0

Ang Educational Tour...May Kabuluhan Ba?

Posted on Thursday, 21 August 2014



Ang Educational Tour
…may kabuluhan ba?
Ni Apolinario Villalobos

Marami nang mga magulang ang nagreklamo noon pa man tungkol sa “educational” tour na inoorganisa ng mga eskwelahan para sa mga estudyante. Wala pa ring ginawa ang mga concerned na kagawaran tulad ng CHED at DECS. Puro hugas kamay sila dahil sa kawalan daw nila ng mga alituntunin upang mapatawan ng kaukulang parusa ang mga eskwelahan o mga titser napatunayang may pagkukulang o ginamit ang activity upang pagkitaan.

Talamak sa buong Pilipinas ang ganitong activity. Mas mahal at mas malayo ang mga pinupuntahan mas may “class” daw. Kaya yong ibang mga estudyante sa mga probinsiya ay nakakarating sa kung saan-saang siyudad. Yong pamangkin ko sa probinisya, napag-alaman ko na may sinamahang educational tour sa isang siyudad at kasama ang pagpunta sa isang shopping mall!...ganoong kauumpisa pa lang ng klase! Naisip ko tuloy na gusto lang magshopping ang adviser nila sa shopping mall at gustong makalibre sa pamasahe na ipinabalikat sa mga estudyante.

Sa isang banda, para na ring ipinamukha ng mga nag-organisang titser sa educational tour sa mall, na pag-graduate ng iba sa mga estudyante, sa mall ang bagsak nila bilang dispatsadora, merchandiser, stock clerk, etc. Hindi ko minamaliit ang trabaho sa mall, dahil marangal at malinis ito, bilib pa ako sa mga nagtatrabaho sa mall dahil sa kanilang tiyaga upang kumita kahi’t pansamantala man lang kaysa umistambay. Subali’t hindi ito ang pangarap nila. Ang gusto nila ay magtrabaho bilang tour guide, empleyado ng travel or tour agency, ticketing staff ng airline, steward o stewardess ng airline.

Ang nangyari sa mga estudyante ng Bulacan State University, kamakailan lang,  ay dapat nagbukas na ng isip ng mga ahensiya ng gobyerno na concerned, subali’t ang nainterbyu tungkol dito ay nagsabi lang na dapat ay imbestigahan ng eskwelahan ang nangyari…ganoon lang. Wala man lang sinabi tungkol sa kaparusahan na ipapataw sa guilty na eskwelahan o mga guro. Paghuhugas kamay ang umiiral, kaya paano uunlad ang educational system ng Pilipinas? Ang nakakabahala ay nang sabihin ng estudyanteng nakaligtas na kaya daw sila sumama ay upang ma-exempt sila sa final exams! Yan…malinaw pa sa sikat ng araw ang dahilan kung bakit walang natututuhan ang mga estudyante pag-graduate nila!  Ang justification naman ng eskwelahan at taga-CHED, ay may kaukulang pagsusulit ang hindi sasama sa tour….kung ganoon, bakit nagkaroon pa ng tour? Ano ba ang mahalaga?....ang pagsusulit o pasyal? Bakit kailangang isalang agad ang mga first year students pa lang sa ganitong activity…na hindi pa sinamahan ng mga titser? May kinita ba ang mga nagmamadaling titser kaya nag-organize ng ganitong activity sa halip na bigyan ang mga estudyante ng pagsusulit?

Kung tourism ang kurso, maraming matututuhan ang mga estudyante kung mag-imbita ng mga mananalitang otoridad sa ganitong linya ng trabaho, lalo na kung para sa mga first year pa lang dahil magsisilbi ang kaalaman bilang “orientation” o “introduction” sa kurso, at  upang lalo nilang maunawaan ang kursong pinili nila. Nandiyan ang mga gumagawa ng tour packages na taga-travel agencies o mga tour operators, mga taga- Department of Tourism, mga tour guides, etc. At kung bigyan man sila ng honorarium o kunswelong bayad sa pagbahagi nila ng kaalaman, hindi gaanong malaking halaga ang kailangan. Maraming dapat malaman ang mga estudyante na nasa first year pa lamang na kailangan nila upang tumatag ang basic knowledge nila sa geography at history na pinakamahalaga sa kursong tourism na may kinalaman sa biyahe at mga lugar na interesante, hindi lang ng Pilipinas, kundi pati ibang bansa. Bago sila maging epektibo sa pagpatupad ng ganitong kasanayan pagka-graduate nila, dapat kumpleto sila ng mga kaalaman. Marami nga sa kanila ang hindi alam kung ano ang capital o kabisera ng mga bagong probinsiya ng Pilipinas, at ni hindi nila kabisado ang pangalan ng mga bayani na kailangan para sa isang historical tour.

Ang mga eskwelahan ay nagdadaos ng “orientation” para sa mga graduating high school students tungkol sa mga kursong maaari nilang kunin pagtuntong ng kolehiyo, subali’t “bitin” ang mga binabahagi ng mga speakers. Naging speaker din ako sa ganitong pagpupulong at inamin ko sa mga nag-imbita sa akin na kulang ang pinamahagi ko bilang taga-airline, kahi’t pa hinaluan ko ng tourism geography at history, dahil limitado ang oras ko sa pagsalita. Kaya bilang pakunswelo ay ibinigay ko ang contact number ko sa kanila upang makatawag sa akin kung kailangan, o di kaya ay pasyalan sa opisina.

Ginagawa din ito ng mga eskwelahan para sa mga estudyante nilang magtatapos na sa ganitong kurso upang makapamili ng trabaho sa iba’t ibang kumpanya pero sa parehong industriya pa rin ng turismo. Nagawa ko ring magsalita sa ganitong grupo at ang umamin naman na marami pa pala silang dapat malaman, ay ang mga estudyante naman, kahit pa raw mayroon na silang actual office training ng kung ilang oras bilang requirement. Sa isang okasyon, nagtanong ako sa grupo kung ano ang epekto sa kanila ng educationa tour?...iisa ang sagot – “gastos lang” at “wala”!  May isang nagsabi na ang perang ginastos niya sa tour ay inutang ng nanay niya sa Bombay at binayaran ng pautay-utay! Sinundan siya ng iba na ang nanay naman nila ay nagsanla ng alahas! Ang nakaka-antig ng damdamin at nag-shock sa akin ay ang sinabi ng isa na nag-nighttime tour guide siya ng ilang gabi upang makaipon ng pambayad para sa tour, kaysa kumuha ng final exam! Pero sinabi niya ito sa akin ng palihim, pagkatapos ng seminar.

Ilang buhay pa ng mga estudyante ang dapat ibuwis upang dumilat sa katotothanan ang CHED, DECS at mga eskwelahan tungkol sa kabuluhan ng educational tour, at kung mayroon man ay kung paano itong mabigyan ng kaayusan? Kung ang mga ahensiya na mismo ang umaamin na may kakulangan sila pagdating sa mga patakaran na magamit nila sa pagpataw ng kaukulang parusa, bakit hindi nila ito ayusin? Hanggang kaylan magdudusa ang mga kabataan dahil sa pagkahaman ng mga nakakatanda?



Discussion

Leave a response