Showing posts with label Makati. Show all posts

0

Ang Mga "Milagro" sa Pilipinas

Posted on Tuesday, 23 September 2014



Ang Mga “Milagro” sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Ang tao, lalo na ang mga Kristiyano ay naniniwala sa mga milagro. Ang malaking bahagi ng population ng Pilipinas ay Kristiyano, kaya ang bansa ay batbat ng mga milagro kagaya ng imahen ng Virgin Mary na lumuluha, Sto. Niῆo na sumasayaw at sumasapi sa mga taong nagpipilit iniipit ang boses upang maging boses-bata, mukha ni Kristo at Virgin Mary sa dahon, dingding, palapa ng niyog at kung anu-ano pang mga pangyayari. Ito marahil ang nagbunsod sa mga taong tiwali, lalo na yong mga nasa gobyerno, na gumawa ng mga “milagro” dahil iniisip nila na madaling mapaniwala ang mga Pilipino. Kaya’t bukod sa mga nabanggit, may iba’t- ibang klaseng “milagro” pa ang nangyayari sa Pilipinas:

Ang “milagro” ng pagkawala ng pondo mula sa kaban ng bayan.  Mula pa noong naging republika ang Pilipinas hanggang ngayon, lahat ng administrasyon ay may mga sariling milagro tungkol dito. Mula sa maliit na bilang, unti-unting dumami hanggang umabot sa nakakamanghang sukdulan sa kasalukuyang administrasyon. Dahil sa ginawa ng tao na batas tungkol sa pagkainosente ng isang pinagbibintangan hangga’t hindi napatunayan, lahat ng mga sangkot ay nagpipilit na wala talaga silang kasalanan, kaya kanya-kanya sila ng upa ng mga magagaling na abogado na kayang ipagpalit ang puri sa salapi, at animo ay mga de-susing manikang nagsasalita ng mga na-memorize na mga batas na pantakip sa mga kalasalanan ng kliyente nilang magnanakaw.  Ang magandang dahila nila: trabaho lang!

Ang “milagro” sa pagkawala ng mga donasyon sa pangangalaga ng DSW. Maaaring “milagro” na maituturing ang pagkawala ng mga donasyon para sa mga biktima ng kalamidad lalo na ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda, kahit pa may nakabantay na guwardiya. Lalong milagro rin ang hindi pagkapansin ng mga taga-DSW ng pagka-expire ng mga de-lata kaya hinayaang mabulok, kesa ipamigay lahat sa mga biktima. At lalung-lalong milagro ang parang walang anumang pagsalita ng namumuno sa harap ng TV, at pilit na naghuhugas- kamay sa pagsabi na marami na rin naman daw ang naipamigay na!

Ang “milagro” sa pinamigay na mga materyales pang-repair ng bahay sa mga taga-Zamboanga. Nagmilagro ang paglambot ng kahoy na nakaya pang bulatlatin at taktakin ng matandang nakatanggap nang ipakita sa TV. At ang yero, ay parang walang anumang pinunit na parang manipis na karton, pero siyempre, hiniwa muna ng kapiraso, sabay hila at ayon…napunit nga! Milagro!

Ang “milagro” sa EDSA hulidap. Nang lumutang ang karamihan sa mga sangkot na nahuli sa video at “nagsurender” daw, ang abogado nila ay nagsalita upang ipagpilitang wala sila sa pinangyarihan ng hulidap! Ang laking “milagro”! Hallelujah!

Ang “milagro” ng pagkabawas daw ng kriminalidad sa bansa dahil sa pinuno nitong si Allan Purisima. Nagmimilagro ang report dahil taliwas sa mga tunay na nangyayari. Nagsalita pa ang pangulo at nagdepensa kay Purisima, ganoong ilang araw na ay sunud-sunod ang balita tungkol sa hulidap na ginagawa ng mga pulis! May nagbebenta pa ng droga! Milagro ang pagkaroon ng lakas ng loob ng pangulo na magsalita sa harap ng kanyang mga cabinet secretaries at mga piling kaalyado sa pulitika, sa isang pagtitipon sa Malakanyang – para siguradong masigabo ang palakpakan! Si Jejomar Binay, Bise-Presidente at cabinet member din…hindi naimbita! May sa tagabulag yata kaya hindi napansin…talagang milagro!  Ang liwa-liwanag na nga eh, hindi pa nakita!

Ang “milagro” ng pananatiling buhay ng mga gutom na Pilipino dahil halos wala nang kakayahang kumain ng sapat sa maghapon. At sa kabila ng ganitong kagimbal-gimbal na eksena, nagawa pang magsalita ng taga-Malakanyang na “tiis-tiis muna”! Baka ibig niyang sabihin ay “mamamatay din kayo, pagdating ng panahon…hintayin ninyo ang ikalawang sigwada!”

Maitututing na ngang isang “miracle” country ang Pilipinas. Ang daming mga pangyayari na hindi maipaliwanag. Kaya bahala na lang si Lord. Tulad ng biglang pagyaman ng isang ordinaryong mamamayan na taga-Makati… ang pagkapantas ng isang babaeng hindi nakatapos ng kolehiyo subali’t napaikot sa palad ang mga mambabatas upang magkamal ng limpak-limpak na salapi at nagawa pang mag-display ng rosary na bigay daw ng santo papa….. at milagro ding nakakangiti at nakakapagsalita pa sa kabila ng kakapalan ng mukha ang ilang mga opisyal ng gobyerno na ayaw umalis sa puwesto sa kabila ng pagka-inutil nila sa pagpatupad ng tungkulin!

 

0

Pumalpak na naman si VP Binay!

Posted on Thursday, 18 September 2014



Pumalpak Na Naman si VP Binay!
Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakaaabangang talumpati ni Binay na nadeliber din niya sa wakas, hapon ng September 18, Miyerkules ay palpak!...ampaw!...kumbaga sa paputok ay supot! Akala ng mga nag-abang ay malakas na bomba ang pasasabugin niya sa talumpati niyang “punto por punto” daw na sasagot sa mga binibintang sa kanya. Maraming nagsisi kung bakit nakinig pa sila. Walang putok na narinig. Sabi ng isang kaibigan ko, malakas pa nga raw ang utot ng pusa niya! Kung baga sa mga kwento, ang mga sinabi ay puro mga title lang, walang laman o synopsis man lamang. Nasayang ang panahon ng mga taong nag-abang sa walang kwentang talumpati niya. Yong iba, nangangalahati pa lang, nagpatay na ng TV. Ang talumpati niya ay hindi pang-senado, kaya pala bantulot siyang doon ito i-deliver, kaya nagkasya na lamang siya sa harap ng kamera.

Pinagbabanggit pa niya ang mga proyekto niya sa Makati, eh, obligasyon naman niya talagang magkaroon ng mga proyekto para sa mga tao, lalo na sa mga mahihirap. Maraming lunsod at bayan na ang halos ay may mga kaparehong proyekto, maliban lang sa keyk at libreng sine para sa mga senior citizens. ANG ISYU AY HINDI MGA PROYEKTO, KUNDI ANG ALEGASYON NA MALAKI ANG MGA PORSIYENTO NIYA O NILA NA DAPAT NIYANG PATUNAYANG HINDI TOTOO!

Kung sa simpleng paghahambing sa halaga ng pera ang gagawin, ang binibintang sa kanya ay ito: Sa halaga halimbawang isang libong pisong pondo, ang ginastos niya sa mga proyekto ay tatlong daang piso lang at ang napunta sa kanya ay pitong daang piso…yan ang bintang sa kanya – NAPAKALAKI ANG NAKAMKAM NIYA! …NA, DAPAT AY PATUNAYAN NIYANG HINDI TOTOO!

Pinagyabang niyang pumunta daw siya sa norte, sa mga binagyo, upang dumamay at upang asikasuhin ang housing project daw na para sa mga nasalanta, pero namigay lang pala ng mga t-shirt na may pangalan niya. Maagang nangampanya! Bakit ngayon lang niya ginawa ang “pagdamay” sa mga nasalanta, eh…ang daming bagyo na ang dumaan at ilang libong di- hamak ang mga nasalanta na?  Nagsosolisit ba siya ng awa o simpatiya dahil lubog siya na sa mga kontrobersiyang pagnanakaw ng pera ng bayan! Pero ang pinakamalinaw ay ang pangangampanya niya. Kung talagang pinangangatawan niya ang pagiging housing czar, bakit hindi niya tutukan ang mga pabahay para sa mga taga-Zamboanga at mga Tacloban na hanggang ngayon ay nasa tents at evacuation center pa rin? Pupunta pa siya sa norte eh, yong nasa Maynila lang na mga squatters na nakatira sa tabi ng mga estero, ay hindi niya maalis-alis at mailipat sa MAAYOS na resettlement areas na may mapagkikitaan, may mga poso at kuryente man lamang!

Hindi niya pwedeng ipagyabang na ang ginawa niya sa Makati ay gagawin din niya sa buong Pilipinas bilang presidente kung sakali. Dapat niyang isipin na nakaya niya dahil MALIIT LANG MAKATI, at madaling magpa-release ng pondo para sa mga proyekto kuno, lalo’t hawak niya ang konseho. Hindi pwedeng kung ano ang maisipan niyang proyekto ay agad na mai-implement dahil may involved na Senado at Kongreso. Ang proposal para sa mga proyekto ay manggagaling sa mga mambabatas at hindi sa kanya. Kung bibilhin siguro niya ang suporta ng mga mambabatas, may posibilidad, pero dahil mulat na ang mga mata ng mga Pilipino sa mga talamak na pagnanakaw ng mga opisyal sa kaban ng bayan, ang tingin sa lahat halos ng mga mambabatas ay magnanakaw. Papasok pa siya sa eksena! Kaya ang sabi ng iba, Makati pa nga lang daw ay bilyong piso na ang naiisyung nakawan, paano na kung siya na ang maging presidente? Kung ang DBM ngayon ay tuliro dahil hindi maipaliwanag ang mga nawalang pera, baka daw kung siya na ang presidente, ang uupo sa ahensiyang ito (DBM) ay magkakadaduling na sa sakit ng ulo kung paanong mag-isip ng mga dahilang “bago” sa hangarin nitong makalusot sa mga madadagdag pang mga bintang! 

Ang hindi mapatawad ng mga taga-Makati sa mga ginawa niya ay ang pagtatak niya ng letrang “B” sa kabuuhan ng lunsod. Gusto daw yata niyang palabasin na kung hindi dahil sa kanya ay hindi umunlad ang Makati kaya karapatan niyang tatakan ito ng initial niya! Yong nakikita sa TV na mga suporters niya ay mga empleyado ng city hall! Mga nakinabang ng grasya galing sa kanya. Ang mga taga-Makati mismo, kung interbyuhin sa TV, puro sama ng loob ang sinasabi dahil ang inalagaan lang daw naman niya ay ang Ayala Avenue, Greenbelt Commercial Center at mga subdivision ng mga mayayaman. Ang ibang bahagi ay pinabayaan.

Finally, ang Makati, ilang oras lang, maiikot na, pero ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla na dahil sa distansiya nila sa isa’t isa, kadalasan palpak pa nga ang koordinasyo ng mga ahensiya! Dapat gumising siya sa katotohanan na may mga dapat pa siyang sagutin na hindi niya puwedeng palusutan ng dahilang pinupulitika lamang siya! Kung nakaya niyang bilugin ang ulo ng ilang mga taga-Makati, hindi ang Pilipinas sa kabuuhan nito!

May kwento ang isang taga-Makati na isa sa dahilan ng hindi magandang pagtitinginan nila noon ng dating Mayor Yabut ay ang walang humpay niyang pagpuna sa matagal na panunungkulan nito (Yabut) bilang meyor ng Makati. Subali’t nang siya (Binay) naman ang nakatikim ng ginhawa sa malambot na upuan para sa  meyor, naka-ilang term ba siya?...at hindi pa nakuntento, pinaupo din niya ang asawa niya at anak! …may anak din siya sa kongreso, pati sa senado! Noon mag-isa lang si Mayor Yabut sa pulitika, at hanggang pagka-meyor lang siya, ang mga anak naman nito ay hindi nakialam, subali’t pinuna siya ni Binay ng todo, yon pala, mas masahol pa ang ginawa nito…at balak yatang mas lalong pasasahulin pa dahil gustong hawakan ay buong Pilipinas na…na ngayon ay halos nakahandusay na sa hirap!

Opinyon lang ito ng hindi taga-Makati, pero Pilipinong nababahalang baka may mangyayaring hindi maganda sa Pilipinas! Kaya humihikayat sa kapwa Pilipino na lalo pang paigtingin ang pagmatyag!...huwag padadala sa tamis ng keyk!


0

Nakalimutan Yatang Ipa-Lifestyle Check ang mga Binay

Posted on Tuesday, 16 September 2014



Nakalimutan Yatang Ipa-Lifestyle Check
Ang Mga Binay
Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakamabilis na paraan upang malaman kung may ginawang pangungurakot ang mga Binay, ay ipa-lifestyle check silang lahat – ang Vice-President, ang senador, ang congresswoman, ang mayor ng Makati at pati na si Mrs. Binay. Ipabulatlat ang mga bank records mula noong sila ay namumuhay ng simple sa isang simple ding bahagi ng Makati. Kung may kulay ng honesty sa mga sinasabi ni Senator Nancy at Vice-President Binay na sila ay pinupulitika lamang, i-volunteer na nila ang pagsiwalat ng kanilang bank records. Isama na rin ang ang pag-imbistiga sa mga bank account ng mga  taong malapit sa kanila na baka ginamit na dummy upang mapaglagakan din, na normal nang ginagawa ng mga magnanakaw sa kaban ng bayan. Subali’t bakit walang bumabanggit nito?

Marami kasi ang nagsasabi na hindi galing sa mayamang angkan ang sinuman sa mag-asawang Binay. May klinika man noon si Mrs. Binay, hindi naman siguro milyones ang kinikita nito. May negosyo sila noon pero hindi naman kalakihan. Kaya nagkagulatan kung paanong biglang yumaman ang pamilya. Noon pa man marami nang mga dating kaibigan ang Vice-President Binay dahil mula daw nang maging mayor ng Makati, halos hindi na siya matanaw dahil sa dami ng nakapaligid na mga bodyguard! Marami rin ang nagulat nang ipakita ang mansion na may elevator ni Mayor Junjun Binay, na hindi basta-basta ang halaga. Paano niyang nakayanang bilhin ito? Kung ang inaasahan lang niya ay ang legal na sweldo bilang mayor, hindi daw siya makakaipon ng napakalaking halagi para ipambili ng bahay na ang may kakayahang bumili ay multi-milyonaryo! Ganoon na ba kalaki ang perang naipon ni Mayor Junjun Binay, at kung meron man, saan ito galing?

Hindi dapat balewalain ang mga sinabi ng mga whistle blowers sa pagpagawa ng Makati City Hall II na pinagkitaan daw ng todo at kung paanong mag-distribute ng perang nakasilid sa mga bag para sa ilang miyembro ng pamilya at sa dating secretary ni Vice-President Binay.

Ang problema sa pagpa-lifestyle check ay kung mag-boomerang sa mga nag-iimbistiga, dahil alam ng lahat, na maliban kay Senador Poe, at ilang baguhan sa Kongreso, yong iba ay nabatikan na rin ng korapsyon. Kung paano silang naambunan ng grasya ay malalaman lamang ng seryosong lifestyle check ng Commission on Audit (COA).

Ang problemang malaki, pati ang COA ay may bahid na rin! Dapat siguro ay kumuha ng audit firm mula sa Hongkong tulad ng ginawa para sa MRT…na ang audit team ay galing sa Hongkong. Wala itong pinagkaiba sa paghanap ng third party upang maging tagapamagitan sa mga maseselang usapan, tulad ng nangyari sa Mindanao na may third party na kinuha. Pagbabadya na yan na dahil sa mga kahindik-hindik na nakawan sa kaban ng bayan, at kawalan ng tiwala taong bayan sa mga opisyal, pati sa mga mambabatas, baka mabuti pang magpa-administer na lang tayo temporarily  sa isang banyagang bansa…o di kaya ay United Nations….wild imagination lang!

0

Ang September 4 Hearing Tungkol sa Graft Case ni Binay

Posted on Thursday, 4 September 2014



Ang September 4 Senate Hearing
Tungkol sa Graft Case ni Binay
Ni Apolinario Villalobos

Sumigabo ang mga pagbubunyag sa Senate hearing tungkol sa graft case laban kay Vice-President Binay. Mga independent resource speakers ang nagsalita, kasama ang dating namuno ng Bids and Awards Committee ng Makati noong kapanahunan ni Vice-President Binay. Nagimbal ang mga sumusubaybay nang aminin niya na binibigyan sila ng instruction kung sinong bidder ang papanalunin sa mga bidding, na kalimitan ay ang Hilmarc’s Construction group. Kung may magkamaling sumali at walang malay sa mga kalakaran, sinisilipan daw sila ng mga technicalities upang hindi makapasa. Inamin din ng resource speaker na si Engr. Mario Hechanova na para sa isang project, ang isang bidder daw ay “ikinulong” nila sa elevator upang ma-late sa pag-submit ng mga dokumento…hindi nga umabot dahil na-late ng mga twenty minutes. Siguro ang ibig niyang sabihin ay sadyang pinatigil ang elevator upang lumabas na nasiraan kaya hindi mabuksan ang pinto.  Inamin din ni Mr. Hechanova na “niluluto” nila ang mga bidding upang masigurong makupo ng pinapaburang bidder. Dagdag pa sa inamin ni Mr. Hechanova ay ang pagkakaroon nilang mga miyembro ng Bids and Awards Committee ng monthly allowance na Php200,000.00!

Pinilit na mag-abogado ni Senador JV Ejercito para sa grupo ni Vice-President Binay, subali’t wala ring nangyari. Ang mga pinadala ng Makati na resource speakers nila, puro tamimi, walang masagot na tama sa mga tanong. Ang grupo naman ng Hilmarc’s ay  may pinagsalitang abogado, hindi engineer, sinabayan pa niya ng multi-media presentation. Buong tatag ang pagpaliwanag na halos kapani-paniwala, subali’t nang pagtatanungin na ni Senador Allan Peter Cayetano, isa-isang nabuwag ang mga sinabi, na animo ay building na unti-unting gumuho nang abutin ng matinding lindol. Napahiya ang “speaker” ng Hilmarc’s na si Atty. Peig. Kung nakakalusaw ang pagkapahiya, malamang lusaw na lusaw siya. Wala siyang nagawa sa mga pandidikdik ni Senador Cayetano. Malamang hindi na ito magpapakita sa Senado. Wala pala siyang personal knowledge sa proyekto bilang abogado, ay kung bakit gumawa pa ng presentation na animo ay eksperto!


Sa hearing, iniulat ni Senador Cayetano na ang  halaga ng perang ginastos sa mga proyektong “nakakatulong” daw sa mga taga-Makati ay hindi kapani-paniwala. Kung kukuwentahin nga naman, ang mga sinasabing ginastusang mga aktibong proyekto para mga iskolar, libreng sine para sa mga senior citizens, cake para rin sa mga senior citizens, bulaklak o korona para sa patay, libreng gamot, kunsulta at hospitalization, ay hindi aabutin ng milyones o bilyones. Kung baga, mga sentimo lang pala ang napakinabangan ng mga taga-Makati. Kaya tinatanong nila kung saan napunta ang hindi hamak na mas malaking halaga.

Pagkatapos ng hearing, nagkaroon ako ng malaking respeto kay Senador Cayetano. Matalino siya. Alam niya ang trabaho niya bilang senador ng bayan. Ang paglabas-labas niya sa TV upang magsalita tungkol sa mga proyekto nila sa Taguig upang sabihin na pwede naman palang magkaroon ng mga proyektong may kabuluhan kahit hindi gumastos ng malaki tulad ng ginagawa nila, ay naunawaan ko na ngayong parang pasaring sa Makati na kapit-lunsod nila na abot-langit ang budget para sa mga social, educational, at health -related projects. Noong una, akala ko ay pagyayabang lamang niya at advance campaign dahil interesado siyang maging presidente…hindi pala.

0

Saan Galing ang Yaman ng Mga Binay?

Posted on Tuesday, 26 August 2014



Saan Galing ang Yaman ng Mga Binay?
Ni Apolinario Villalobos

Ang tanong na yan ang dapat na pinagbatayan ng akusasyon ng isang taong katunggali ng mga Binay sa pulitika, at hindi lang ang tungkol sa overpriced daw na parking building sa Makati. Nagmadali siya sa ginawa niyang pagdemolis sa reputasyon ng mga Binay kaya medyo bitin ang exposition niya.

Walang malisya ang katanungan. Naayon lang ito sa ambisyon ng Bise-Presidente Binay na maging pangulo ng bansa, kaya may karapatan ang mga Pilipinong malaman kung paanong lumago ang kabuhayan nila. Ang tanong na ito ay tinatanong na rin sa iba pang mga opisyal ng bansa. Dapat lang na maging tapat siya sa paglantad ng lahat-lahat for the sake of transparency, wika nga. Kung rags to riches ang kwento ng buhay niya, aba’y makaka-inspire pa siya.

Kung taga-Makati ang taong nagreklamo, dapat inalam niya ang pinanggalingan ni Bise-Presidente bago naging mayor ng Makati. Sa ganoong paraan nakapag-develop sana siya ng mas matatag na katanungan at kaso na hindi basta-bata maiikutan. Subalit sa isyu pa lang ng cake, sumablay na yata ang nagreklamo dahil nabuwag ang sinabi niyang halos isang libo daw ang halaga ng birthday cake para sa mga senior citizen ng Makati. Sabi ng mga taga-City Hall, ang halaga ay mahigit ng konti sa tatlong daang piso lamang daw, may pinakita pang purchase order yata. Ang sunod na tanong dapat sana ay kung sino o sinu-sino ang may-ari ng bakery na gumagawa ng cake.

Marami ang nagsasabi na hindi naman mayaman ang angkan ng mga Binay. Isa lang daw ordinaryong mamamayan noon si Bise-Presidente. May kaibigan akong nagkwento na kapitbahay at barkada daw nila ang Bise-Presidente, at kainuman pa nila ito, sa bangketa, labas ng gate pa daw nila kung minsan. Masipag daw ito at nagsimula sa isang simpleng negosyo na umunlad naman, pero hindi ganoon ka-bigtime, hanggang naging opisyal ng Makati at doon nagsimula ang kanyang “suwerte”. Marami na lang daw ang nagulat sa biglang pagyaman ng mga Binay.

Kung pagbabatayan ang mga kinita ng Bise-Presidente noon bilang opisyal ng Makati sa matagal na panahon, magkano ang naipon nila mula sa sweldo niya? Kahit kumikita pa ang kanyang asawa mula pa noon, ganoon ba kalaki ang kanilang pinagsamang kita upang sabihing kumita sila ng malaki? Dapat unawain na may mga anak din silang pinapaaral, kaya hindi rin basta-basta ang mga gastusin nila.

Noong-noon pa man umugong na ang ang mga kwento tungkol sa pagkakaroon din ng mga “foundation” ng mga Binay dahil marami daw silang tinutulungang mga taga-Makati. Nakikita nga naman ang mga pruweba – mga scholars, yellow cards para sa libreng pagpapagamot at ospital, Ospital ng Makati, University of Makati, at ngayon ang mga senior citizens na may cake tuwing birthday at ang halaga ay umaabot sa milyones, isama pa diyan ang libreng sine na subsidized din ng Makati, at may monthly allowance pa yata. Marami ngang lokal na pamahalaan ang gumaya sa sistema nila lalo na sa libreng sine. Malaki ang gastos, subali’t malaki rin ang kinikita ng Makati bilang first class na siyudad, kaya pasok na pasok kung kukunin sa buwis ang mga panggastos.

Kung ang mga proyekto ay ginastusan ng Makati na tulad ng pinagpipilitan ng mga Binay, hindi pala dapat isiping may utang na loob ang mga taga-Makati, lalo na ang mga mahihirap, sa kanila. Ang tanong ngayon ay… bakit kailangan pang magtayo ng mga foundation kung totoo man, upang lagakan ng mga pondo, kung pwede naman palang idiretso ng pamahalaang Makati ang pagbigay ng tulong, dahil maaayos naman ang mga proyekto? Hindi ko maiwasang magtanong nito dahil marami na rin akong nalaman batay sa pagsubaybay ko sa mga hearing tungkol sa eskandalo ng mga foundation ni Napoles na tinaguriang “pork barrel” scandal o PDAF scandal.

Gusto ni Binay na maging Presidente ng Pilipinas. Iniisip siguro niyang ang nagawa niya sa Makati ay magagawa rin niya sa Pilipinas bilang presidente. Subalit hindi niya naisip na iba ang sitwasyong nasyonal kung ihambing sa lokal na sitwasyon na pinanggalingan niya. Mayaman ang Makati sa buwis at kayang-kaya ang mga gastusin, at isa lang itong siyudad kung ihambing sa Pilipinas na isang bansang maraming problema sa iskwater, gutom, unemployment, korap na mga opisyal at marami pang iba. Ang Pilipinas ay kinakapos ng budget, ninanakaw pa ang kakarampot na nakatabi! Ano ang gagawin niya kung presidente na siya? Kukuha rin kaya siya ng isang “matalinong” taong mamamahala ng Department of Budget and Management?

Sa pagpapatayo niya ng parking building, pinagdudahan na siya dahil overpriced daw, kaya malamang pinagkitaan niya, paano na lang kung ang hawak niya ay buong Pilipinas? At ngayon, lumulutang ang mga alingasngas na isa lang daw ang parking building na na-overprice, at pinagkitaan! …sa lahat ng iyan, isa lang ang sagot niya…pinupulitika lang daw siya! Bakit hindi mangyari ang ganoon ay nasa larangan nga siya ng pulitika? Eh, di lumabas siya sa larangang iyan kung ayaw niyang mapulitika!

Lantarang sinabi ni Binay na malaki ang utang na loob niya sa mga Aquino, dahil kung hindi daw dahil sa pamilyang ito ay wala siya sa kinalalagyan niya ngayon. Pahiwatig ba ito na kung sakaling swertehin siyang maging presidente ay maaari siyang maniobrahin ni Pnoy? Ang ganitong ugali ay tatak ng isang “trapo” – tumatanaw ng utang na loob. Ibig sabihin ay wala siyang tiwala sa kanyang kakayahan bilang pinuno…wala siyang sariling matatag na paninindigan. Yan ba ang taong gustong mamuno, na kahit maaga pa ay nagpahiwatig na ng interes, na animo ay mauubusan ng pagkakataon upang mangampanya? Sa isang banda ay maganda na rin ang ginawa niya dahil lumitaw ang tunay niyang kulay!

Ang mga binitiwang salita ni Binay na nagpahiwatig ng pagtanaw niya ng utang na loob sa mga Aquino ang sumira ng pagkabilib ko sa kanya. Yong mga tanong ko tungkol sa mga foundation ay binale-wala ko na sana, subalit napa-opps ako sa sinabi niya sa harap pa mandin ng mga kamera na tila ba proud siya na malapit siya sa mga Aquino dahil nga sa utang na loob!

Hindi kailangang magkaroon ng extraordinary na talino upang maunawaan at makita kung ano ang mga pangangailangan ng mga Pilipino at ng bansa sa kabuuhan. Lahat ng mga problema ay nakalatag na…hantad na hantad pa. Ang kailangan lang ay isang matinong mamumuno na malinis ang isip at walang bahid ng katiwalian. At ang lalong kailangan ay isang matatag na kaban na naglalaman ng perang kailangan. Subali’t dahil dapang-dapa ang ekonomiya ng bansa, mauulit na naman ang mga litanya ng pangako na mamumutawi sa bibig ng mga pulitikong halos tumulo ang laway sa pag-asam ng pinakamataas na pwesto ng bansa. At, bandang huli ay isisisi sa kawalan ng pondo ang hindi pag-usad ng mga proyekto, kaya ipipilit na wala siyang magawa kung walang natupad sa kanyang mga pangako.

Maraming pangako na ang nasambit ng mga kung sinong pulitiko. Nandiyan ang trabaho, malaking sweldo, pagbaba ng presyo ng mga bilihin, pagpapatatag ng Pilipinismo, kulang na lang ay sungkitin ang buwan para mag-brown out man dahil sa palpak na patakbo ng industriya ng enerhiya at kuryente, ay may liwanag pa rin ang bansa. At itong administrasyon naman, ay ang pakikinig daw sa mga boss at pagtahak sa matuwid na daan. Baka ang susunod na bibitiwang pangako ay ang paglipat ng Pilipinas sa isang malaking isla na ligtas sa baha…kung matutuloy ang eleksiyon sa 2016!