0

Nadulals sa Pagsabi? O, sinadya

Posted on Friday, 22 August 2014



Nadulas sa Pagsabi? O, Sinadya -
“…kung may eleksiyon sa 2016…”
Ni Apolinario Villalobos

Talagang lumalabas na sa bibig mismo ng taga-Malakanyang na walang balak bumaba ang pangulo pagdating ng 2016. Maski pa sabihin pa ng kanyang ka-partido na talagang magkakaroon ng eleksiyon. Ang mga taga-Kongreso naman na kaalyado ay nagkukunwaring hindi sila papayag kung magkaroon man ng charter change, ito ay para lamang sa probisyon na pang-ekonomiya, at hindi gagalawin ang tungkol sa pulitika. Sino ang paniniwalain nila? Ang mga Pilipino ay nasanay na sa mga ganitong pananalita ng mga pulitiko. Kung gaanong kadali sa kanila ang magpalit ng partido o kulay, mas lalong madali para sa kanila ang magbago ng sinabi – dahil may malaking halimbawa…ang pangulo mismo na pabago-bago ng mga sinasabi at nagsasabi pa nga ng mga kwestiyonableng accomplishments ng kanyang administrasyon, batay sa ulat ng kanyang mga trusted na mga alalay!

Sa pagkampanya pa lamang ng pangulo noon, parang sirang plaka niyang sinasabi ang tungkol sa “matuwid na daan”, ang pagbaba sa 2016, ang pakikinig sa kanyang mga boss, at kung anu-ano pa…may natupad ba? Lalong lumala ang kanyang gawi nang manungkulan at inalalayan ng mga taong sobra niyang pinagkatiwalaan na nang lumaon  nagdiin lang sa kanya sa putik ng alanganin. Sa kabila ng mga payong bitiwan niya itong mga tao upang matuloy ang pagpapatupad niya ng mga pagbabago at pagtahak tungo sa matuwid na daan, hindi niya ginawa.

Paano niyang masabi na magaganda ang mga layunin niya, ganoong napapaligiran siya ng mga taong tiwali? Paano niyang bibitawan halimbawa si Abaya na mataas ang pwesto sa Liberal Party? Paano niyang bibitawan si Abad at Roxas na malaki ang mga  nalalaman sa mga kahinahinalang mga desisyon niya? Paano niyang bibitawan si Soliman at Alcantara na malaki ang sinakripisyo para sa kanya noong panahon ng eleksiyon? Marami pa sila…

Bakit hindi magsalita si Pnoy, once and for all tungkol sa issue ng term extension niya, na ang palaging sinasagot niya ay “pakikinggan ko muna ang sasabihin ng mga boss ko”? Alam niyang hindi dapat i-extend ang term ng presidente kaya nga ginawang 6 na taon sa halip na 4, kaya dapat niyang unawain na walang kundisyon ang kanyang pagbaba, gaya ng pagsabi na makikinig daw muna siya sa mga boss niya. Kung hindi niya sinabi ang kundisyon na yon, wala sanang problema, subali’t halatang may bumulong dahil ilang araw lang ang nakaraan pagkatapos ng SONA kung saan sinabi niyang “finish or not finish, pass your paper”, na ibig sabihin, ano man ang mangyari ay bababa siya, bigla siyang kumambyo, umikot 360 degrees pa at nagsabi na makikinig daw muna siya sa mga boss niya! Marami tuloy ang nagsasabi na para niyang ginagawang laro ang pagka-presidente ng bansa! At sinasabi na rin ng iba na ang mga boss pala niya ay yong mga nakapaligid sa kanya!

Kapos sa panahon kung ipagpipilitan ang term extension dahil sa mahabang proseso. Hindi aabot sa panahon ng eleksiyon sa 2016. Ang pag-asa niya at ng kanyang mga kaalyado ay magkaroon ng senaryo upang maging dahilan sa pagdeklara ng Martial Law….na huwag naman sana. Iisa lang ang senaryo na maaaring mangyari, ang banta sa kanyang buhay na ipinahiwatig niyang mayroon daw, noong mag-deliver siya ng SONA. Testing kaya ang senaryo ng babaeng may dala ng baril at sumugod sa Malakanyang? Tanong lang yan…

Hindi maatim ng presidente na bababa siya na maraming mga nakabiting issue na sisira sa kanyang panunungkulan, lalo na kung ang mga ito ay makakasira din sa pangalan ng kanilang pamilya. Itinuturing na “bayani” ang kanyang tatay, kahit hindi ito tanggap ng iba. Ito ang umuukilkil sa kanyang konsiyensiya, kaya kailangang maiwasto niya ang alam niya ay mga maling nagawa. Magagawa lamang ito kung siya mismo ang gagawa… kung mai-extend ang kanyang panunungkulan, lalo na at may  nakabinbin ding kaso ng corruption laban sa kanya dahil sa DAP na gusto din niyang mabura. Ayaw niyang matulad kay Gloria Arroyo na pagbabang-pagbaba ay nagkaroon ng kaliwa’t kanang mga kaso. Maski papaano ay may talino pa rin siya upang maunawaan na sa pulitik ay natitira ang matibay, ang may halang na bituka, ang may makapal na mukha, at lalung-lalo na… kung saan ay walang permanenteng kaalyado o kaibigan!

Nakita ng pangulo at ng buong bansa na walang nagawa ang mga dating kaibigan o kaalyado ni Gloria nang siya ay sampahan ng kaliwa’t kanang mga kaso. Lahat sila tumahimik at pasimpleng lumipat ng bakod…to survive, wika nga sa madugong larangan ng pulitika. Sa pagbabalik-tanaw, sino ang mga pumaligid sa dating presidenteng Cory Aquino nang siya ay naluklok bilang presidente, di ba yon ding mga taong sipsip kay Marcos? Sino ngayon ang mga nakapaligid kay Pnoy, di ba karamihan ay mga dating tauhan din ni Marcos at Arroyo? Nakakabilib ang mga hunyangong survivors na hindi maintindihan kung may konsiyensya o wala, pero ang sigurado ko, maitim pa sa uling ang kaluluwa. Ganyan ang buhay sa pulitika ng Pilipinas na ang naboboldyak ng mga hindi magandang resulta ay mga Pilipino!

Alam ng pangulo na pagbaba niya, kanya-kanyang pagligtas sa sarili ang mangyayari mula sa kumunoy ng katiwalian ang mga senador, mga kongresista at mga opisyal sa gobyerno at magagawa lamang ito kung may mapagtatapunan sila ng sisi. Sa pagkakaalam ko hindi si Napoles ang sisisihin uli…pero malamang alam ng presidente kung sino, kaya siya kabado!

Madali lang namang sabihing, “hindi ako humingi, pero binigyan ako”….di ba?

Discussion

Leave a response