0

Ang Trapo*

Posted on Friday, 15 August 2014



Ang Trapo*
Ni Apolinario Villalobos

Ang trapo na isang tawag ay basahan
Sa pagpunas ng gamit, ito ay karaniwan
Ito’y nagtatanggal ng dumi sa ibabaw ng mesa
Panglampaso rin ng sahig ng sala, pati na ng kubeta.

Madumi ang trapo na telang patapon
Dating damit, shorts, palda, t-shirt, pantalon
Hindi na maisuot kaya ang pakinabang ay napaiba
Hindi magawang itapon hangga’t nagagamit pa siya.

Subali’t sa kalaunan ay nagiging dugyot*
Dahil sa kapal ng dungis, amoy na mabantot
Ito ay marumi at nalipasan na rin ng pakinabang
Hindi maaaring itabi dahil sa amoy niyang masansang.

Ganyan ang taong tradisyonal na pulitiko
Sa kampanya pa lang ay maraming pangako
Pakumpas-kumpas, pasayaw-sayaw, pakanta-kanta
Walang kapaguran ito, sa kanyang pangangampanya.

Sa Ingles, siya ay ang “traditional politician”
Na kung daglatin ay “trapo”, tawag ng bayan
Dapat lang, dahil kung sa dumi siya ay ihahambing
Dugyot na dugyot na ay mabantot pa kung siya’y ituring.

Marami niyan sa bansang tawag ay Pilipinas
Sa bulwagan ng mambabatas, sila’y naglipana
Makakapal ang mukha, animo ay busilak, mga puso
Yon pala, mga ugaling demonyo, maitim ang pagkatao.

Mayroong kung ngumiti ay ubod ng tamis
Masarap batuhin ng itlog at bulok na kamatis
Mayroong kung magsalita, animo ay nasa pulpito
Lumalabas naman sa bibig, puro pang-uuto’t panloloko.

Mga walang-hiya at wala ring konsiyensiya
Bilib sa sarili, kaya pulitikong lahat sa pamilya -
Meyor, kongresman, senadora at bise-presidente
Kulang na lang ay Obispo, o Santo Papa kung pwede.


Sa nakaupong presidente animo’y Malabanan*
Kung sila ay sumipsip nilulunok pati ang kahihiyan
Pana-panahon ang pagkakataon, kaya habang kaya pa
Sige lang ng sige, sikwat ng sikwat ng mahaharbat* na pera.

Dumi sa lipunan, sila’y  kanser na walang lunas
Dapat mawala upang maayos ang bayang Pilipinas
Subali’t kung ito ay mangyayari, baka pangarap na lamang
Dahil ang taong inaasahang magtatanggal ay isa palang mangmang!  


*Dugyot – dirty (originally, an Ilocano term)
*Trapo – rag (originally, a Visayan term)
*Malabanan – agency in Manila that uses
sucking equipment in cleaning septic tanks
*Harbat- steal (a typical modern Pinoy term)
*mahaharbat – can be stolen

Discussion

Leave a response