Hindi na Biro ang Sitwasyon ng Pulitika sa Pilipinas
Posted on Sunday, 31 August 2014
Hindi
na Biro ang Sitwasyon
Ng
Pulitika sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Ang korapsyon na siyang sinisisi palagi sa
pagkasira ng pulitiko o opisyal ng isang bansa ay kasing tanda na ng
pinakamatandang panahon. Kung babasahing mabuti ang mga kasaysayan ng iba’t –
ibang lahi at mga kaharian, noon pa man ay may mga tiwali nang mga opisyal, yon
nga lang hindi binoto, kundi itinalaga sa pwesto.
Sa panahon ngayon, maski ang mga kagalang-galang
na mga bansa ay may bahagi din sa isyu ng katiwalian. Yon nga lang, ang mga
nahuli at napatunayang involved ay tumatanggap ng kasalanan, at may
nagpapakamatay pa nga, subali’t ang pinakasimpleng parusa ay pagtanggal na lang
sa pwesto or pagkulong.
Sa Pilipinas, ang mga korap, makapal ang
mga mukha at “matatalino”, pilit pinaiikutan ang mga batas, kaya karamihan sa
mga pumapasok sa pulitika ay naghahanda sa pamamagitan ng pagkuha ng kursong
abugasya o ilang unit man lang ng karerang ito upang maski papaano ay magkaroon
ng ideya kung paanong makasilip ng butas sa mga batas.
Dahil sa talamak na ugaling korap sa
gobyerno ng Pilipinas, hindi na biro ang isyung ito. Dahil dito, nawawalan ng mukhang Pilipino ang ating lahi, ang ating
kultura, ang ating bansa dahil pinagpipilitan ng mga tiwaling mga mambabatas na
baguhin ang mga batas upang lalo pang dagsain ng mga dayuhan ang ating bansa
upang makinabang sa ating mga likas na yaman. Nakakalungkot isipin na maski hindi
na nga magkaroon ng mga batas tungkol sa ganitong bagay ay hayagang naaabuso na
tayo ng mga illegal na dumadayo upang minahin ang mineral sa ating kalupaan, at
walang magawa ang mga lokal na opisyal. Paano na kung mabago pa ang batas
tungkol dito na nakalagay sa Saligang Batas o Konstitusyon na dapat ay
nagbibigay proteksiyon ng mga karapatan ng mga Pilipino?
Talamak ang korapsyon sa gobyerno at lahat
ng may ambisyong maging pangulo ay nakulapulan na nito. Nagkakaroon ng
kalituhan dahil pinagpipilitan ng mga pulitikong sangkot sa katiwaalian, na
hangga’t hindi napatanuyan sa husgado, sila ay walang kasalanan kahit
hayag-hayagan ang pagbuyangyang ng kanilang pastisipasyon. Batay sa mga naunang
kasong inihain sa Ombudsman at iba pang korte, halos walang umuusad ni isa man.
Paano ngayon mangyayari ang pinaggigiitan ng mga tiwaling opisyal na dapat ay
“umusad ang hustisya”? Hanggang kaylan maghihintay ang bayan upang makamit ang
hustisya?
Discussion