0

Ang High Prices sa Pilipinas At Hirit na Term Extension ni Pnoy

Posted on Thursday, 14 August 2014



Ang High Prices sa Pilipinas
At Hirit Na Term Extension ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Nagsalita na naman ang isang tauhan ni Pnoy na taga-Department of Trade and Industry. Hindi raw aabutin ng pasko ang mga nagsisiritang presyo ng mga bilihin. Itong ahensiya na wala na ngang binatbat sa pagkontrol ng mga presyo ng mga bilihin ay pilit na pumapapel, sumesemplang naman. Wala yatang historical record itong ahensiya upang ma-establish ang trending ng mga presyo na naka-angkla sa kultura ng Pilipino, na kung saan, ang presyong tumataas ay hindi bumababa sa dating libel. Nahihibang yata ang tagapagsalita ng gobyerno at isinangkalang pa ang pasko, para siguro maging makulay ang sasabihin niya. Akala niya tanga ang mga Pilipino. October pa nga lang ay nagho-hoard na ng mga pangpaskong pagkain at mga bagay ang mga gahamang negosyante kaya nagkakaroon ng artificial na pagtaas ng mga presyo, kaya pagdating ng pasko, ay hindi na lang ito pinapansin ng mga Pilipino, magkaroon lang ng hamon, imported na prutas, keso at iba pa sa hapag kainan kung Disyembre.

Ang pinakamagandang gawin ng ahensiya ay magbigay ng maayos na batayan sa pagkontrol ng mga presyo sa kongreso upang magawan ng batas, para ang nakadikit sa presyo ng mga bilihin ay hindi “SRP” o suggested retail price. Para sa mga ganid na negosyanteng Pilipino, ang kailangan ay “ceiling price”, hindi “suggested retail price”.  Kaya tuloy kahit na anong ikot ng mga taong gobyerno sa mga palengke upang mag-check kuno, karay-karay ang sangkaterbang reporters at TV cameras, wala pa ring nangyayari. Nagpapa photo-op lang sila upang makita sa TV at mabanggit ang mga pangalan sa radyo.

Mas matindi ang sinabi ng taga- Department of Agriculture na dapat daw ay tumawad na lang ang mga Pilipino sa tuwing mamili. Mabuti nga at hindi inulit ang sinabi ng isang kasama rin niyang alalay ni Pnoy, na nagsabing “tiis-tiis muna”.

Lahat na lang ng bilihin sa Pilipinas ay puro nagsiritan ang mga presyo. May mangilan-ngilan na bumaba man ay kapiranggot at hindi naramdaman. Ang pinakamahalagang bigas, hindi pa rin natitinag ang mala-gintong mga presyo. Nagkaroon ng isang dahilan ang gobyerno na binabanggit nila tuwing tanungin tungkol dito, at ito ay ang problema sa piyer kung saan ay nakatengga ang mga kalakal na galing pa sa ibang bansa, kaya ultimo manok na ginagamit ng karamihan sa mga food chain na nagsisilbi nito ay apektado na rin. Ang masama, ni ha – ni ho ay walang narinig mula sa Malakanyang tungkol dito, ganoong ekonomiyang nasyonal na ang apektado.

Oktubre 13, sumambulat ang ugong na bukas na si Pnoy sa isyu ng term extension niya. Sabagay nakinig nga yata sa mga boss niya…ang mga cabinet secretaries, lalo na ang mga kaalyado sa kongreso at senado. Masaya yata siyang nakikita ang patuloy na paghihirap ng mga Pilipino na hindi man lang niya naibsan. May mga napasaya siya sa pagbago ng desisyon niya…ang mga opisyal ng gobyerno na nangurakot at takot makasuhan kung wala na siya sa poder. Sabi na nga ba at may “magandang pahiwatig” ang ngiting de….yo ng isa niyang tagapagsalita na nagsabing, “anything can happen”.

Discussion

Leave a response