0

Ang Nahihibang Na Pari

Posted on Thursday, 21 August 2014



Ang Nahihibang Na Pari
ni Apolinario Villalobos

Sa puntod ni Ninoy Aquino, isang pari ay animo nagdasal na sana ay palawigin pa ang termino ni Pnoy. Marami ang nagulat sa sinambit ng pari, pati na ang mga umatend sa misa bilang pag-alala sa kamatayan ni Ninoy Aquino. Iisa ang nasabi nila…nahihibang ang pari!

Unang-una, siya ay pari na dapat ay naninimbang bago magsalita dahil dala niya sa kanyang mga balikat ang responsibilidad na ispiritwal. Pangalawa, mismong mga kasama niya sa simbahang Katoliko, mga Obispo pa ang iba ay nananawagan na walang makialam sa ganitong isyu dahil napakasensitibo. Pangatlo, bulag yata siya sa mga nangyayari sa kanyang paligid na iisa ang panawagan…kung hindi ang impeachment ay paglisan ni Pnoy sa Malakanyang pagkatapos na pagkatapos ng kanyang termino.

Hindi ko na inalam ang pangalan ng pari dahil nang mapanood ko siyang  nagdadasal na sana ay palawigin ang termino ni Pnoy, pinatay ko na ang TV, sumaglit ako sa CR upang sumuka dahil naduwal ako bigla! Hindi rin ako nag-check sa mga diyaryo dahil baka tumaas ang presyon ko at baka makita ko pang nakahambalang ang retrato ng pari, mamatay pa ako sa panggagalaiti!

Ang narinig ko lang sa radyo, chaplain daw ang pari ng PSG sa Malakanyang. Ibig sabihin, kung sa Malakanyang madalas ang pari, ang hanging nalalanghap niya sa loob ng compound, ay pumasok na rin sa kanyang sistema, nasipsip ng kanyang utak, kaya lumabas sa bibig niya kung ano ang nandoon. Hindi nakapagtataka, dahil lahat ng mga nagsasalita na taga-roon ay kwestiyonable na rin ang sinasabi.

Hindi maaaring sabihin ng pari na pansarili niyang pananaw ang kanyang sinabi dahil may responsibilidad siya at alam niya ito mula pa noong unang araw na pagpasok niya sa seminary, at bago pa nga yan, mayroon pang orientation at nakasentro sa mga responsibilidad na ispiritwal ang mga binabahagi. Kung hindi niya kayang pangatawanan ang sinumpaan niyang nakadipa at nakadapa pa sa harap ng altar, dapat maghubad na siya ng sotana at kalabanin ang mga maaayos ang isip na nasa kalye at humihingi ng katarungan. Magdala na lang siya ng placard na nagsasabing pahabain ang termino ng presidente, maraming kaalyado pa ang bibiloib sa  pagsipsip niya!
 
Yong isang dating pari na kaibigan ko, bilib ako. Dahil napagmuni-muni niyang hindi niya kayang balikatin ang mga responsibilidad at kawalan ng kasagutan sa mga katanungan niya tungkol sa mga ginagawa nila, ay umalis na lang at nag-asawa pero patuloy pa rin niyang nirerespeto ang simbahang Katoliko. Maingat din siya sa pagsalita tungkol sa simbahan at Bibliya kahi’t na sabihin pang otoridad na siya, dahil sa bago niyang kinalalagyan bilang isang ordinaryong mamamayan na lang at hindi na naka-sotana. Saludo ako sa kanya, lalo na’t kung mag-post siya sa facebook ay mga nakakatuwa at mga bagay na may pagka-ispiritwal pero para sa pangkalahatan, walang kinikilingang relihiyon o sekta. Ganyan dapat.


Kung ang mga Pilipino ay gutom dahil inagawan ng pagkain ng mga ganid na pulitiko at mga opisyal sa gobyerno, paano na ang kagutuman nilang ispiritwal na dapat ay maibsan man lamang ng mga salita ng Diyos, kung may iba pang pari na tulad ng hibang na nagsalita sa puntod ni Ninoy, na naglilipana sa bansa?

Mag-ingat sa mga ganitong klaseng mga paring mapagkunwari!

Discussion

Leave a response