0

Huwag...

Posted on Sunday, 10 August 2014



Huwag…
Ni Apolinario Villalobos

Huwag kainggitan ang taong yumaman sa tamang paraan,
            dahil kabawasan din siya
sa bilang ng mga taong dapat tulungan.

Huwag ipagdamot ang payak na pagbati sa mga taong
may ginawang kabutihan sa iba        
upang lalo pa nilang pag-ibayuhin
ang pagtulong sa kanilang kapwa.

Huwag umasa sa hindi pa dumarating na biyaya
            hangga’t walang pagsisikap na ginawa.

Huwag sisihin ang Diyos sa nangyayaring hirap na nararanasan
 dahil lahat ng nangyayari sa atin
             tayo o kapwa natin ang may kagagawan.

Huwag manibugho sa yaman ng iba
            dahil hindi lahat ng kaligayahan
ay may katumbas na pera.

Huwag yapakan ang karapatan ng iba
            maabot lang ang pinapangarap na ginhawa.

Huwag lumampas sa hangganan ng kakayahan
            dahil ang kabila nito’y sa iba naman nakalaan.

Huwag tayong mahiyang umamin ng kahinaan sa ibang bagay
            dahil sa ibang larangan naman tayo magtatagumpay.

Huwag kalimutang lahat ng nakamit natin ay galing sa Kanya
            dahil ang kabuuhan ng buhay ay Kanyang biyaya!

Discussion

Leave a response