0

Pilipinas: Bansa ng Mga Imbestigasyon...na walang katapusan

Posted on Thursday, 25 September 2014



Pilipinas:  Bansa ng Mga Imbestigasyon
…na walang katapusan
Ni Apolinario Villalobos

Sa buong mundo, ang pamahalaan ng Pilipinas na yata ang may pinakamaraming ginagawang imbestigasyon. At ang masaklap, sa loob ng isang taon, maswerte na kung may isang kaso ng korapsyon na naresolba. Ang sabi nga ng iba, malugod naman daw na tinatanggap ng iba’t ibang korte ang mga kaso, tinatatakan, at ini-eskedyul - lang. Kung matuloy man, Diyos lang ang nakakaalam!

Ang mga mambabatas, matatakaw sa publisidad. Kaya basta kasong popular sa mga tao, kahit labas na sa kanilang hurisdiksiyon, ay pinakikialaman upang mahagip lang sila ng mga TV camera at ma-interview sa radyo. Scoop kasi. Sabi ng isang komentarista sa radyo, baka gusto din nilang imbestigahan kung bakit nawalan ng ganang kumain ang aso ng isang masyadong sikat na artista…o, kung bakit naghiwalay ang dalawang sikat na artista!

Nang pumutok ang Maguindanao Massacre, hindi magkandaugaga ang mga mambabatas sa pagsawsaw. May mga nangakong hindi sila titigil hangga’t hindi naparusahan ang maysala, pati ang Presidente ay nangako ng agarang imbestigasyon upang matuldukan agad ang kaso. Nasa korte na nga ang kaso, subalit sa kabila ng mga malinaw na ebidensiya, ang mga pangunahing sangkot na mag-aamang Ampatuan, ay hindi pa rin nasisintensiyahan. Halatang dini-delay ang imbestigasyon sa pamamagitan ng mga technicalities. Ang dahilan ay hinihintay pa raw na mahuli ang iba pang mga sangkot…hanggang sa pumutok ang isyu na nagkakabayaran, kaya lalong nagkalitse-litse ang mga hearing! Samantala, ang mga kamag-anak ng mga biktima na galing pa sa malayong isla ng Mindanao ay nagkandabaon sa utang dahil sa pangangailangang pamasahe, pagkain at bayad sa mumurahing hotel sa Maynila.

Nang lusubin ni Misuari ang Zamboanga, imbistigasyon uli. Animo na-dilubyo ang siyudad. Ang mga biktima ay lupaypay na sa hirap dahil sa kawalan ng hanapbuhay pati nang maayos na tirahan. Ganoon din ang nangyari nang lusubin ng BIFF ang ilang bayan sa Mindanao…imbestigasyon din ang ginawa. Alam na pala kung saan naglulungga si Misuari ay kung bakit hindi pa rin ito masugod upang mapanagot. Alam din kung saan ang kampo ng BIFF, ay kung bakit hindi rin malusob.

Sa kaso ng MNLF, ang hawak lang ni Misuari ay isang maliit na faction nito. Ang ibang factions ay sa ilalim na ng ibang matitinong MNLF leaders, kaya hindi maaaring gawing dahilan na baka magkagulo kapag inaresto ito. Inabot tuloy ng pag-uusap para sa kasarinlan ng Bangsamoro, at gusto pa ng Kongreso imbitahin si Misuari at ang pamunuan ng BIFF, kaya gustong ipa-suspinde ang kanilang warrant of arrest!  Halata ang delaying tactic na ginagawa ng Kongreso,  upang bumaba man si Pnoy, hindi pa rin tapos ang usapin. At, ang kahihinatnan nito ay magdedepende sa bagong Presidente. Kawawa namang ang mga probinsiya at bayan sa Mindanao na umaasa dito.

Nagkalokohan sa mga proyekto para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. May kinalaman ito tungkol sa pagbili ng mga mahihinang klase ng materyales para sa pabahay. Pati ang mga relief goods ay nagkandabulok at pinagnanakaw….imbestigasyon uli, na wala namang kinahinatnan! Abut-abot pa ang pagdepensa ng Pangulo sa mga ahensiyang natutukoy, kaya malakas ang loob ng mga namumuno sa mga ito na magpabaya sa trabaho, dahil ni hindi man lang sila nawawarningan. Ang namumuno sa DSW, matamis ang ngiti habang ini-interview sa TV…marami na rin naman daw ang nabigyan ng relief goods!

Sa isyu  ng pagmimina ng black sands at iba pang mineral ng bansa, na ginagawa ng mga banyaga…nagpa-TV rin kunwari si Secretary de Lima na nasa site pa kung saan ginagawa ang pagmimina. Ang sabi, dapat ma-imbestiga…ano ang nangyari? Wala! Kaya ang mga Tsino humahalakhak sa kasiyahan habang naghahakot ng barko-barkong itim na buhangin patungo sa kanilang bansa.

Ito na naman ngayon ang walang katapusang lifestyle check ng mga opisyal ng gobyerno. Karamihan sa mga kongresista ay malabnaw sa isyu dahil siguro alam nila na kung lalahatin sila sa imbestigasyong gagawin, isama pa ang mga senador, baka mabibilang sa mga daliri ng kamay at paa ang matitira! …lusaw ang Kongreso at Senado. Kawawa ang Pilipinas, wala na ngang pera, sarado pa ang Senado at Kongreso!

Masaklap ding isipin na ang mga dapat mag-imbestiga ay may bahid din ng korapsyon at ng pagdududa ng taong bayan. Hindi kaila sa lahat na may mga taga-BIR na nakakatikim ng suhol. Ang Commission on Audit (COA) ay nabisto na hindi pala gaanong mapagkakatiwalaan ang resulta ng kanilang mga pag-audit ng mga ahensiya ng gobyerno. Ang Ombudsman ay nababanggit na rin sa mga kahina-hinalang usapin. At kung sakali lang naman na sila ang gagawa ng lifestyle check, hindi rin pwede dahil nagrereklamo din sila sa kakulangan ng tao, kaya nga patung-patong ang mga kasong pumapasok sa kanila na nag-iipon lang ng agiw at alikabok! Kung sa kaso naman ng mga pulis na tiwali na dapat imbestigahan, hindi pwedeng ang gumawa ay ang kanilang pamunuan pati ang NAPOLCOM dahil may mga dapat palang natanggal nang mga pulis noon pa dahil sa mga krimeng nagawa nila, subali’t nagdo-duty pa rin!

Wala akong maisa-suggest na simpleng gagawin upang matuloy ang lifestyle check at iba pang imbestigasyon. Ang nasa isip ko kasi ay kumplikado dahil ang suhestiyon ko,  dapat na gumawa ng lifestyle check at iba pang imbestigasyon ay isang audit firm na banyaga upang talagang neutral ang mangyayaring pag-imbestiga.

Discussion

Leave a response