Hulidap
Posted on Thursday, 11 September 2014
Hulidap
Ni Apolinario Villalobos
Nakakatawa ang gobyerno dahil ngayon lang
yata nila nalamang may mga nangyayaring hulidap. Kung hindi pa napahiya dahil
sa pag-viral sa social media ng pinakahuling hulidap sa EDSA, ay hindi sila
kikilos. At ang matindi, nag-iingay na nga ang media, wala pa ring narinig sa
pamunuan ng pulisya. Bukod tanging mga precinct commander at mababang opisyal
ang nagsalita. Nagsalita rin si DILG Secretary Roxas, pero “umapela” lang para
sumuko na ang mga sangkot na nagtatago pa hanggang ngayon. Paanong paniniwalaan
at marerespeto ng hanay ng pulisya ang mga nakakataas sa kanila kung ganito ang
kanilang ginagawa, na malamya na ay puro “announcement” lang sa media ang
ginagawa. Yong dapat aksiyon na pag-check sa lifestyle ng mga pulis, na dapat
ay “discreet” na gagawin, ay inanunsiyo pa sa media ni Roxas! Ano ngayon ang
gagawin ng mga may kamalasaduhang ginagawa?...eh, di mag-lie low…kung nakatira
sa magarang mansion, lilipat muna sa squatter’s area siguro… yong dating may
magarang kotse, magdi-jeep na lang… yong pumupunta sa first class na sauna, sa
bulag na lang magpapamasahe, etc.! Saan napunta ang common sense ng mga taong
akala natin ay matatalino? Ang tanong ng marami ngayon…may naparusahan ba
talagang mga tiwaling pulis?
Nang magsalita ang isa sa mga biktima sa
EDSA hulidap, may binanggit siya na “lalo na sa San Juan”. Hindi man lang ito
binigyan ng pansin. Dapat isipin ng mga pulis
na ang popular na Greenhills Shopping Center na halos puno ng puwesto ng
mga negosyanteng Muslim ay nasa San Juan. Hindi lang nababanggit ng hayagan ang
mga negosyanteng Muslim sa Islamic Center sa Quiapo na mga biktima rin
pangongotong. Ang mga negosyanteng Muslim ang palaging target ng mga hulidap,
na nitong huling mga araw ay nasamahan na rin ng mga Koreanong negosyante. Ang
mga Tsinoy, dati na talagang biktima. Saan napunta ang intelligence fund ng
kapulisan? May nagsabi na meron daw taga-timbri ang mga tiwaling pulis kung may
darating na big time na negosyante mula sa Mindanao, kaya sa airport pa lang o
sa daan paglabas ng airport ay may mga nakaabang na.
Humihingi pa ang pulisya ng pondo para sa
sarili daw nilang neuro examination facilities na palagi namang dini-deny
tuwing budget hearing….dapat lang! Kung ihi nga lang para sa drug test ay
kinukutsaba, neuro test pa kaya na requirement para sa entrance ng applicants
sa pagka-pulis? Paano na kung may sariling ganitong pasilidad ang kapulisan?
Sa isang TV broadcast ng isang biktima ng
hulidap na hiningan ng two hundred thousand pesos, noong pinipilit daw siyang
hingan ng pera at pumapalag siya, may inilabas na malaking pakete ng shabu para
ipaamin sa kanyang pagmamay-ari niya. Sa takot, nagbigay na lang siya ng pera,
subali’t hanggang ngayon daw ay kinikikilan pa rin siya. Noon pa man may mga
kuwento na tungkol sa pagtatanim ng drugs sa mga nakukursunadahang nahuli upang
mapilitang umamin sa kasalanang hindi naman ginawa. Mabigat ang kaparusahan sa
possession of illegal drugs, kaya kahit walang torture, may “napapaamin”. Bakit
hindi i-audit ang mga nakumpiskang shabu? Marami ang nakapansin kasi na kung
kaylan sunud-sunod ang mga buy-bust operation at kung anu-ano pang operasyon na
may kasamang pagkumpiska ng illegal drugs dumami rin ang mga pulis na nasangkot
sa bentahan nito. Sa mga nari-raid na drug dens at laboratories daw, wala
namang naaabutang operator or may-ari, puro katiwala lang, at mga bulto ng mga
illegal drugs…nakapagtataka yata.
Ang nakakabahala pa ay ang pagkabisto na
karamihan pala sa mga pulis na sangkot sa katiwalian ay dati nang may mga kaso,
pero nagdo-duty pa rin. Sa harap ng TV cameras inamin ito ni Roxas ang kanyang
pagtataka tungkol dito, pero ang pangako ay puro iimbistigahan lang….kaya? at
kaylan?
Sa EDSA hulidap, mapapansing karamihan sa
mga sangkot ay mga PO1 at PO2, mga bago sa trabaho. Kasama nilang ilan ay mga
datihan na. Talagang, ang bata ay natututo sa matanda!
Discussion