Kapag Nag-field Work Ang Mga Taga-Gobyerno
Posted on Friday, 29 August 2014
Kapag
Nag-Field Work
Ang
Mga Taga-Gobyerno
Ni Apolinario Villalobos
Dalawang araw makalipas mula sa petsang
ito, lumabas sa TV si Sec. Abaya na naglalakad sa riles ng MRT…nakaputing
barong, may mga alalay at pinapayungan! Tinanggap niya ang challenge na sumakay
sa MRT upang “maranasan” ang nakakaburyong na sitwasyon kapag sumakay ang isang
simpleng mamamayan sa mass transit system na ito. Okey naman daw. Bakit hindi?
Sumakay ba naman ng bandang ala-una ng hapon ayon sa mga nagkober na reporters,
oras na walang pila dahil hindi rush hour, at ang sinakyan pang bagon ay para
sa mga babae, buntis, matanda at may kapansanan! Kaya ang sagot niya sa mga
nagrereklamo, wala ring kwenta.
Hindi nalalayo ang sa ginawa ni Sec. Abaya
ang ginagawa ng mga taga-ahensiya ng gobyerno na ang trabaho ay mag-monitor ng
mga presyo sa palengke. Kung pumunta sila ay may prior notice kaya maraming
pulis sa mga pupuntahang lugar, may mga bitbit din na mga alalay mula sa
opisina mismo at higit sa lahat, may mga kamerang nakatutok sa kunwari ay
pagtistsek ng mga price tags. Kapag lumabas na ng palengke, may mga nakaabang
na magpapayong. Dahil naanunsiyo ang pagdating, siyempre ibang mga price tags
ang naka-display, at pag-alis nila, balik na naman sa masayang pataasan ng
presyo!
Sa isang pagtitipon na pinuntahan ko, may
darating palang isang mayor na bisita rin. Halos nasa kalagitnaan nang programa
nang dumating siya na maraming bitbit na alalay. Maliit siya kaya siya
“nalunod” sa dami ng nagtatangkarang bodyguards. Pagkatapos ng programa,
nilapitan ako ng isang kaibigan ko na nadaanan ng grupo ni mayor at nagsabing
narinig daw niya ang instruction ni mayor sa isang lalaking katabi niya na: “…
yong cameraman lapitan mo na at ituro kung saan ako uupo, ihanda mo na ang
pang-abot mo”.
Sa isa namang pasinaya ng isang art gallery
sa MegaMall, inimbita ako upang mag-emcee. Sa labas lang ng gallery ang
programa para sa mga piling bisita kasama ang isang dating senadora at isang dating
mayor ng malaking lunsod at ngayon ay may bagong pwesto sa gobyerno. Okey lang
ang dating senadora na dumating ng maaga kaya naupo na lamang muna habang
hinihintay namin ang iba. Maya-maya lang parang may nagkagulo dahil ang mga taong
dumaan ay nagmamadaling hindi maintindihan. May mga dumating na mga naka-short sleeves
polo barong at nagpapatabi ng mga tao, pati ako ay “nahawi”. Umalma ako at
tinanong ko ang “humawi” sa akin, kung bakit. Sabi niya habang may kayabangang
nakatingin sa mga mata ko ay, “dadaanan si mayor, kaya tumabi ka!”, halos
pasigaw niyang sabi sa akin. Nagpanting ang tenga ko at sinagot ko siya ng
“sira ulo ka ba, eh, may program dito sa dinadaanan ninyo at emcee ako?” Sagot
niya, “diyan pupunta si mayor, eh”. Sa inis ko, sinabihan ko siya ng, “ikaw ang
tumabi dahil hawi boy ka lang, emcee ako dito!”. Maya-maya dumating ang
sinasabing mayor na noon ay hindi ko pa nakita ng personal, pero narinig ko na
ang pangalan.
Nang kausapin ko ang mayor para hingan ng
kunting impormasyon para magamit sa pag-introduce ko sa kanya, binanggit ko ang
inasal ng alalay niya. Sabi naman niya na nagpahupa ng galit ko ay, “pasensiya
na po kayo at pagsasabihan ko”, sabay ngiti ng pagkatamis-tamis na isa sa mga
trademark niya ngayon. Kilala daw pala ang dating mayor na ito dahil sa dami ng
“hawi boys” niya.
Ang dating senadora naman na ininterbyu ko
rin para makuhanan ng konting impormasyon ay halos ayaw ibuka ang bibig kung
magsalita at walang kakurap-kurap ang mata, at ni hindi man lang ngumiti. Inakala
kong may sakit siya. Nang kausapin ko ang misis ng pintor na nag-imbita sa akin
upang maging emcee, sabi niya pasensiyahan na lang dahil baka bago lang
nainiksiyunan ng botux sa pisngi at noo. Seryoso siya sa pagsabi sa akin pero
dahil hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng botux noon, inakala ko na lang
na gamot laban sa allergy, kaya naawa ako sa dating senadora. Sayang nga naman
ang mukha niyang makinis at walang kulubot kung magka-allergy!
Ang pinaka-commendable na senadorang
nag-fieldwork upang mangalap ng first- hand information sa imbestigasyong
gagawin ng komite niya sa MRT ay si Sen. Grace Poe na isang staff lang ang dala
nang pumila upang makasakay sa MRT. Unannouced din ang pagsakay niya kaya
parang hindi lang din sinasadya na may nakapansin sa kanyang taga-media. Walang
special treatment na ibinigay, at nadanasan din niyang “makainan” ng tiket, hanggang
sa makipagsiksikan sa pagsakay. Peak hour nang sumakay siya, alas-otso o pasado
ng kunti daw ng sumakay siya kaya sapol niya ang pahirapan sa pagpila bago
makarating sa ticket booth.
Kung ang ginawa ni Sen. Poe ay gagawin ng
mga taga-DTI at taga-Department of Agriculture kung mag-tsek sila ng mga presyo
sa palengke, marami silang mahuhuling mga tiwaling negosyanteng nagtataas ng
mga presyo na labag sa batas. Pero hangga’t ang gagawin nila ay puro photo opportunity
lamang, hindi sila nakakatulong sa Pangulong pilit na inilalagay sa tamang
kaayusan ang mga sistema sa Pilipinas.
Sa isang banda, hindi maikakailang may mga
service vehicle ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na kung mag-field work sila,
pero sana naman ay huwag nang magsalita upang kontrahin ang mga tunay na
nangyayari pagdating sa mass transport system ng bansa, dahil hindi naman nila
nadadanasan ang magpakahirap sa halos araw- araw na lang, makarating lang sa
patutunguhan.
Discussion