0

Ang Ang Mga Iiwanan ni Pnoy na Dapat Ipagpatuloy...kung may eleksiyon man sa 2016?

Posted on Tuesday, 26 August 2014



Ano ang Mga Iiwanan
Ni Pnoy na Dapat Ipagpatuloy
…kung may eleksiyon man sa 2016?
Ni Apolinario Villalobos

Noon sinabi ni Lacierda ang mga katagang, “anything can happen”, ang pinakahuli naman ay “kung matutuloy ang eleksiyon sa 2016”. Si Pnoy naman binibitin ang kabuuhan ng bansa sa ere ng alanganin sa pagsabing “pakikinggan ko muna ang mga boss ko”, kaya kahit mga kaalyado niya ay nagsasabi (ewan kung totoo), na maski sila hindi alam kung ano talaga ang plano ng Presidente. Kung ang iniisip lang ng presidente ay kapakanan ng taong bayan dapat tuldukan niya ang mga haka-haka ng isang simpleng kumpirmasyon lang naman mula sa bibig niya na talagang bababa siya sa 2016. Bakit ayaw niyang gawin?

Ang ibang naniniwala sa kanya ay nagsasabing kailangang maipagpatuloy ang mga repormang nagawa niya, kaya para siyang nag-aalangan. Ano ba ang mga ginawa niya na dapat ipagpatuloy, mga bago mang programa o mga reporma, o mga bagay at pangyayari na magsisilbing tatak niya bilang presidente, at maiiwanan upang maalala siya?

Sa pagsimula pa lamang ng kanyang administrasyon, may bulilyaso na agad – ang Luneta hostage taking na ikinamatay ng mga turistang galing sa Hongkong. Ang request ng hostage taker ay kausapin siya upang masabi sa kanya ang isang hinaing, subalit hindi niya napagbigyan. Karamihan sa mga turista ay namatay nang magwala na ang hostage taker. Hiningi ng Hongkong ang kanyang public apology, na hindi rin niya ibinigay dahil na rin siguro sa payo ng nakapaligid sa kanya dahil ayon sa kanila, hindi pang-nasyonal na libel ang isyu. Para na rin nilang sinabi na hindi dapat nagpo-promote ang Department of Tourism ng turismo para kumita ang Pilipinas, isang nasyonal na adhikain. Si dating presidente Joseph Estrada ang nagpahupa sa galit ng mga Tsino. Ang credit ay muntik nang agawin ng administrasyon sa pamamagitan ng isa nitong tauhan sa pagbigay ng sarili niyang bersiyon ng report tungkol sa paghupa ng galit ng mga Tsino.

Nagkaroon ng mga report tungkol sa pagpasok ng mga Tsino sa teritoryo ng Pilipinas na dating tawag ay South China Sea, at para lang magkaroon ng anyong Pilipino ang teritoryo ay tinawag na West Philippine Sea, na wala ring silbi dahil patuloy ang paglapit  at pagpasok ng mga Tsino sa teritoryo ng bansa.  Hindi pinansin noon pa man ang problema, at kung nagsampa man ng kaso sa international court ay pagkalipas pa ng mahigit isang taon. Kung anu-ano na ang pinaggagawa ng mga Tsino sa mga bahura upang makaiwan ng tatak o palatandaan ng pagmamay-ari nila. Pati ang gobernador ng Palawan na pupunta sa islang may mga Pilipino nang namumuhay ay sinita ng Chinese Navy. Nitong huling mga araw, pati si Alunan ng West Philippine Sea Commission ay nabahala na rin kaya lumitaw na at nagsalita na nagsabing ilang daang milya na lang ang layo ng mga barko ng mga Tsino mula sa baybayin ng Pilipinas. Walang narinig mula sa Malakanyang.

Naglutangan ang mga report sa TV, diyaryo at radyo tungkol sa patuloy at matagal na palang ginagawa ng mga dayuhan sa pagmimina ng black sand sa hilagag bahagi ng bansa, pumunta pa mandin si de Lima na may mga kasamang reporter at nanita kuno, subalit wala ring nangyari dahil patuloy pa rin ang pagmimina hanggang ngayon. Walang narinig mula sa palasyo ng Malakanyang, kahit kapirasong pagkabahala dahil marami nang apektadong ilog at bahagi ng karagatan na ikinatigil ng pinagkikitaang pangisda. At para bang hindi pa sapat ang hayagang pag-alipusta sa likas na yaman ng Pilipinas, may mga mambabatas na gusto ay baguhin ang mga provision sa Saligang Batas tungkol sa ekonomiya na sumasaklaw sa paglimita ng pamumuhunan ng mga dayuhan sa bansa at pagmimina ng likas na yaman. Wala ring narinig na salita mula sa palasyo, ganoong ang dating presidenteng Cory Aquino pa ang nagtaguyod ng nasyonalismo ng ekonomiya ng bansa noong nakaupo pa ito sa Malakanyang.

Napansin ang tila paglalarong ginagawa ng mga negosyante ng langis sa presyo nito, na magbabawas ng kung ilang sentimo sa halaga subalit  kung magtataas naman ay tatlo o higit pang doble. Ang panawagang pag-aralan uli at posibleng pagtanggal ng batas na nag-deregulate sa presyo ay hindi pinansin. Walang narinig mula sa palasyo.

Sumabog ang anomalya ng PDAF at sa kabila ng mga testimonya ng mga whistle blower ay malamya ang pagtakbo ng imbistigasyon. Maraming nagtanong kung paanong ang isang hindi umabot ng kolehiyo na tulad ni Napoles ay naging matalino sa pagmani-obra ng pondo upang mailagak sa mga ghost NGOs at Foundations nito. Nagkabistuhan ng iba pang mga kaso na maski ang mga janitor ng DBM ay nakakapag-seroks ng mga dokumento na may kinalaman sa maanumalyang paggamit ng pork barrel fund. Marami uli ang nagtanong kung saan galing ang mga papeles na naseroks. Nang magsalita si Napoles, ibinulgar niyang ang ideya sa pagtatag ng mga ghost NGOs at Foundations at kung paanong “mamili” ng mga proyekto ay galing daw kay Abad noon pa man, at ngayon ay kalihim na ng DBM. Walang kibo ang palasyo ng Malakanyang. Hanggang sa mabisto na hindi lang pala PDAF ang may anomalya, kung hindi ay pati na sariling DAP ng Malakanyang ay maanomalya din, ayon na rin sa Korte Suprema. Abut-abot ang paliwanag naman ni Abad subalit, para sa mga nakakaunawa, lalo na ang mga bihasa sa Constitution, ang mga paliwanag niya ay hindi katanggap-tanggap.

Naging emosyonal ang pagpirma ng draft ng mga dokumento para sa kasarinlang pamahalaan ng Bangsamoro na inaadhika ng MILF. Minadali, kaya sa tingin ng nakararaming taga-Mindanao, ay para bang hilaw. Ni hindi naisali ang tungkol sa Sabah na pinaglalaban ng sultanate ng Sulu. Nagkahiyaan siguro, dahil isa sa mga mediator ay Malaysia. Dahil sa mga pangyayari, wala na yatang pag-asang mabawi pa ng Pilipinas ang Sabah na noong panahon ni Marcos ay muntik na kung hindi lang sa pakikialam ng isang nagmarunong na senador, na nagbulgar ng plano! Sa ngayon ang kasunduan ay parang mababalintuan dahil marami na ang kumukwestiyon na mga taga-Mindanao. Idagdag pa diyan ang hayagang sinasabi ng Kongreso na hindi papasa sa kanila ang panukala. Mabubulilyaso pa yata.

Hinagupit ng mga kalamidad ang Pilipinas na ang pinakamatindi ay ang bagyong Yolanda na nagpahapay sa eastern Visayas. May ni-report ang pangulo  noong nag-SONA siya, tungkol sa mga agarang ginawa daw ng kanyang mga ahensiya, sa loob ng 24 hours. Mariing pinabulaanan ng mga galit na galit na taga-Tacloban dahil ang totoo raw ay lumipas pa muna ang ilang araw bago may nakarating na tulong mula sa pamahalaan. Nang nagdatingan ang mga tulong galing sa ibang bansa, halos wala ring nakarating sa mga dapat makatanggap dahil ang dahilan ng DSW at iba pang ahensiya, sira ang mga tulay at mga kalsada. Nagturuan pa kung sino ang may kakulangan na na-broadcast sa buong mundo. Ang mga relief goods pinagtatago. Yong iba, lumitaw subalit bilang paninda. Yong iba, in particular yong nasa Cebu, nakunan ng CCTV na hinahakot, ninanakaw. Nagturuan ang mga ahensiya. Ang mga unang “barracks” na itinayo, hindi angkop na tawaging tirahan…ang mga yero ay maninipis, ang mga kahoy ay coco lumber, maliliit ang espasyo, walang kubeta, walang mapagkukunan ng maiinom na tubig, etc. Mismong ang rehabilitation czar na si Lacson ang unang nagpaputok ng balita subalit sa hindi malamang kadahilanan ay kumambyo at nagbago ng salita. Maraming dinadahilan ang gobyerno kung bakit hindi matapos-tapos ang proyekto.

Kung ano ang kapalaran ng mga Tacloban, lalong matindi ang kapalaran ng mga taga-Zamboanga na hanggang ngayon, ang mga evacuees ay nasa mga grandstand at mga bakanteng lote pa rin!

Nagsiritan ang mga presyo ng bilihin sa palengke – bigas, gulay, isda, karne. Puro paporma sa kamera ang nangyaring inspeksyon dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin bumababa ang mga presyo. Ni walang effort man lang na makontrol ang mga presyo…puro “suggested retail price” ang sinasabi ng taga-DTI at Department of Agriculture. Nagpakawala ng bigas ang NFA, pero limitado sa dalawang kilo lamang bawa’t mamimili. Nagsalita pa ang taga-Department of Agriculture na bababa rin daw ang mga presyo bago magpasko. Kung hindi ba naman ha….al! Paanong bababa, eh, Setyembre pa lang tradisyon na o nakaugalian na ang pagtaas ng presyo! Kaya asahang halos dodoble ang mga presyo ng mga bilihin.  Idagdag pa diyan  ang dinadahilan na kakulangan sa mga imported goods dahil sa problema sa adwana – problema ng mga truckers na naging dahilan sa pagkatengga ng mga container vans na ang mga laman ay hindi maideliver sa tamang oras dahil sa trak ban! Wala ring narinig mula sa palasyo tungkol dito…sa kabila ng panawagang mamagitan ito.

Ang listahang ipinangako ng DBM sa senado tungkol sa mga proyekto, na isasabmit daw mismo ni Abad pagkatapos ng hearing na dinaluhan niya sa Senado, hanggang ngayon puro pangako, kahit na pina-follow up ng mga senador. Ito ang mga detalyadong listahan ng mga proyekto na magpapatunay sa “makatotohanang” paggastos ng DAP fund. Totoo kaya ang mga sinasabing proyekto? o kathang isip lang kaya walang magawang listahan!

Wala nang narinig mula sa Department of Justice tungkol sa second batch at third batch ng mga kakasuhang mga mambabatas, pati na ang tungkol sa kaso ng Malampaya na mas malala pa kaysa PDAP. Sa mga ito, wala man lang nakitang pagkibo mula sa Malakanyang.

Tungkol sa pinipilit ng Malakanyang na pag-asenso ng ekonomiya, sabi ng mga eksperto sa bagay na ito ay pawang mga report lang na hindi makatotohanan. Gusto lang yatang palabasin na maganda ang credit standing ng Pilipinas upang makautang uli ang Pilipinas at mahuthutan ng mga bankong may kinalaman sa ganitong transaksyon. Mismong si Briones na halos ang hinihinga ay mga numero ng istatistiko at naging National Treasurer pa ang nagsabi na walang katotohanan ang report ng Malakanyang tungkol sa pag-asenso ng bansa.

Natengga ng matagal ang isyu sa rehabilitasyon ng MRT dahil nagpakatuko sa kanyang pwesto yong dating namamahala na malapit kay Abaya. Hindi umusad ang proyekto dahil sa palitan ng mga kasong graft sa pagitan ng nagreklamong bidder at ni Vetangcol na magreresayn din lang pala, ay kung bakit umistambay pa ng kung ilang buwan. Nagkaletse-letse ang operasyon ng mga tren at sinisi ang kung anu-ano na lang, ganoong may nanalo namang bidder sa pagmintina na wala rin palang binatbat. May naparusahan ba?

Ang nakikita ng mga tiwali ay kalamyaan sa pagpapatakbo ng gobyerno na pinapakitang “matigas” kaya hindi nakikinig daw sa mga sulsol. Hindi nakikinig? Ang pangulo na mismo ang nagsabi na “makikinig daw siya sa mga boss niya”….sino ba ang mga boss niya?

Dahil sa kalamyaan, walang napaparusahan…nagkakahiyaan yata! Di kaya dahil sa utang na loob? Ano ngayon ang mga programang dapat ipagpatuloy kung bababa siya sa 2016…kung may eleksiyon man? 

Maaalala si Pnoy na naging presidente ng Pilipinas kung kaylan ang nagugutom ay lalong nagutom, kung kaylan ang talong ay naging Php130.00 ang kilo, kung kaylan ang bawang ay naging Php350 ang kilo, kung kaylan ang okra ay piso isa, kung kaylan ang isang tale ng 4 na pirasong talbos ng kamote ay limang piso, kung kaylan ang galunggong na noong panahon ng nanay niya at may presyong Php25 at namimintina na sana sa halagang 80-100 pesos ang kilo ay naging Php150 na, kung kaylan ang ordinaryong commercial rice ay hinaluan ng binlid o durog na bigas na pagkaing hayop at ibinenta sa palengke upang makain ng mga kawawang Pilipino, kung kaylan ang isang pamilyang may anim na miyembro ay nakakabili ng dalawang kilo lamang na NFA rice dahil sa limitasyon sa isahang pagbili kaya kailangang bumalik sa pilahang mahaba upang makabili uli, kung kaylan ninanakaw ang mga relief goods na itinago sa mga bodega sa halip na ipamigay sa mga apektado ng kalamidad. Maaalala rin siya sa mga tapagpasalita niya lalo na yong nagsabing “bakit ipagpipilitan ang pagsakay sa LRT, ganoong may bus naman”, “konting tiis muna”, “anything can happen”, “kung may eleksiyon…sa 2016”. Maraming bagay na magpapaalala kay Pnoy – puro hindi maganda!

Isa lang akong ordinaryong mamamayang gumagamit ng mga simpleng salita na ginagamit din ng ordinaryong Pilipino sa kalye sa pagpapahayag ng totoong damdamin. Hindi ako bulag at bingi… at namamalengke ako…bumibili ako ng gamot…sumasakay sa dyip at bus. Marami rin akong kaibigang iskwater na nakakausap at kumakain ako ng kinakain nila. Hindi ako yong taong paglabas ng bakuran ay nakasakay sa kotse at hindi man lang nakasilip sa isang squatters’ area.

Naglibot ako sa Luneta, ika-25 ng Agosto, na araw sa pagkalap ng mga pirma para sa tuluyang pagbasura sa pork barrel, isang effort na tinawag na People’s Initiative. Ito rin ang araw ng People’s March papuntang Mendiola.  Nagkita kami ng mga kaibigan ko na tulad ko ay apektado ng mga katiwalian sa gobyerno. Marami kaming nakausap na mga taga-Tacloban na hindi pa nakakauwi kaya pumunta na rin sa Luneta upang maglabas ng sama ng loob tungkol sa mga kasinungalingang pinagpipilitan ng gobyernong paniwalaan ng mga tao.

Tulad ng sinabi ko na sa isang naipahayag ko noon, hindi kailangan ang sobrang katalinuhan upang maunawaan ang mga tunay na pangyayari na dahilan ng tuluy-tuloy na pagdusa ng mga Pilipino. Ang tinutukoy kong mga Pilipino ay yaong halos walang pambili ng gamot o pampa-ospital kaya namamatay na lang sa bahay. Hindi ko tinutukoy ang mga Pilipinong nakakariwasa sa buhay na hindi man lang nakatapak sa maputik na palengke… silang hindi nakadanas pumila sa bilihan ng NFA rice, silang sa supermarket at groceries namamalengke, silang ang binibiling bigas ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa 50pesos ang isang kilo, silang ang pambili ng gasolina para sa kotse nila ay barya lang ang turing , silang ang pagwi-weekend sa mga resort ay parang pasyal lang sa kapitbahay… kaya balewala sa kanila ang mga nakababahalang nangyayaring kapabayaan ng gobyerno!

Discussion

Leave a response