadong opisyal ng pamahalaan at mismong mga mambababatas, lalo na
nang mga walang silbing mga ahensiya.
Nang ibinenta ang Petron sa mga banyaga at
dini-regulate ang kontrol sa langis, ginhawa daw ang katumbas ng mga ito para
sa mga gumagamit, at tuloy, buong bayan na rin ang makikinabang. Hindi lumaon,
naramdaman na ang epekto – masamang epekto, na hinayaang lumala hanggang sa
kasalukuyan. Ang problema ay naging dambuhalang halimaw na hindi masawata.
Nang ibinenta naman ang mga pangunahing
serbisyo ng tubig at kuryente sa mga pribadong kumpanya, sabi ng pamahalaan,
para sa kabutihan din daw ng taong bayan dahil, tadtad daw ang mga ahensiyang
ito ng katiwalaan at nalulugi naman. Pinapalabas ng pamahalaan na kapakanan
lang ng bayan ang kanilang inisip kaya ginawa itong desisyon. Kalaunan, animo
naboldyak ang mga Pilipino nang ipinakita ng mga pribadong kumpanya ang kawalan
nila ng simpatiya sa taong bayan, sa pamamagitan ng regular na pagpapasirit ng
singilin. Nagdagdag pa sila ng mga patakaran na halos ay sumakal sa mga taong
bayan. Lalong lumala ang kalagayan ng taong bayan.
Ang sinimulang kaluwagan ng Department of
Agriculture sa pag-angkat ng bigas ay hindi na rin nakontrol. Nasilipan ng mga
butas na naging dahilan ng talamak na ismagling. Sa mga pagdinig ng mga kaso
kunwari, ng mga nahuling may pakana, nagkabistuhan ng kawalan ng kapangyarihan
ng ahensiya upang masawata ang illegal na gawain. May nangyari na kaya sa mga
kaso? Dahil sa mga kasong ito, lalong lumutang ang kagalingan ni Duterte bilang
isang mapagkakatiwalaan na mayor ng isang lungsod- ang Davao. Wala namang
ginawa ang mga pamahalaang may mga port rin na sangkot sa kaso, tahimik lang.
Sumali ang Pilipinas sa World Trade
Organization upang gumanda daw ang takbo ng mga negosyo sa Pilipinas. Gumanda
nga ang mga negosyo, pero mga negosyo naman ng mga dayuhan na itinatag dito
upang gatasan ang mga mamamayan ng kapiranggot nilang pera, dahil ang mga
kinikita ng mga negosyanteng ito ay sa mga bangko ng bansa naman nila
dinideposito. Hindi kaya ng mga produktong Pilipino ang mga produkto ng ibang
bansa, kaya lumalabas, talo ang bansa pagdating sa ganitong sistema ng “palitan”. Samantala, ang mga negosyo ng
karamihan sa mga Pilipino ay yong nasa bilao o di kaya ay yong nakalatag sa
bangketa pa rin. Ganyan kapalpak mag-analisa ang mga magagaling na “think tank”
daw ng gobyerno.
May nabasa siguro sa internet ang ibang
mambabatas na utak-tungaw tungkol sa pagkapa-legal ng marijuana sa isang estado
ng Amerika, dahil ginagamit daw na gamot. Gustong gayahin, kaya nagsulong ng
batas na kapareho noong nasa Amerika.
Gaya-gaya talaga! Ang hindi naisip ng kung sino mang mambabatas na
nagtutulak upang maging legal ang marijuana sa bansa, ay ang pagiging talamak
na nito kahit illegal, kung maging legal pa kaya? Ang mga tiwaling Pilipino ay
maabilidad, kaya gagawa talaga ng paraan upang maikutan ang batas na magpapa-legal
ng marijuana sa bansa. Hindi iniisip ng mambabatas na lahat ng mga batas sa Pilipinas ay may katapat na “diskarte” upang
mapagkitaan sa illegal na paraan. Yong panghuhuli nga lang ng mga driver
eh, napagkikitaan pa. Maski pa sabihing maayos na ang pagda-drive, may ilang mga
pulis talaga na gumagawa ng paraan upang makapanita at tuloy ay makapag-tong.
Bakit kailangan pang magbulag-bulagan sa ganitong mga nangyayari?
Ang kagawaran ng edukasyon, nagtutulak na
tanggalin ang mga asignaturang “History” at “Pilipino” sa libel na K-12. Wala
na yata silang maisip na maayos para sa paglinang ng kaalaman ng mga kabataan,
pati ang aspeto ng pagiging makabayan nila ay pinakialaman na. Sa ngayon nga
lang na itinuturo ang Pilipino, ang mga bata ay nag-aanimo Amerikano sa
pagsalita ng sariling wika, paano na kung tanggalin na ito nang tuluyan? Kung
sa ngayon marami ang hindi nakakaalam kung sino si Tandang Sora, paano na kung
wala na ang History o Kasaysayan? Hindi na sila nagkasya sa pagsira ng porma ng
mga textbooks na ginawang workbooks upang taun-taon ay obligadong bumili ng
bago ang mga magulang, pati ang mga dapat ituro sa mga bata ay gusto pang
sirain. Hindi na nga nila maapula ang mga eskwelahan na nagpapataw ng mga hindi
makatarungang gastusan, lulusawin pa nila ang mga pundasyon ng kultura ng
lahing Pilipino – ang pambansang wika at Kasaysayan nito!
Walang kadala-dala ang pamahalaan sa mga
pagkakamali na patung-patong kung manahin sa mga nakaraang administrasyon. Sana
ang gawin ng bagong namumuno ay gawan ng paraan upang maayos ang mga kapalpakan
ng nakaraang administrasyon, sa halip na batuhin ito ng katakut-takot na sisi.
Parang ang gustong palabasin ay hindi malala ang mga kapalpakan ng kasalukuyan
kung ihambing sa nakaraan, ganoong pareho lang naman na kapahamakan ang
idinulot sa taong bayan.
Discussion