Saan Galing ang Yaman ng Mga Binay?
Posted on Tuesday, 26 August 2014
Saan
Galing ang Yaman ng Mga Binay?
Ni Apolinario Villalobos
Ang tanong na yan ang dapat na pinagbatayan
ng akusasyon ng isang taong katunggali ng mga Binay sa pulitika, at hindi lang
ang tungkol sa overpriced daw na parking building sa Makati. Nagmadali siya sa
ginawa niyang pagdemolis sa reputasyon ng mga Binay kaya medyo bitin ang
exposition niya.
Walang malisya ang katanungan. Naayon lang
ito sa ambisyon ng Bise-Presidente Binay na maging pangulo ng bansa, kaya may
karapatan ang mga Pilipinong malaman kung paanong lumago ang kabuhayan nila.
Ang tanong na ito ay tinatanong na rin sa iba pang mga opisyal ng bansa. Dapat
lang na maging tapat siya sa paglantad ng lahat-lahat for the sake of
transparency, wika nga. Kung rags to riches ang kwento ng buhay niya, aba’y
makaka-inspire pa siya.
Kung taga-Makati ang taong nagreklamo,
dapat inalam niya ang pinanggalingan ni Bise-Presidente bago naging mayor ng
Makati. Sa ganoong paraan nakapag-develop sana siya ng mas matatag na
katanungan at kaso na hindi basta-bata maiikutan. Subalit sa isyu pa lang ng
cake, sumablay na yata ang nagreklamo dahil nabuwag ang sinabi niyang halos
isang libo daw ang halaga ng birthday cake para sa mga senior citizen ng
Makati. Sabi ng mga taga-City Hall, ang halaga ay mahigit ng konti sa tatlong
daang piso lamang daw, may pinakita pang purchase order yata. Ang sunod na
tanong dapat sana ay kung sino o sinu-sino ang may-ari ng bakery na gumagawa ng
cake.
Marami ang nagsasabi na hindi naman mayaman
ang angkan ng mga Binay. Isa lang daw ordinaryong mamamayan noon si
Bise-Presidente. May kaibigan akong nagkwento na kapitbahay at barkada daw nila
ang Bise-Presidente, at kainuman pa nila ito, sa bangketa, labas ng gate pa daw
nila kung minsan. Masipag daw ito at nagsimula sa isang simpleng negosyo na
umunlad naman, pero hindi ganoon ka-bigtime, hanggang naging opisyal ng Makati
at doon nagsimula ang kanyang “suwerte”. Marami na lang daw ang nagulat sa
biglang pagyaman ng mga Binay.
Kung pagbabatayan ang mga kinita ng
Bise-Presidente noon bilang opisyal ng Makati sa matagal na panahon, magkano
ang naipon nila mula sa sweldo niya? Kahit kumikita pa ang kanyang asawa mula
pa noon, ganoon ba kalaki ang kanilang pinagsamang kita upang sabihing kumita
sila ng malaki? Dapat unawain na may mga anak din silang pinapaaral, kaya hindi
rin basta-basta ang mga gastusin nila.
Noong-noon pa man umugong na ang ang mga
kwento tungkol sa pagkakaroon din ng mga “foundation” ng mga Binay dahil marami
daw silang tinutulungang mga taga-Makati. Nakikita nga naman ang mga pruweba –
mga scholars, yellow cards para sa libreng pagpapagamot at ospital, Ospital ng
Makati, University of Makati, at ngayon ang mga senior citizens na may cake
tuwing birthday at ang halaga ay umaabot sa milyones, isama pa diyan ang
libreng sine na subsidized din ng Makati, at may monthly allowance pa yata. Marami
ngang lokal na pamahalaan ang gumaya sa sistema nila lalo na sa libreng sine. Malaki
ang gastos, subali’t malaki rin ang kinikita ng Makati bilang first class na siyudad,
kaya pasok na pasok kung kukunin sa buwis ang mga panggastos.
Kung ang mga proyekto ay ginastusan ng
Makati na tulad ng pinagpipilitan ng mga Binay, hindi pala dapat isiping may
utang na loob ang mga taga-Makati, lalo na ang mga mahihirap, sa kanila. Ang tanong
ngayon ay… bakit kailangan pang magtayo ng mga foundation kung totoo man, upang
lagakan ng mga pondo, kung pwede naman palang idiretso ng pamahalaang Makati
ang pagbigay ng tulong, dahil maaayos naman ang mga proyekto? Hindi ko
maiwasang magtanong nito dahil marami na rin akong nalaman batay sa pagsubaybay
ko sa mga hearing tungkol sa eskandalo ng mga foundation ni Napoles na
tinaguriang “pork barrel” scandal o PDAF scandal.
Gusto ni Binay na maging Presidente ng
Pilipinas. Iniisip siguro niyang ang nagawa niya sa Makati ay magagawa rin niya
sa Pilipinas bilang presidente. Subalit hindi niya naisip na iba ang sitwasyong
nasyonal kung ihambing sa lokal na sitwasyon na pinanggalingan niya. Mayaman
ang Makati sa buwis at kayang-kaya ang mga gastusin, at isa lang itong siyudad
kung ihambing sa Pilipinas na isang bansang maraming problema sa iskwater,
gutom, unemployment, korap na mga opisyal at marami pang iba. Ang Pilipinas ay
kinakapos ng budget, ninanakaw pa ang kakarampot na nakatabi! Ano ang gagawin
niya kung presidente na siya? Kukuha rin kaya siya ng isang “matalinong” taong
mamamahala ng Department of Budget and Management?
Sa pagpapatayo niya ng parking building,
pinagdudahan na siya dahil overpriced daw, kaya malamang pinagkitaan niya,
paano na lang kung ang hawak niya ay buong Pilipinas? At ngayon, lumulutang ang
mga alingasngas na isa lang daw ang parking building na na-overprice, at
pinagkitaan! …sa lahat ng iyan, isa lang ang sagot niya…pinupulitika lang daw
siya! Bakit hindi mangyari ang ganoon ay nasa larangan nga siya ng pulitika?
Eh, di lumabas siya sa larangang iyan kung ayaw niyang mapulitika!
Lantarang sinabi ni Binay na malaki ang
utang na loob niya sa mga Aquino, dahil kung hindi daw dahil sa pamilyang ito
ay wala siya sa kinalalagyan niya ngayon. Pahiwatig ba ito na kung sakaling
swertehin siyang maging presidente ay maaari siyang maniobrahin ni Pnoy? Ang
ganitong ugali ay tatak ng isang “trapo” – tumatanaw ng utang na loob. Ibig
sabihin ay wala siyang tiwala sa kanyang kakayahan bilang pinuno…wala siyang
sariling matatag na paninindigan. Yan ba ang taong gustong mamuno, na kahit
maaga pa ay nagpahiwatig na ng interes, na animo ay mauubusan ng pagkakataon
upang mangampanya? Sa isang banda ay maganda na rin ang ginawa niya dahil
lumitaw ang tunay niyang kulay!
Ang mga binitiwang salita ni Binay na
nagpahiwatig ng pagtanaw niya ng utang na loob sa mga Aquino ang sumira ng
pagkabilib ko sa kanya. Yong mga tanong ko tungkol sa mga foundation ay
binale-wala ko na sana, subalit napa-opps ako sa sinabi niya sa harap pa mandin
ng mga kamera na tila ba proud siya na malapit siya sa mga Aquino dahil nga sa
utang na loob!
Hindi kailangang magkaroon ng extraordinary
na talino upang maunawaan at makita kung ano ang mga pangangailangan ng mga
Pilipino at ng bansa sa kabuuhan. Lahat ng mga problema ay nakalatag na…hantad
na hantad pa. Ang kailangan lang ay isang matinong mamumuno na malinis ang isip
at walang bahid ng katiwalian. At ang lalong kailangan ay isang matatag na
kaban na naglalaman ng perang kailangan. Subali’t dahil dapang-dapa ang
ekonomiya ng bansa, mauulit na naman ang mga litanya ng pangako na mamumutawi
sa bibig ng mga pulitikong halos tumulo ang laway sa pag-asam ng pinakamataas
na pwesto ng bansa. At, bandang huli ay isisisi sa kawalan ng pondo ang hindi
pag-usad ng mga proyekto, kaya ipipilit na wala siyang magawa kung walang
natupad sa kanyang mga pangako.
Maraming pangako na ang nasambit ng mga
kung sinong pulitiko. Nandiyan ang trabaho, malaking sweldo, pagbaba ng presyo
ng mga bilihin, pagpapatatag ng Pilipinismo, kulang na lang ay sungkitin ang
buwan para mag-brown out man dahil sa palpak na patakbo ng industriya ng
enerhiya at kuryente, ay may liwanag pa rin ang bansa. At itong administrasyon
naman, ay ang pakikinig daw sa mga boss at pagtahak sa matuwid na daan. Baka
ang susunod na bibitiwang pangako ay ang paglipat ng Pilipinas sa isang
malaking isla na ligtas sa baha…kung matutuloy ang eleksiyon sa 2016!
Discussion