0

Kalayaan

Posted on Thursday, 12 June 2014

Kalayaan
ni Apolinario Villalobos

Minimithi ng lahat, itong kalayaan kung tawagin
Walang pagkagapos sa tanikala, pati damdamin
Mitsa ng pag-aklas noon pa mang unang panahon
At ang sindi’y nag-aapoy sa lahat  ng pagkakataon.

Maraming buhay ang naibuwis dahil sa kalayaan
Masagana ring dugo ang dumanak sa mga digmaan
Dahil ang sindi ng mitsa ay hindi maaaring patayin
Ng mapang-abuso, at mga nanunupil ng damdamin.

Dahil sa kalayaan ay marami na ring tao ang nakilala
Mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa inang bansa
Mga pangalan ay naitala sa mga pahina ng kasaysayan
Hindi mababaon sa burak ng limot, magpakaylan man.

Hitik ang Pilipinas sa mga bayani, may tapang at talino
May paninindigan silang maipagmamalaki nating ninuno
Mga  dayuha’y di pa man dumating sa ating dalampasigan
Malalim nang nakatanim sa puso at diwa nila ang kalayaan.

Subali’t ngayo’y ibang klaseng kalayaaan ang pinaglalaban -
Kalayaan mula sa pagkagahaman ng ilan nating kababayan
Pagkagahaman sa kayamanang kaydali nilang nakukulimbat
Sa kaban ng bayan na natira para sa Pilipino’y hindi na sapat.

Sa bagong panahon ay ibang pakikibaka ang ginagawa natin -
Laban sa mga garapal at may masidhing sakim na damdamin
Nabulagan ng kinang ng yaman na kung ituring nila ay kanila
Nakakahiyang mga Pilipino, walang puso, walang konsiyensiya!




No Comments

Discussion

Leave a response