0

Tsinelas na Parehong Kaliwa at Iba Pa

Posted on Tuesday, 12 August 2014



Tsinelas na Parehong Kaliwa
At Iba Pa
Ni Apolinario Villalobos

Ayaw ko sanang ikwento ang mga hindi pangkarinawang insidente sa buhay ko na itinuturing kong epektibong pang-laughter therapy, dahil tuwing maalala ko ang mga ito ay hindi ko maiwasang tumawa, bigay todo pa, kahi’t mag-isa lang ako. Pero dahil gusto ko ring sumaya ang mga kaibigan ko, ito sini-share ko na lang.

Noong Consultant ako sa National Library of the Philippines, makailang beses kong natiyempuhan ang baha sa T.M. Kalaw St. tuwing ako ay pauwi na. Upang hindi ako mahirapan sa paghakbang sa hanggang tuhod na baha, nagbabaon ako ng matibay na sandal, pampalit sa balat na sapatos na iniiwan ko sa opisina. Minsang pauwi ako at malapit na sa Taft. Ave. kung saan ako sasakay ng bus sa pag-uwi ko, may nadaanan akong isang babae na halatang sa suot na uniporme ay janitress, at may hawak na isang gomang sapatos na tuklap ang suwelas, mangiyak-ngiyak pa. Tinanong ko kung papasok ba siya o pauwi na, at sagot naman niya ay papasok pa lang. Sunod kong tanong ay kung may ekstra siyang dalang sapatos o tsinelas man lang. Ang sagot ay wala daw. Kinuha ko ang sapatos niya at inihambing ang sukat sa hinubad kong sandal – halos pareho! Malaki kasi ang babae. Sabi ko gamitin niya ang sandals ko. Noong umpisa tumanggi siya, pero noong pilitin ko sabay sabi na wala siyang makikitang gagawa ng sapatos niya dahil baha at hapon na, pumayag na rin. Nakamaong ako noon kaya okey lang na nakalilis ang pantalon ko hanggang tuhod habang naglalakad sa baha nang nakapaa. Ang balak ko ay bumili ng tsinelas na suot ng kung sinong vendor o yong mga nagtutulak ng tumirik na sasakyan.

Habang naglalakad ako, patingin-tingin ako sa mga paa ng mga vendor na kasalubong ko…puro nakapaa. Maswerte ako at may nakita akong lumulutang na isang tsinelas – kaliwa, kulay puti. Pinulot ko at binitbit. Mabait talaga ang Diyos dahil ilang hakbang pa lang, may napulot uli akong nakalutang na isa pa – subalit kaliwa pa rin, kulay pula nga lang. Parehong kasya sa akin, yon nga lang parehong kaliwa. Sabi ko sa sarili di bale na.

Isinuot ko ang tsinelas nang sumakay ako sa bus. Walang nakapansing ibang pasahero dahil inayos ko na ang pantalon ko na may kahabaan, maliban sa katabi ko sa upuan na usisera. Pasimple pang kunwari ay sinabihan akong pareho daw kaliwa ang tsinelas ko. Sabi ko sa kanya, galing ako sa isang arbularyo at nagpagamot dahil sinasapian ako. Sinabihan ko ang katabi ko na arbularyo ang nagpasuot sa akin ng mga tsinelas upang ang sumasapi sa akin ay malito dahil parehong kaliwa ang suot kong tsinelas…at kaya puti ang isa ay para sa sa busilak kong puso at ang isa ay pula, dahil lumalaban ito sa masamang ispiritu. Diretso ko siyang tiningnan sa mga mata habang nagsasalita ako na seryoso, kaya naniwala siya. Akala ko tatahimik na, yon pala nagtanong pa kung taga-saan ang arbularyo. Sabi ko na lang palipat-lipat ng pwesto para hindi siya masundan ng mga nakalaban niyang masamang ispiritung sumasapi…marami na daw kasi sila. Naniwala uli ang usisera hanggang sa bumaba ako sa tapat ng lugar namin. Habang tumatayo ako mula sa upuan, sabi ko sa kanya, hipan ang upuan ko upang walang maiwang ispiritu na hindi nakasapi sa akin. Sa paglingon ko sa kanya habang papunta ako sa pinto ng bus, nakita kong ihip siya ng ihip sa dating upuan ko, nakatingin naman ang naghihintay at susunod na uupong pasahero. Sana hindi siya kinabagan sa kaiihip…usisera kasi!

One time naman, sa isang bahay na pinuntahan namin sa Tondo, nagkaubusan ng pinggan kaya ang ginamit ko ay takip ng kaldero. Tanghalian noon, at wala pa kasi akong almusal kaya gutom na gutom na ako. Nahiya ang maybahay na kumare ko, kaya nanghiram ng pinggan sa kapitbahay para sa akin, pero pinilit kong sa takip ng kaldero pa rin kumain dahil naumpisahan ko na. Dinugtungan ko na lang ang paliwanag ko sa kumare ko na susuwertehin taong kakain sa takip ng kaldero  kung naubusan ng pinggan dahil, bahagi ito ng pinanggalingan ng pagkain – ng grasya, at takip pa, hindi tulad ng pinggan na binabasag sa pintuan ng bahay na nilalabasan ng patay na dadalhin na sa sementeryo upang ilibing. Ganoon pala, sabi ng kumare ko. Mula noon, tuwing pupunta ako sa kanila, palaging sinasadya niyang  maubusan ng pinggan upang makagamit ng takip ng kaldero sa pagkain!

Minsan pa rin, nagkaubusan naman ng tinidor sa isang party, kaya parehong kutsara ang ginamit ko. May nagtanong na bisita kung bakit parehong kutsara ang gamit ko, sabi ko may kaugalian sa amin na ipinagbabawal ang pagtusok sa pagkain o pagkahig ng pagkain sa pamamagitan ng bagay na may tulis – na tinidor nga. Ang sabi ko, dapat nga nagkakamay ako dahil ayaw kong “saktan” ang pagkaing papasok sa katawan ko, pero dahil may mga kutsara naman, gumamit na ako ng mga ito na masuwerte rin dahil lumalabas na parang gumagamit ako ng pala (shovel) sa pagpapasok ng grasya sa bunganga ko. Bumilib siya kaya nang sunod ko siyang makita,  pinagpipilitan niyang gamitan ng kutsara ang porkchop sa pinggan niya.

Sa buhay natin, mayroong mga pangyayaring hindi inaasahan, kaya dapat palagi tayong handa upang matanggap ang mga ito sa pamamagitan ng remedyo. Ito ang unang-una sa listahan ko ng mga panuntunan sa buhay, upang halimbawang madagukan man ako ng masamang kapalaran, ituturing ko na lang itong parang rekado na pampasarap sa nilulutong pagkain, o di kaya ay parang kapeng may kapaitan man ay masarap na ring inumin dahil nakakatanggal ng umay o nakakasawang lasa ng pagkain.

Discussion

Leave a response